Martes, Oktubre 15, 2013

AFSJ: Isang Silip sa mga Pilipinong Estudyante sa Japan


Ni Florenda Corpuz




Mahalaga para sa isang tao ang pagkakaroon ng edukasyon dahil dito nakasalalay ang kanyang kinabukasan at papel na gagampanan sa lipunan. Ito rin ang magsisilbing sandata upang mapabuti ang pamumuhay ng sarili at pamilya.

Lingid sa kaalaman ng marami, may mga organisasyon at grupo ang mga Pilipinong estudyante sa Japan. Isa na rito ang Association of Filipino Students in Japan o AFSJ na binubuo ng humigit-kumulang sa 80 miyembro at may misyong pag-isahin ang lahat ng Pilipinong estudyante sa Japan, tulungan sila sa kanilang pag-aaral at gawing masaya at kapaki-pakinabang ang kanilang buhay-estudyante sa dayuhang lupain.

Binuo noong 1954, ang AFSJ ay aktibo sa mga gawain ng Embahada at Filipino community. Ito ay bahagi ng Philippine Assistance Group o PAG, founding member ng ASEAN Youth Network in Japan o AYNJ at nakikipagtulungan din sa Science and Technology Advisory Council-Japan Chapter o STAC-J.

Ang mga kasapi ng AFSJ ay pawang mga undergraduates, graduate students, specialized college students, research students, teacher training program participants, short-term exchange students at mga graduates na kasalukuyang nagtatrabaho at naninirahan sa Japan. Sila ay mapalad na nabigyan ng scholarship grants ng Japanese Government (MEXT) at iba pang pribadong kumpanya.

Hindi na bago ang pagbibigay ng scholarship ng pamahalaang Hapon sa mga Pilipinong estudyante. Sa katunayan, mahigit sa 50 taon na nila itong ginagawa kung saan aabot sa 100 iskolar mula Pilipinas ang ipinapadala sa Japan taun-taon sa ilalim ng iba’t ibang scholarship programs. Ang mga estudyanteng napili ay eksperto sa kani-kanilang mga larangan at dumaraan sa masusing proseso bago mabigyan ng scholarship grant.

Kilalanin pa ang AFSJ sa aming panayam:
Ano ang layunin ng AFSJ?

Layunin ng AFSJ na magkaisa ang mga mag-aaral na Pilipino sa bansang Hapon para tulungan silang maging matagumpay sa larangan ng akademiya. Nag-oorganisa kami ng iba’t ibang aktibidad na pumupuno sa pangangailang sosyal at kultural ng aming mga miyembro. 

Ano ang proseso na dapat pagdaanan upang maging miyembro ng AFSJ?

Taun-taon ay may dumarating dito na bagong mga mag-aaral mula sa Pilipinas at sila ay inaanyayahan namin na sumali sa grupo. Kahit sinong Pilipinong mag-aaral   na may interes sumali sa AFSJ ay malugod naming tinatanggap.

Bilang mga estudyante, ano ang mga pagsubok na inyong nararanasan?

Maliban sa pagsubok na dala ng akademiya, pagsubok din sa ilan ay ang mawalay sa kani-kanilang pamilya. Dahil halos lahat kami ay nakarating dito sa pamamagitan ng scholarship, kadalasan ay maayos ang aming kundisyon at pamumuhay dito.

Paano ninyo hinaharap ang mga pagsubok na inyong nararanasan sa Japan?

Ang AFSJ ay itinayo para na rin mapunan ang pangangailangang sosyal ng mga Pilipinong estudyante rito sa Japan. Marami kaming mga aktibidad para makapagkita-kita ang mga mag-aaral at nang sa gayon ay magkaroon ng oportunidad na mag-usap at magkwentuhan tungkol sa buhay sa bansang Hapon.

Ano ang masasayang karanasan ninyo rito sa Japan?

Maraming bagay kaming nararanasan dito na hindi namin nararanasan sa Pilipinas tulad ng iba’t ibang panahon, tanawin, mahabang kasaysayan na nakikita sa mga naiwang istruktura at gawang sining, modernong teknolohiya at masasarap na pagkain. 

Ano ang impresyon ninyo sa Japan at sa mga tao rito?

Iba-iba ang impresyon namin sa mga tao dito ngunit nangingibabaw ang respeto sa kanilang disiplina at dedikasyon sa trabaho.

Ano ang pakiramdam na mabigyan ng pagkakataon na makapag-aral ng libre sa Japan?

Malaki ang pasasalamat na aming nadarama kaya naman pinagbubutihan namin na tapusin ang aming mga masterado at doktorado rito. 

Ano ang inyong payo sa mga kabataang mag-aaral na Filipino-Japanese?

Bilang mga Pilipinong estudyante sa bansang Hapon na panandalian lamang na nag-aaral dito, marahil ay mas marami silang maipapayo sa amin. Kung may maipapayo kami sa kanila ay sana ipagmalaki ang kanilang pagiging Pilipino.

Ano ang mga aabangang programa ng AFSJ ngayong taon?

Kakatapos lamang ng aming Palarong Pinoy. Sa Nobyembre naman kami ay may Pinoy Cultural Night kung saan inaanyayahan namin ang lahat na manood at makisaya sa pagtatanghal ng iba’t ibang angking talento ng mga Pinoy sa pag-awit, pagsayaw at pati na rin sa pagpapatawa. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento