Martes, Oktubre 8, 2013

Aishiteru, Mahal Kita


Ni Florenda Corpuz
Allison at Yumiko

Patuloy sa paglobo ang bilang ng mga interracial marriages sa Japan. At isa ang mga Pilipino sa nangunguna sa listahan ng mga dayuhang nagpapakasal sa mga Hapon. 

Kadalasan, mga kababaihang Pilipino ang nakakapangasawa ng kalalakihang Hapon ngunit may ilan din na mga lalakeng Pinoy ang nakakapangasawa ng Haponesa. Magandang bunga ng interracial marriage na ito ang mga Japanese-Filipino children, samantalang diborsyo naman ang hindi magandang mukha ng pagsasamang ito.

Marami man ang malungkot na kwento ng hiwalayan, may mga matagumpay na pagsasama naman na pinagbuklod ng tunay at wagas na pag-ibig sa kabila ng pagkakaiba ng kultura. 

Dumating sa Japan noong 1993, nakilala ng Pilipinong si Allison Opaon ang kanyang maybahay na Haponesa na si Yumiko noong 1994 habang siya ay nagbibigay ng theater workshop sa lugar ng Kamata. Nagkagustuhan at ikinasal noong Disyembre 25, 1996, naninirahan sa Yokohama ang mag-asawa. Paborito nilang pasyalan ang mga lugar ng Tsurumi, Minato Mirai, Kamakura, Kyoto, Hokkaido at Okinawa. 

Nagtatrabaho bilang ordinaryong manggagawa si Allison habang si Yumiko naman ay isang graphic designer at reporter sa isang diyaryo. Kung hindi abala sa trabaho, aktibo si Allison sa teatro, charity concerts at volunteer works kasama ang maybahay na todo-suporta sa kanya. 

“Wala akong general o particular adjustments na ginawa para sa asawa ko. Wala naman kaming naramdamang mabigat na pagsubok sa aming pagsasama dahil lang sa magkaiba kami ng kulturang kinagisnan. Siguro iyong language barrier pa lang noong una, pero nabura na ‘yan ngayon,” pahayag ni Allison na bilib sa organisado at kumportableng pamumuhay sa Japan. 

Hindi man naging madali ang mga unang taon ng buhay mag-asawa nina Allison at Yumiko dahil sa language barrier, nalampasan naman nila ito dahil sa pag-unawa nila sa kaibahan ng isa’t isa. 

“Sa tingin ko, magiging mahirap talaga para sa isang haligi ng tahanan kung hindi sila magkakasundo ng kanyang maybahay regardless of nationality. Kahit parehong Pilipino o parehong Hapon ang mag-asawa, dadaan sila sa stage na may crisis ang relasyon pero para sa akin, wala akong naranasan na nahihirapan ako sa asawa kong si Yumiko,” sagot ni Allison sa tanong kung mahirap ba ang maging asawa ng isang Haponesa.

Sinubukan din ng mag-asawa na mamuhay sa Pilipinas taong 2008. Sa Bohol at Dumaguete City ay binalak nilang magtayo ng isang restaurant subalit hindi naging madali ito para sa kanila.

“Mahirap pala mawalay bigla sa mga volunteer works na iyong nakasanayan. Iyong tipong nawawala ka sa network ng mga taong kasa-kasama mo sa gawaing pagtulong sa kapwa, marami kang dapat i-adjust sa Pilipinas partikular na ang communication system (Internet connection). At parang mali ang timing din siguro ang magnenegosyo na halos walang pera ang mga tao dahil malaki ang unemployment rate. Anim na buwan lang ang nakayanan ng asawa ko, bumalik siya sa Japan dahil nag-iisa na lang sa buhay ang ina niya bukod sa matanda na, lagi siyang nag-aalala, nalulungkot. Pagkatapos ng isang taon ko sa Pilipinas, sumunod na rin ako sa kanyang bumalik dito sa Japan dahil ayokong magkalayo kaming mag-asawa,” ani Allison.

Sa tanong sa kung ano ang sikreto sa isang matagumpay na interracial marriage, ito ang winika ni Allison, “Paggalang at respeto sa kinagisnang kultura sa halip na ihahambing, pagiging bukas at tapat sa isa’t isa o walang paglilihiman, magtiwala sa isa’t isa, pagtutulungan, bigayan, pang-unawa at palakasin kung alin ang tingin mo’y kahinaan niya, laging susuportahan ang isang pananaw o ideya kung tingin mo’y maganda ang kalalabasan, marunong tumupad sa pangako, laging pangunahing iisipin kung ano ang makakabuti.”

“Sa pag-aasawa, hindi pinipili ang nasyonalidad at hindi dapat pinapairal ang pagkakaiba bagkus ay sa pagkakapareho dapat mag-focus. Mahalin at alagaan ang pamilya, gawing priority sa buhay. Laging bukas sa suhestiyon mula sa iyong asawa, bigayan at pagpapasensiya kung may pagkukulang ang isa. Ituturo sa mga anak ang dalawang kultura dahil karapatan nilang matutuhan ito,” payo ni Allison sa mga kapwa Pilipino na may asawang Hapon.

Hindi man nabiyayaan ng supling, masaya ang mag-asawang Allison at Yumiko sa kanilang pagsasama at nangakong hindi magiging hadlang ang pagkakaiba ng pinagmulan at kultura sa kanilang pag-iibigan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento