Miyerkules, Oktubre 9, 2013

Owakudani: The Great Boiling Valley of Japan


Ni Florenda Corpuz


Matatagpuan sa Hakone sa Kanagawa Prefecture, ang Owakudani ay isang kilalang national park na dinarayo ng mga lokal at dayuhang turista sa Japan. 

May taas na 1,044 metro, ang Owakudani ay nakapwesto sa paligid ng crater na aktibong volcanic zone sa hilagang bahagi ng Mt. Kamiyama na parte naman ng mas malaking Hakone volcano. Ito ay kilala sa tawag na “The Great Boiling Valley” dahil sa sulfurous vents at bubbling pools na makikita rito.

Ang Owakudani ay nahahati sa dalawang bahagi: ang Jikokuzawa at Enmadai na nabuo may 3,000 libong taon na ang nakakalipas matapos ang huling pagputok ng Mt. Kamiyama.

Minsan tinawag na “O-jigoku” na ang ibig sabihin ay “hell,” pinalitan ang pangalan ng lugar at tinawag na Owakudani bago ang ginawang pagbisita rito ni Emperor Meiji noong 1876, dahil hindi mainam pakinggan na pumunta ang emperador sa isang lugar na ang tawag ay impiyerno.

Sa pag-akyat at paglibot sa Owakudani ay masisilayan ang kamangha-manghang paglabas ng sulfurous fumes sa bulkan at masasamyo rin ang amoy ng asupre. Sa gitnang bahagi nito ay makikita naman ang isang tourist hub kung saan makakabili ng kuro-tamago o black egg na sinasabing makadaragdag ng pitong taon sa buhay ng isang tao na kakain ng bawat piraso nito. 

Niluluto ang kuro-tamago sa kumukulong putik na may init na 100 degrees Celsius sa loob ng 15 minuto. Nagkukulay itim ang shell nito dahil sa kemikal na reaksyon sa asupreng tubig subalit malalasahan pa rin ang malinamnam na lasa ng itlog kapag ito ay natikman.

Isa rin sa dapat makita sa Owakudani ay ang estatwa ng Jizouson, ang guardian deity of longevity at child-raising at tanyag sa lugar dahil sa transcending spiritual power na taglay umano nito. 
Nandito rin ang Owakudani Natural Science Museum kung saan matututuhan ang kasaysayan at heograpiya ng Hakone. May ilan din souvenir shops sa lugar tulad ng Yu-lupa na nagbebenta ng mga tradisyonal na handicrafts. Bukod sa mga kuro-tamago na lokal na specialty sa lugar, makakakain din ng masasarap na pagkain sa mga restaurants tulad ng Yunohana.

Matatanaw din ang kamangha-manghang tanawin ng Mt. Fuji mula sa lugar kapag maganda ang panahon.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento