Noong
ika-26 ng Agosto ng kasalukuyang taon ay nailathala sa mga pahayagan sa Japan
ang plano ng isang partidong pulitikal, ang Jisedai No To o Partido Para sa
Bagong Henerasyon, na magpanukala ng bagong batas para alisin sa mga
tumatanggap ng suporta mula sa goyerno ang mga naghihirap na dayuhan.
Sa
kasalukuyan na kalakaran, ang mga munisipyo ay nagpapabuya ng mga benepisyo
gaya ng buwanan na panggastos sa pamumuhay at upa sa bahay para sa mga kapos na
dayuhan na may permanent at long term visa.
Ang
pinagbatayan ng mga lokal na pamahalaan ay ang pahayag ng punong pamahalaan noong
taong 1954 na nagtagubilin na tanggapin ang aplikasyon ng mga nangangailangan
na dayuhan ng tulong batay sa makataong kadahilanan.
Maraming
nakikinabang sa welfare benefits na mga kapos sa pamumuhay na mga dayuhan
kasama ang ating mga kababayan. Ito ay sa kabila na ang nakasaad sa public
assistance law ng Japan ay tanging ang mga Japanese lamang ang tatanggap ng
kabayaran mula sa pampublikong benepisyo.
Ayon sa Pangkalahatang Kalihim ng partido,
Hiroshi Yamada, kanilang tungkulin na baguhin ang batas para sa pampublikong
serbisyo pagkatapos ng naging desisyon ng Korte Suprema noong Hulyo. Ayon sa Korte
Suprema, ang mga dayuhan na may permanent visa ay hindi kabilang sa pagtanggap
ng pampublikong serbisyo kahit na nagbabayad ang mga ito ng tax.
Ang
Jisedai No To, na itinatag lamang nitong Agosto, ay may plataporma na huwag
bigyan ng pagkakataon ang mga permanenteng dayuhan na bumoto o iboto sa mga
halalan. Kabilang din sa layunin ng partido na pahigpitin ang patakaran para sa
aplikasyon na maging Japanese citizen ang mga dayuhang pirmihan na naninirahan
sa Japan.
Kung
makapagsumite man ng batas o hindi ang Jisedai No To sa darating na
extraordinary Diet session, ang malaking katanungan ay kung makakapasa naman
kaya ito sa Japanese Diet at makakaapekto kaya ito sa sariling pagdedesisyon ng
lokal na pamahalaan.
Ang
kaban ng pamahalaan para sa social benefits ay mula sa buwis ng mga mamamayan ng
Japan kabilang na ng mga dayuhan. Bilang nagbabayad na buwis, nanalig tayo na
ang mga batas na ipapatupad ay pabor din sa mga pirmihang migrante na kailangan
din makipag-usap sa mga mambabatas para matupad ito.
Pang-apat
na pinakamalaking bilang ng mga dayuhan ang mga Filipino, na ang karamihan ay
mga magulang ng Japanese-Filipino children. Sa madaling sabi, ang mga kababayan
natin na naninirahan bilang kasapi ng pamilyang Japanese-Filipino na ang bilang
ay aabot sa 180,000 ay ang bagong sibol na ethnic minority sa bansa.
Importante
na kilalanin natin ang katangian ng mga Pinoy bilang kasapi ng “ethinc
minority” ng lipunan ng Japan. Ito ay dahil ang paninindigan bilang ethnic
minority ay nangangahulugan ng pagbibigay ng karampatang pagkilala at paggalang
ng lipunan.
May
natatanging kakayanan at kapasidad batay sa kinalakihang kultura ang mga kasapi
ng ethnic minority. Sa katunayan, ang mga Pilipino sa Japan ngayon ay mas
nakikilala na bilang mga English teachers at mga caregivers. Ang pagtuturo ng
English sa partikular at ang pagtuturo ng lengguwahe sa mga bata at matatanda
ay isang malinaw na ambag sa lipunan na
kung wala ang mga ito ay malaking kakulangan ito sa pagpapaunlad ng
lipunan.
Kailangan
ng kamalayan sa pag-uugnay ng ethnic minority mula sa sariling pananaw at sa
pamumuhay at pakikipag-ugnayan sa lipunan. Nararapat lamang na iugnay na ako ay
English teacher sapagkat ako ay Pilipino na kabilang sa ethnic minority ng
lipunan ng Japan. Sapagkat sa pag-uugnay ng kasapi ng ethnic minority ay
nagbibigay-linaw at pahiwatig na tayong mga Pilipino ay kabahagi ng lipunan,
tanggapin man o hindi ng mga Japanese.
Manipis
rin kasing kadahilanan na sabihing ako ay dayuhan na pirmihan naninirahan sa
Japan at nagbabayad ng tax at nararapat na mabiyayaan ng pampublikong serbisyo.
Bagamat bilang taxpayer ay may karapatan sa konsultasyon at pag-alam saan
napunta ang buwis na binayaran, nanatili ang pahayag na ito na labas o hindi
nakapaloob sa lipunan ng Japan kundi isang bisitang dayuhan. Ang kasapi ng
ethnic minority, ang mga kasapi ng pamilyang Japanese-Filipino, ay nakaugat sa
lipunan sapagkat ang magulang at mga anak ay may dugong Japanese.
Bilang
mga magulang ng Japanese-Filipino ay may ambag din tayong dugo sa lipunan ng
Japan na hindi maaaring isantabi bilang dayuhan. Kung idadagdag pa ang
kontribusyon ng ating ambag na trabaho sa produksyon at edukasyon bilang mga
teacher, caregiver, manggagawa sa pabrika, empleyado at iba pa, nararapat
lamang na siguraduhin ng pamahalaan ng Japan, lokal man o pambansa, ang
karapatan para sa social benefits sa lahat ng dayuhan pirmihan ng naninirahan
sa bansa.
Malamang
ay lingid sa kaalaman ng Jisedai No To na kontra sa mga dayuhan na ang mga
Japanese-Filipino ay Japanese ang nasyonalidad. Kaya hindi nalalayo na sa
kadahilanan na nakikita ng mga kabataang Japanese-Filipino kung papaano kitilin
ng mga pulitiko ang karapatan ng kanilang mga
magulang, hindi nalalayo ang pagkakataon na magkakaroon sa hanay ng mga
kabataan Japanese-Filipino na tumuntong sa pulitika para ipagtanggol ang
magulang at ang lahat ng mga dayuhan.
Kung
maganap man ito, sila, ang mga Japanese-Filipino ang totoong kinatawan para sa
bagong henerasyon na kakalinga sa karapatan at kagalingan ng lahat ng mga
dayuhan sa bansa.