Lunes, Oktubre 7, 2013

Cosplay dito, Cosplay doon: Isang silip sa pagbibihis anime


Ni Herlyn Gail Alegre


Hindi na bago sa marami ang makakita sa personal man, telebisyon o magasin ng mga kabataang nakabihis anime – may magagarbong costume, makukulay na wig at mga replikang sandata. Ang cosplay (コスプレ kosupure) o pinaikling costume play ay kadalasang iniuugnay sa paggaya sa itsura, pananamit at kilos ng mga karakter sa anime ngunit kasama rin dito ang pagbibihis tulad ng iba pang karakter mula sa mga libro, video games at pelikula. Ang salitang ito ay pinauso ni Nobuyuki Takahashi, founder ng Studio Hard, isang publishing company sa Japan, nang dumalo siya sa World Science Fiction Convention sa Los Angeles, California noong 1984. 

Ayon sa ilang cosplayers, may iba’t ibang dahilan kung bakit sila naging interesado rito. Isang karaniwang sagot ay dahil nagiging outlet ito sa kanilang pagiging malikhain. May mga cosplayer na sila mismo ang tumatahi ng kanilang costume at gumagawa ng mga props. Dahil sa mga bagong kaibigang nakikilala at mga taong tumatangkilik ng kanilang gawa, nagkakaroon ang mga cosplayer ng “sense of belongingness” sa komunidad na ito. Nagkakaroon sila ng kalayaan na bumuo, tumuklas at bumuhay ng ibang bahagi ng kanilang pagkatao na siyang natatanggap at kinagigiliwan ng iba.

Maraming pamamaraan kung paano makakamtan ang matagumpay na paggaya sa isang karakter tulad ng pagkopya ng detalye ng costume, pagpapakulay ng buhok o pagusuot ng wig, paglalagay ng mga tattoo o contact lens at iba pang distinguishing mark ng karakter. Mayroong iba na gumagawa ng sarili nilang costume, mayroon namang mga tulad ko na mayroon nang nakasanayang mananahi na siyang nagko-customize ng mga costume. Mayroon din naman mga ready-made costumes na nabibili online na mayroong iba’t ibang sizes. Bahagi rin ng pagko-cosplay ang paggaya ng pamamaraan ng pag-arte, pagsasalita at pagkilos ng karakter. 

Cosplay sa Pilipinas
Nauso ang cosplay sa Pilipinas noong 1998. Isa sa mga naging popular venue ng pagko-cosplay ay ang mga anime convention na karaniwang ginaganap sa mga malls. Mayroong individual competiton kung saan isa-isang rarampa at magpapakilala ang mga kalahok. Mayroon din group competition kung saan maaaring magtanghal ng mga skits. Mayroon din mga grupo na nag-oorganisa ng mga outdoor photoshoots. Ilan sa mga kilalang cosplayer sa Pilipinas ay sina Alodia Gosiengfiao na binansagang “Queen of Philippine Cosplay” at kilala sa mga cosplay niya bilang Amane Misa (Deathnote), Haruhi Suzumiya (Haruhi Suzumiya no Yuutsu) at Shana (Shakugan no Shana); at Jin Joson na kilala sa pagko-cosplay ng mga lalaking characters tulad nina Uzumaki Naruto (Naruto) at Kenshin Himura (Rurouni Kenshin).

Cosplay sa Japan

Sa Japan, hindi lamang mga cosplay convention ang venue para makapag-cosplay. Maraming mga cosplayer na nakatambay sa may Meiji Jingu. Kinagawian na ng mga cosplayer na tumambay dito tuwing araw ng Lingo kaya maraming mga turista ang dumarayo rito para masilayan sila. Marami rin mga cosplay cafe at restaurants sa Akihabara kung saan nakasuot ng cosplay ang mga waitress na nagsisilbi rito. Ilan sa mga sikat na cosplayers sa Japan ay sina Kaname na nagbihis na bilang Sanji (One Piece,) at Kaito (Vocaloid); Reika Arikawa bilang Jinguji Ren (Uta no Prince) at Jean Kirschtein (Shingeki no Kyojin). Silang dalawa ay minsan nang naimbitahang bumisita sa Pilipinas upang makibahagi sa mga cosplay event doon.

Tips sa First-Time Cosplayers:

Sa mga nais sumubok mag-cosplay, narito ang ilan sa mga tips na maaaring maging gabay:

Kung nagsisimula pa lamang, pumili ng simpleng costume. Ang mga karakter na naka- seifuku (school uniform) at casual na damit ang pinakamadaling gayahin. Hindi lamang nasusukat sa garbo ng costume ang tagumpay ng pagko-cosplay ngunit sa pagiging epektibo rin ng pagganap. Kasama rito ang pagkopya sa pagkilos at pagsasalita ng karakter.

Araling mabuti ang detalye ng costume, accessories/sandata, kulay ng buhok at mata at iba pang detalye ng karakter. Pumili ng tamang tela para sa costume at iwasan ang makikintab at maninipis na tela na maaaring lumabas na hindi maganda sa mga litrato. Magsuot din ng magandang klase ng wig na kukumpleto sa costume. Maituturing na good investment ang wig para sa isang cosplayer dahil maaari itong magamit ng paulit-ulit.

Siguraduhing maayos ang fit ng costume. Maraming oras ang itinatagal ng isang anime convention o photoshoot, kaya dapat ay kumportable ang costume at suot na sapatos. Hindi dapat masyadong masikip o malaswa ang costume, hindi rin dapat masyadong mabigat o malaki ang mga ito na nakakaabala na pala sa iba. 

Higit sa lahat, huwag kalimutang i-enjoy ang moment. Sa pagkakataong suot mo ang costume na pinaghirapan mo, ikaw ang superhero, may kapangyarihan ka, kaya mong iligtas ang mundo, at superstar ka! Kaya huwag sayangin ang pagkakataong ito, maging confident at makipagkaibigan sa iba.

Cosplay Etiquettes

Kailangan din bigyan ng respeto ang mga nagko-cosplay. Kung magpapakuha ng litrato, magalang na magpaalam sa mga cosplayers kung maaaring magpakuha sa kanila at gawin lamang ito sa mga designated areas para hindi makasagabal o makaperwisyo sa iba. Huwag silang piliting gumawa ng mga awkward poses na malaswa at hindi naaayon sa kanila. Huwag din silang pilitin na magbigay ng personal na impormasyon tulad ng cellphone number at email. Mayroon namang mga cosplayer na may nakahanda nang meishi (business card) para sa mga gustong makipagugnayan sa kanila.

Iba-iba man ang ibig sabihin ng cosplay para sa maraming tao – isang hobby, a form of art o simpleng pampalipas oras – nagiging daan ito upang pag-ugnayin ang mga tao, bumuo ng pagkakaibigan at ilabas ang galing ng bawat isa. At sa paglipas ng panahon at pagdami ng mga gumagawa nito, higit lamang na gumaganda at tumitingkad ang larangan ng pagko-cosplay dito man o doon.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento