Linggo, Oktubre 6, 2013

Kapag tayo’y pauwi na


Ni Al Eugenio

Makalipas ang mahabang panahon nang pagtigil dito sa Japan, marami pa rin sa ating mga kababayan ang pipiliing sa Pilipinas magretiro kasama ng pamilya. 

Totooong masarap manirahan dito sa Japan. Maayos at tahimik ang pamumuhay, maganda ang serbisyo, masarap ang mga pagkain at magaganda ang mga lugar pasyalan. Sa Pilipinas naman, kahit na sabihin pa na talamak ang pangungurakot at nakawan, madalas ang pagbaha, baku-bakong mga daan at tuluy-tuloy ang pagtaas ng bilihin ay wala pa rin itong katulad, ika nga “there’s no place like home.”

Dahil na rin marahil sa hindi gaanong seryosong magdala ng problema ang mga Pilipino kaya’t sa pakiramdam natin ay mas magaan ang mamuhay at manirahan sa Pilipinas. Marami nga sa mga Hapon na asawa ng mga Pilipina ay nais sa Pilipinas manirahan. Kahit na malaki ang mga problema ay mayroon pa rin katatawanan, huwag lang na mag-a-apply ka ng trabaho, mayroong disenteng t-shirt at shorts ay makakarating ka na kahit saan. Iwasan lang ang sobrang porma at yabang para hindi maholdap at makainisan at kung mapag-alala ka sa kapwa at sa iyong kapaligiran ay tiyak na marami ang matutuwa sa iyo at marami kang magiging kaibigan. Kung tutuusin, simple lang ang mamuhay sa Pilipinas ngunit nakahanda ka na kaya?

Maraming mga bagay ang dapat na pag-aralan at ihanda bago dumating ang panahon ng ating pag-uwi at pagretiro tulad halimbawa ng kung saan lugar tayo titira. Sa isang lugar ba na sariwa ang hangin at malayo sa polusyon o mas hinahanap-hanap mo ang saya ng buhay sa lungsod? Para sa iba, mahalaga na mas malapit sa pamilya at mga kamag-anak na hindi nakapiling sa maraming taon na pamimirmihan sa Japan. Ano ang ating magiging hanapbuhay pagbalik ng Pilipinas? May sapat ba na ipon upang makapagsimula ng maliit na pagkakakitaan?          

Maaaring ito ang pinamalaking katanungan para sa ating mga kababayan na nagnanais nang permanenteng manirahan sa Pilipinas. Marami sa atin ang walang sapat na kaalaman tungkol sa kung anong uri ng hanapbuhay ang maaari nating pasukan sa Pilipinas. Tayo ba ay magiging empleyado? Tulad halimbawa ng pagiging call center agent. Mag-negosyo kaya? Tulad ng tindahan o kainan.

Marami sa kababayan natin ang maagang nakapaghanda at nakapag-ipon para sa pagreretiro sa Pilipinas. Ito ay sa tulong na rin ng mga masisinop na kamag-anak na nagbibigay-halaga sa perang pinaghirapan dito sa Japan. Ngunit may ilan din na walang pinatunguhan ang pagtitiis at paghihirap dahil sa mga pagwawaldas ng mga kamag-anak na para bang madali lamang kumita at magpadala ng pera na parang agos ng tubig na walang katapusan.

Makakatulong ang madalas na pag-uwi sa Pilipinas upang personal at tunay na maramdaman ang mga pagbabago ng ating bansa. Ito’y makakatulong sa pagdedesisyon kung anong uri ng pagkakakitaan ang maaari nating umpisahan kapag tayo ay bumalik na rito. 

Para sa mga walang pagkakataong umuwi, ang pagsasaliksik sa pamamagitan ng Internet ay makakapagbigay ng mga impormasyon na makadaragdag sa ating kaalaman. Mayroong mga palatuntunan sa radyo at telebisyon sa Internet na makakapagbigay ng mga ideya tungkol sa pagnenegosyo.

Ang  Embahada ng Pilipinas sa Tokyo ay patuloy din na nag-iimbita ng mga kawani ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan upang magbigay ng seminar tungkol sa pagnenegosyo. Kalakip nito ang suporta at pag-alalay ng naturang ahensya sa mga OFWs na susubok mag-invest sa bagong negosyo pag-uwi sa Pilipinas. 

Sa katunayan, dumating kamakailan si Department of Agriculture Sec. Proceso Alcala at hinimok ang mga OFWs dito na mamuhunan sa agribusiness sa Pilipinas. Ito ay bahagi ng re-integration program ng pamahalaan na mabuksan ang kaisipan ng ating mga OFWs sa Japan at sa buong mundo na may magandang kinabukasan na naghihintay sa kanila sa Pilipinas.

Nais ko pong pasalamatan sina Ginoong Felipe P. Reolalas ng Livestock Development Council  na nagsama sa amin ng walang gastos sa Tiaong Quezon, gamit ang sasakyan ng Department of Agriculture at kay Dr. Rene C. Santiago, Center Chief ng National Swine and Poultry Research and Development Center sa pagbibigay sa amin ng napakaraming kaalaman tungkol sa pamumuhunan sa livestock  industry. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento