Ni Rey Ian Corpuz
Sa paninirahan sa ibang bansa ay makakaranas ka minsan ng kalungkutan. Tulad sa bansang Hapon na mahirap pag-aralan ang wika at kultura na minsan ay gugustusin mo na lamang umuwi sa Pilipinas. Ngayon ay ibabahagi ko sa inyo kung paano ko naibsan ang pangugulila at kalaunan ay nakasanayan na rin ang buhay sa Japan.
1. Maghanap ng komunidad o grupo ng mga Pilipino.
a. Kapwa Pilipino - Pinadala ako ng aking kumpanya bilang engineer at ako lamang ang dayuhan sa amin. Naalala ko pa ang mga araw at buwan na halos mabaliw ako sa sobrang kalungkutan. Walang makausap o makakuwentuhan man lang gamit ang wika na naipapahayag mo ang tunay na saloobin.
Lumipas ang dalawang buwan bago ako nakatagpo ng mga Pilipino dahil na rin sa sobrang abala sa trabaho at bihira lang makapamasyal. Maswerte naman ako at mababait ang mga nakilala kong mga Pilipino. Sila ang naging takbuhan ko sa maraming bagay tulad ng tagapayo at tanungan sa mga simpleng bagay na dapat kong matutuhan sa pamumuhay dito.
b. Simbahan - Ang simbahan mapa-Katoliko man o kahit anong sekta ay isang magandang pagkakataon upang makahanap ng mga kaibigan. Karamihan sa mga aktibo sa simbahan ay mga Pilipino. At ang mga grupo ng mga Pilipino mismo ang nag-oorganisa ng bus tours tulad ng strawberry-picking, pamamasyal sa Mt. Fuji, bowling at marami pang iba.
c. Magpamiyembro sa mga Filipino Groups - Maraming mga Filipino organizations na matagal nang naitatag dito sa Japan lalo na sa Tokyo area. Tulad ng grupo ng mga Bisaya, Kapampangan, Bikolano at marami pang iba. May mga grupo din na naaayon sa iba’t ibang hilig, halimbawa ay para sa mga taong mahilig kumuha ng larawan, umawit, umarte at sumayaw.
2. Kumain o magluto ng Filipino food. Karamihan ng mga sangkap ng lutuing Pilipino ay mabibili rito sa Japan. Sa simpleng adobo, prito o sabaw ay kayang lutuin. Kung ang sangkap naman ay wala, maaari rin kayong makabili nito sa mga Philippine stores. Kadalasan ay kalapit ng mga Philippine stores ang mga Filipino restaurants.
3. Manood ng Filipino TV shows. Nariyan ang ilang Filipino channels kung saan pwede kayong mag-subscribe para mapanood ang mga programang Pinoy. Para naman sa mga nagtitipid, may mga libreng streaming gamit ang inyong computer o laptop.
4. Mag-aral ng Nihongo. Kung sa tingin ninyo ay homesick pa rin kayo o bored sa mga nabanggit ko mula una hanggang pangatlo ay marahil dapat harapin mo na ang katotohanan na nandito ka sa Japan. Kung anuman ang nagdala sa inyo rito, siguro ay dapat nang harapin ang realidad na dapat kang matuto ng Nihongo. Ang pag-aaral ng ibang wika ay mahirap at wlang shortcut. Sa aking karanasan, nakakabiyak ng ulo ang pag-aaral ng Nihongo pero kapag ito ay iyong nalampasan, madali na lang ito. Maraming mabuting maidudulot ang pagkabihasa sa Nihongo. Sa kalaunan, hinding-hindi ka na maho-homesick. Promise! Tatlo sa mga mabuting naidudulot kapag marunong ka nang magsalita ng Nihongo ay ang mga sumusunod:
a. Sa pagkain. Magkakaroon ka ng interes na tikman ang mga pagkaing Hapon dahil nababasa mo na ang menu. Hindi ka na rin aasa pa sa mga litrato ng pagkain na hindi mo talaga alam kung ano ito.
b. Sa pakikisalamuha sa mga Hapon o pakikipagkaibigan. Hindi ka na mag-aalinlangan na makipag-usap dahil alam mo na ang bawat salitang bibigkasin mo. Paraan din ito kung ikaw ay naghahanap ng kasintahang Hapon o sa simpleng pangungulila mo na may makausap.
c. Ma-e-enjoy mo na ang local Japanese TV shows. Sadyang nakakaaliw at nakakabaliw ang mga programa nila. Maiibsan ang iyong pagka-homesick dahil sa mga kakaibang komedya at palaro na mala-out of this world.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento