Linggo, Nobyembre 16, 2014

Little Tokyo: Experiencing Japan in the Philippines

Kuha ni Din Eugenio
Maraming mga Pilipino ang gustong makarating ng Japan at marami rin mga Japanese na nasa Pilipinas ang nais na makatikim ng orihinal na pagkain na mula mismo sa kanilang bansa. Ang Little Tokyo ang sagot dito na matatagpuan sa Pasong Tamo sa Makati City.

Ang Little Tokyo ay isang maliit na restaurant village kung saan iyong mararamdaman na para kang nasa Japan dahil sa mga pagkain at dekorasyon sa paligid na nagsasalarawan sa kultura at sining ng tinaguriang “Land of the Rising Sun.”

Tipong turista rin ang iyong dating pagpasok mo sa orange gate kung saan nakalagay ang pangalan ng Little Tokyo dahil maraming Japanese ang pumupunta rito para kumain. Bubungad sa mga bisita ang zen garden, pulang Japanese lanterns at Japanese sign boards na aakalain mong nasa Japan ka nga.

Maraming pagpipilian na restaurants na pagmamay-ari mismo ng mga Japanese at kadalasan ang mga nagluluto ay Japanese rin.

Isa mga popular na restaurants na dinarayo sa Little Tokyo ay ang Shinjuku Ramen House na kilala sa kanilang iba’t ibang klaseng authentic noodles o ramen; Izakaya Kikufuji na specialty naman ang pagsisilbi ng sariwang sushi at sashimi; Urameshi-ya na tinatangkilik naman dahil sa kanilang yakiniku; Kagura na ang paborito ng kanilang mga suki ay ang okonomiyaki; at ang Ha Na na kilala naman sa kanilang takoyaki.

Dito rin matatagpuan ang Choto Stop na isang mini-grocery store at snack bar kung saan makakabili ng iba’t ibang Japanese food products tulad ng soba, nori paper, bento, at marami pang iba.


Kaya kung magagawi ka sa bandang Makati ay pumunta sa Little Tokyo kung saan karamihan ng mga restaurants ay bukas araw-araw mula 10:00 ng umaga hanggang 2:00 ng hapon para sa tanghalian at 5:00 ng hapon hanggang 1:00 ng madaling araw para sa hapunan.

Martes, Nobyembre 11, 2014

TOKYO GAME SHOW 2014: Isang Makabagong Mundo ng Laro

Ni Herlyn Alegre


Para akong pumasok sa isang kakaibang mundo noong una akong dumating sa Makuhari Messe para sa pagbubukas ng Tokyo Game Show 2014 (TGS 2014). May mahigit 300 game developers, hindi lang mula sa Japan kung hindi pati na rin sa iba pang panig ng mundo tulad ng Asya, Amerika at Europa, ang nagsama-sama para sa pinakamalaking taunang pagtitipon ng mga game creators at game enthusiasts.

Mayroong cosplayers, malalaking posters ng anime, matataas na gundam models at dragon sculptures, at samu’t saring laro na maaaring subukan ng libre! Sa taong ito, ginanap ang TGS noong Setyembre 18-21, kung saan ang unang dalawang araw ay inilaan para sa mga press at businessmen at ang huling dalawang araw ay para naman sa publiko. Sa loob ng apat na araw ay dinaluhan ito ng mahigit sa 250,000 tao.

Sa TGS makikita ang iba’t ibang games mula sa mga pambatang laro tulad ng Doraemon at Cooking Mama, mga Role-Playing Games (RPG) tulad ng Final Fantasy, arcade games tulad ng Dragon Ball Z, virtual reality tulad ng Oculas at romance simulation games tulad ng Animal Boyfriend.

Ang tema ng TGS sa taong ito ay “Changing Games: The Transformation of Fun.” Base sa malawak na selection ng mga laro na itinampok sa TGS, mula sa mga classic arcade games na ngangailangan pa ng game controllers hanggang sa makabagong virtual reality games na kayang madetect ang body movements ng manlalaro, tunay ngang makikita kung paano sa panahaong ito ay malaki na ang ipinagbago ng teknolokiya sa paggawa ng mga laro at kung paano rin nagbago ang pagtanggap ng mga naglalaro sa mga ito.

Ang Mga Makabagong Laro

Sa dami ng mga magaganda at kakaibang laro na maaaring subukan sa TGS, mahirap pumili kung ano ang uunahin kaya naman pinagsama-sama ng TGS sa isang partikular na lugar ang mga exhibitors na may magkakaparehong uri ng laro.

General Exhibition Area. Dito makikita ang karamihan sa mga video game software at digital entertainment products tulad ng Bandai Namco, Capcom at Sony Computer Entertainment.

Smartphone Games / Social Games Area. Dito makikita kung anong mga bagong laro ang maaaring idownload  sa mga smartphones at tablets (ios man o android) tulad ng mga gawa ng QUBIT Games at 7Quark.

Family Area. Dito makikita ang mga larong pambata na gawa ng SEGA, Happymeal at Cooking Mama. Tanging mga elementary students at kanilang mga kasama lamang ang maaaring pumasok sa area na ito.

Game Device Area. Ang mga laro na kinakailangan ng device o game console tulad ng PC, controllers at keyboards ay matatagpuan sa bahaging ito. Ilan sa exhibitors dito ay DXRACER, Logicool G at Aver Media Technologies.

Game School Area. Dito ipinapakilala ang mga video game schools, universities at distance learning institutes para sa mga interesadong mag-aral ng game developing tulad ng Osaka Designers’ College, Tokyo Design Technology Center, Tokyo Designer Gakuin College, Tokyo University of Information Sciences, at Arts College Yokohama. 

Romance Simulation Game Area. Dito ipinapakilala ang mga romance games para sa kababaihan kung saan maaari silang magkaroon ng virtual boyfriend o maglaro ng mga drama game series. Mayroon din na photobooth kung saan maaaring magpa-picture ang mga kababaihan kasama ang mga lalaking naka-suit at tie bilang bahagi ng promotional strategies ng mga kumpanya. Ilan sa mga exhibitors dito ang Ambition, R-Infinity, Sunsoft at Voltage.

Indie Game Area. Kung mga original games na gawa ng mga independent game developers naman ang hanap mo, dito iyon matatagpuan sa bahaging ito. Itinatampok sa area na ito ang ilan sa mga game platforms na sumikat sa buong mundo tulad ng mga gawa ng Archive Entertainment, Bertram Fiddle, Chorus Worldwide Limited at Gemdrops.

PC Game Area. Dito makikita lahat ng laro na may kaugnayan sa paggamit ng PC. Maaari rin na magpa-install ng mga bagong laro rito.

Merchandise Sales Area. Kung souvenirs naman ang hanap mo, dito makakabili ng mga cute na bagay tulad ng mga keychain, towels, t-shirts, at iba pang gamit na may mukha ng mga kilalang game characters.

Asia New Stars. Sa bahaging ito matatagpuan ang booth ng mga bagong kumpanya mula sa Brunei, Cambodia, Malaysia, Indonesia, Laos, Singapore, Myanmar, Thailand, Vietnam at siyempre sa Pilipinas, na nagsisimula pa lamang pumasok sa mainstream game industry.

Ang Pakikibahagi ng mga Pinoy

Bahagi ng promotion ng TGS ang pakikipag-ugnayan nila sa sa mga ahensyang pang-gobyerno ng ibang bansa lalo na sa Southeast Asia para maipakita ang gawa ng mga umuusbong na game developers mula sa ibang bansa. Kasama ang Pilipinas sa 10 bansa mula sa Asya na nagtampok ng kanilang mga bagong gawang games.

Mayroong pitong independent game developers ang mula sa Pilipinas. Sila ang Funguy Studio, Pointwest Technologies, The Studio of Secret 6, Toon City (Morph Animation), Top Peg Animation & Creative Studio, TeamApp/ Holy Cow Animanation at White Widget.

Japan Game Awards 2014

Sa pagtatapos ng unang araw ng TGS, pinarangalan din ang ilang mga developers ng mga larong nagkaroon ng matinding kontribusyon sa game industry noong nakaraang taon. Ilan sa kanila ay ang:

Grand Award -- Nag-tie ang Monster Hunter IV at YO-Kai Watch para sa pinakaprestihiyosong award sa taong ito dahil ang parehas na laro ay nagbigay ng malaking kontribusyon sa game industry noong nakaraang taon.

Global Award (Japanese Product) -- Iginawad sa Pokemon X at Pokemon Y na ni-release sa pitong iba’t-ibang lengwahe.

Global Award (Foreign Product) – Nakuha ng Grand Theft Auto V na nakabenta ng 5 million units sa buong mundo.

Best Sales Award – Pokemon X at Pokemon Y na siyang nagbigay ng pinakamalaking revenue sa Japanese Market. Mula January 2013 ay nakabenta na ito ng 12.26 milyong unit. Malaki pa rin ang impluwensiya ng Pokemon Games sa industriya 18 taon na ang nakakalipas mula ng una itong lumabas noong 1996.

Game Designers Award -- Brothers: A Tale of Two Sons, isang larong tunay na pinag-isipan kung saan mayroong dalawang magkapatid na maaaring gamitin sa laro ng sabay.

Award for Excellence – Kan Colle, The Last of Us, YO-Kai Watch, A Realm Reborn – Final Fantasy XIV, Moster Hunter IV, Grant Theft Auto V, Pokemon X at Pokemon Y, Mario 3D world, Puzzle and Dragons Z, Dark Souls II, at Metal Gear Solid V.


Maraming kakaibang laro sa Tokyo Game Show na kahit mga hindi gamers na tulad ko ay matutuwang subukan. Sa susunod na taon ay gaganapin ang TGS 2015 sa September 17-20 sa Makuhari Messe, kaya huwag na itong palalampasin!

Lunes, Nobyembre 10, 2014

3 pelikulang Pilipino pasok sa Tokyo Int’l Film Festival

Ni Florenda Corpuz


"Above the Clouds" na tinatampukan nina Pepe Smith at Ruru Madrid.
(Kuha mula sa ©TIFF2014)
TOKYO, Japan – Nakasali sa prestihiyosong 27th Tokyo International Film Festival ang tatlong Pinoy independent films.

Kabilang sa 15 pelikula na maglalaban sa Competiton Section ang “Pusong Wazak!” (Ruined Heart) ni Khavn de la Cruz na isa sa mga napili mula sa 1,373 pelikulang isinumite mula sa 92 bansa. Paglalabanan sa seksyon na ito ang Tokyo Sakura Grand Prix, Special Jury Prize, Best Director, Best Actor at Best Artistic Contribution, Audience Award at Best Actress na nasungkit ng multi-awarded actress na si Eugene Domingo noong nakaraang taon.

Isinasalaysay dito ang kwento ng pag-ibig sa pagitan ng isang kriminal at isang masamang babae. Tampok dito sina Ian Lomongo at Cara Eriguel.

Lalaban naman sa Asian Future Section ang “Above The Clouds” ni Pepe Diokno na pinagbibidahan nina Pepe Smith at Ruru Madrid. Ito ay tungkol sa kwento ng isang 15-taong-gulang na bata na nag-hiking trip kasama ang kanyang lolo at nalampasan ang kalungkutan ng pagkawala ng kanyang mga magulang sa isang bundok sa itaas ng mga ulap. Paglalabanan ng 10 pelikula na kalahok sa seksyon na ito ang Best Asian Future Film Award.

Ipapalabas naman sa World Focus Section ang “Mula sa Kung Ano ang Noon,” ang limang oras na obra ng award-winning director na si Lav Diaz. Tinalakay dito ang mga misteryosong pangyayari sa isang baryo noong 1972, ang taon na idineklara ng dating pangulong Marcos ang Martial Law.

Tanging mga internationally acclaimed films ang ipinapalabas sa bahaging ito ng Festival. Matatandaang ipinalabas din sa seksyon na ito ang “Norte, Hangganan ng Kasaysayan” na isa pang likha ni Diaz.

Pangungunahan ni American director James Gunn ang jury ngayong taon.

Inaasahan ang pagdalo ng mga sikat na Hollywood actors at directors tulad ni Tim Burton sa Festival na siyang kauna-unahang recipient ng Samurai Award kasama ang Japanese actor na si Takeshi Kitano.

Ang Tokyo International Film Festival ay isa sa pinakamalaking film festivals sa buong mundo. Layon nitong bigyan ng pagkakataon ang mga film fans na mapanood ang mga high-quality at world-class films mula sa Japan at ibang bansa.




Linggo, Nobyembre 9, 2014

Mga kakulangan sa ating pag-unlad

Ni Al Eugenio

Ipinagmamalaki ng kasalukuyang administrasyon na malaki na ang iniangat ng ekonomiya ng Pilipinas. Totoo rin na marami ng bansa ang nagpapahiwatig ng interes na mamuhunan sa  Pilipinas. Kahit na sa madaling panahon ay nakahanda na sana ang marami sa mga dayuhang ito na mag-umpisa na ng kanilang mga negosyo sa ating bansa. 

Ngunit bakit nga ba tila parang puro balak na lamang ang ating naririnig sa mga balita? Maraming manggagawang Pilipino ang naghihintay. Mahigit sa 10 milyong mamamayan ang walang trabaho at hindi nila malaman kung kailan sila magkakaroon ng pagkakataon na makapaghanapbuhay.

Nito lamang nakaraang buwan ng Setyembre ay galing lamang si Pangulong Aquino sa Europa at Amerika upang manghikayat ng mga mangangalakal na mamuhunan sa bansa. Dahil din sa pagiging agresibo ng China sa kanilang mga kalapit na bansa ay maraming kumpanya ang naghahanap na ng mapaglilipatan ng kanilang mga pabrika, at marami sa kanila ang  kinukunsidera ang Pilipinas.

Kung ang ating mga mangagagawa lamang ang pag-uusapan, marami na sa mga dayuhan ang naniniwala sa galing at abilidad ng ating mga kababayan. Madaling makaintindi sa mga ipinapagawa, hindi lamang sa dahil marunong tayong mag-Ingles, kundi natural na mabilis tayong makaunawa. Ang kahinaan lamang ng marami sa atin ay ang magpaliwanag.

Mayroong tanggapan sa ating bansa ang namamahala sa pag-aasikaso sa mga dayuhang mamumuhunan at kung papaano isasagawa ang mga posibleng hanapbuhay na  maaaring gawin ayon sa kakayahan ng ating bansa. Ayon sa kanila, hindi kaya basta- basta sa ating bansa na magtayo ng mga pabrika kung saan-saan tulad halimbawa ng sa Thailand, Indonesia at lalo na sa China.

Isa sa mga dahilan ay hindi tulad ng mga nasabing bansa, ang Pilipinas ay binubuo ng mga isla. Kulang ang ating mga imprastraktura tulad ng mga maaayos na daan, mga tulay, mga airport at mga pantalan. Mga imprastrakturang makakatulong na makarating agad ang mga kalakal sa dapat patunguhan.

Sinasabi na mas mabilis pang maghatid ng mga kalakal patungo sa ibang bansa kaysa sa ibang lugar sa loob ng ating bayan. Walang sapat na sasakyan, walang sapat na daan. Isang halimbawa na lamang ang nagaganap na problema ngayon sa Puerto ng Maynila.

Napakaraming kalakal ang hindi mailabas dahil sa hindi makaraan ang mga trak na dapat ay hahakot sa mga kalakal na naiipit sa puertong ito. Hindi makadaong ang maraming barko na may dalang mga kalakal na kailangan ng ibaba upang huwag malugi ang mga negosyanteng nagpaparating ng mga produktong kailangan sa ating bansa. Marami sa kanila ang dumadaing dahil sa araw-araw ay patuloy ang kanilang pagkalugi.

Isa pa rin sa mga problema ay ang kakulangan sa kakayahan at mga kagamitan ng mga  nagpapagalaw ng trapiko ng barko, mga kalakal at mga sasakyan sa loob ng mga pantalan na mistulang noong panahon pa ng kopong-kopong ang kanilang alam na pamamaraan.

Parang kultura na rin ang kalakaran na ang lalo pang nakapagpapabagal ng galaw ng mga papeles ay ang mga tinatawag na “red tape” o mga kung anu-anong mga kailangan daw na kung lalagyan lang naman ng tinatawag na “pampadulas” ay maaaring mapabilis naman ang paggalaw ng mga dokumentong kinakailangan. Para bang hindi na mawawala ang ganitong kalakaran sa maraming departamento ng ating pamahalaan.

Sa mga bumibiyahe naman sa lupa, naririyan din ang abala at bahagi na rin sa puhunan na kinakailangang mag-abot sa bawat check point ng lagay upang makaraan at huwag nang abalahin pa ang dalang kalakal.

Sa panahon ngayon, ang isang maliit na bansa tulad ng Singapore ay nagagawa na maipasok, makapagdiskarga o magkarga ng kargamento ang isang barko at makalabas muli sa loob lamang ng maghapon. Bukod sa mahusay nilang sistema ay sapat pa sila sa mga makabagong kagamitan.

Dito sa Japan, ating mapapansin na kapag tayo ay bumabagtas sa mga lugar na malapit sa dagat ay palagi tayong makakakita ng maaayos na mga pantalan. Maging ito ay para sa malalaking kalakal o para sa maliliit na bangkang pangisda lamang. Ang mga daan dito sa Japan ay hindi ginawa para sa mga pribado at pampublikong sasakyan lamang. Ginawang matitibay ang mga daan upang ang mga mabibigat na mga trak na humahakot ng iba’t ibang kalakal ay madaling makarating sa kanilang pagdadalhan. Sa dami ng pagpipiliang daan, tuluy-tuloy ang mga sasakyang ito sa pagtahak patungo sa kanilang kanya-kanyang pupuntahan.

Dahil sa napananatili rito sa Japan ang kaayusan at katahimikan, malayang nakapaghahanapbuhay at nakapagnenegosyo ang kanilang mga mamamayan. Kung nais ng Pilipinas na pakinabangan ang mga pagkakataon na may mga dumarating sa atin na mga bagong mamumuhunan mula sa iba’t ibang bansa, kinakailangan din seryosohin ng ating pamahalaan ang pagpapatibay ng batas at mabigyan ng kapanatagan ng loob ang mga mangangalakal na dayuhan sa ating bayan.


Ang bawat pangulo ng ating bansa mula pa noong araw ay laging nanghihikayat ng mga mamumuhunan sa ating bansa. Sa tuwing sila ay darating, kanilang ipinagmamalaki ang mga mangangalakal na kanilang nahimok na maglagak ng puhunan sa Pilipinas. Ngunit bakit kaya hanggang ngayon ay parang wala pa ring pagbabago ang tanawin ng kahirapan? Hindi kaya dahil sa ang pagdating ng mga dayuhang kumpanyang ito ay hindi napaghandaan?

Huwebes, Nobyembre 6, 2014

Usapang OFW at paliparan

Ni Cesar Santoyo

Maraming mga babasahin sa Internet ang sunud-sunod na naglabasan nitong unang bahagi ng buwan ng Oktubre na may kaugnayan sa pandaigdigang palapagan o international airport ng Pilipinas. Una at may katagalan ng usapin ay ang pagtutol ng mga OFW laban sa bagong patakaran ng terminal fee na inihain ng Manila Airport Authority, ang pagtasa na ang Ninoy International Airport (NAIA) bilang numero unong “worst airport” sa buong mundo, at ang maramdaming pahayag na trauma sa airport bilang karanasan mula kay Manila Archbishop Luis Antonio G. Cardinal Tagle.

Simula sa November 1, 2014 ay ipapatupad na ng Department of Transportation and Communication (DOTC) sa pamamagitan ng Manila Airport Authority (MMA) ang patakarang Integrated Passenger Service Charge (IPSC). Sa pagpapatupad ng bagong patakarang ISPC, kasama na sa serbisyo ng lahat ng airlines sa buong mundo ang pangongolekta ng ISPC sa halaga ng bibilihing ticket ng eroplano. Sa kasalukuyan at bago ipatupad ang ISPC ay exempted ang mga OFW sa airport terminal fee.

Batay sa pagpapatupad ng ISPC ay maaring i-refund ng mga OFW ang terminal fee sa mga itinalagang lugar ng DOTC-MMA. Maaaring magawa ang pag-refund ng mga OFW kung may kahabaan ang pananatili sa Pilipinas kagaya ng bakasyon o espesyal na okasyon. Subalit mahirap at imposible ang pag-refund, kung hindi man malaking sagabal, sa mga OFW na gipit sa oras dahil sa pangangailangang makabalik agad sa trabaho abroad o sa panahon ng emergency ang dahilan ng pag-uwi sa Pilipinas.

Kaya sa naturang patakaran ISPC ay malinaw na nilabag at hindi inirespeto ng DOTC at MMA ang probisyon ayon sa batas ng Migrant Act of 1995 at iniyamendahan ng Republic Act No. 1022 na malinaw na nagsasabing exempted sa pagbabayad ng airport terminal fee ang mga OFW.

Sa probisyon mismo ng ISPC na kasama ang pagkuha ng refund ng OFW ay pag-amin mismo ng ahensya na inalis nila ang munting benepisyo sa mga OFW para sa libreng airport terminal fee na ginagarantiyahan ng batas.
    
Nakakapagtaka rin ang probisyon ng ISPC sa paglikha ng trust fund sa ilalim ng MMA na magsisilbing busluan ng mga hindi nai-refund na terminal fee ng mga OFW. Walang linaw kung ano ang basehan sa ilalim ng batas ang paglikha ng MMA ng trust fund at kung ano ang pangalan ng trust fund na ito.

Tinatayang mabilis na aabot kaagad sa milyun-milyong piso ang papasok sa trust fund ng MMA mula sa hindi makokolektang airport terminal fee ng mga OFW na gipit sa oras sa sandaling pananatili sa bansa.
Malinaw na nakasaad na ang layunin ng ISPC ay nakatutok lamang para paluwagin ang daloy ng mga pasehero sa airport. Walang pagtukoy ang patakaran para pag-igihin o pagandahin ang mga international airport.

Nanatiling tahimik at walang pagtutol sa napalathalang pahayag ng Airport Sleeping Community na ang NAIA ang tinaguriang worst international airport sa buong mundo. Para sa mga OFW at mga immigrants sa iba’t ibang bansa na regular na bumibiyahe ay may damang pagsang-ayon sa pahayag ng Airport Sleeping Community kung hindi man naiinis, nahihiya, at nalulungkot sa mga pangitain ng lugar ng palapagang pandaigdig sa lupang tinubuan.

Hindi lamang sa tuwinang bumibiyahe ang mga Pinoy sa abroad nakakadama ng pagkadismaya sa ating international airport. Kasama na rin ang hindi maipaliwanag na kahihiyan sa pagtanggap ng puna mula sa mga local ng bansang tinitirahan na bumisita sa Pilipinas sa naging negatibong karanasan sa ating airport. Ang mga punang natatanggap ng mga Pinoy na naninirahan sa ibang bansa mula sa lokal na mamamayan ay magsisilbing pagpiga ng kalamansi sa sugat na matatamo mula sa patakarang ISPC na nag-alis sa benepisyo ng mga OFW sa exemption nito sa airport terminal fee.

Trauma naman ang karanasan ng ating giliw na Manila Archbishop Luis Antonio G. Cardinal Tagle kung ang airport ang pag-uusapan. Ayon sa naging pahayag ni Archbishop Tagle halaw sa Internet edition ng CBCP News “Alam ninyo ang airport ay naging traumatic na lugar sa akin. Hindi dahil sa panganib ng pagbiyahe, kundi sa mga nakikita at nadidinig, lalo na ang mga nanay na kinakausap ang anak sa airport, nagpapaalam sa pagkawalay. At makikita mo kung papaano nabibiyak ang kanilang mga puso.”

Isa si Archbishop Tagle sa tatlong “Delegadong Presidente” sa idinaos na Third Extraordinary General Assembly of the Synod of Bishops on the Family sa Rome, Italy. Sa nasabing pagtitipon ay hindi maipaliwanag ang kinasasapitan ng Pilipino sa ibayong dagat at ang kanilang mga pamilya, at pagpapahayag ng pagasa na ang realidad sa pangingibang bansa ay mabigyan ng pagtuon ng kaniyang ka-Synod Fathers.

Ayon sa pahayag ni Archbishop Tagle sa nasabing okasyon, “ang isang madramang epekto ng kahirapan ay migrasyon, na nagiging pansamantalang sanhi, subalit kadalasang matagal na pagkakawalay ng pamilyan Pilipino dahil sa pang-ekonomiyang kagipitan.  Tanggap na may pagkawalay ng mag-asawa, at ng magulang at anak. Hindi dahil sa hindi sila maaaring magsama sa isa’t isa. Hindi dahil may sagabal sa komunikasyon. Hindi rin dahil sa may alitan. Sila ay magkawalay dahil mahal nila ang isa’t isa. At ang mahusay na tunguhin ay ang pagpapakita ng pagkalinga, at pagmamahal, at suporta sa pagkawalay.” 

Ang palapagang panghimpapawid ay lugar ng pagtitiyak ng pagmamahal sa tuwinang namamaalam ang mga OFW sa mahal sa buhay. Sa gusaling ito rin naghihintay ang ipapadamang sabik na pagmamahal sa pagbabalik mula sa matagal na pananatili sa ibang bansa ng mga OFW. Ang gusali ay lugar ng pagpapahayag ng tiyak na pag-ibig at pagkalinga sa isa’t isa ng bawat asawa, anak, magulang at mga mahal sa buhay ng OFW.


Sa kabila ng itinakda ng batas ay pilit namang inalis ng patakarang ISPC ang munting benepisyo ng mga OFW na maging libre sa airport terminal fee.  Kaya kung iuugnay ang winika ni Archbishop Tagle at naging trauma sa airport, mistulang ang DOTC-MMA at ang patakarang ISPC lamang ang tanging walang pusong ipinapadamang pagkalinga, pagmamahal at suporta sa mga OFW at pamilya na nasa loob mismo ng gusali ng paliparang panghimpapawid.

Kean and Eunice: ‘Happy Together’ in new musical journey

Ni Len Armea


Sanay ang mga tagapakinig at tagasuporta nina Kean Cipriano ng Callalily at Eunice Jorge ng Gracenote na rock ang tema ng kanilang musika. Dahil parehong bokalista ng kani-kanilang banda, kakaibang Kean at Eunice ang mapapakinggan sa kanilang inilabas na bagong album na pinamagatang “Kean and Eunice --- Happy Together A Trip Down Memory Lane” sa ilalim ng Universal Records.

Mga lumang kanta, na karamihan ay mula sa 1960-1970’s, ang mga napili nilang kantahin sa bagong album na nilagyan nila ng kakaibang areglo. Ani Kean, kinausap at tinanong nila ang kanilang mga magulang at ilang tiyuhin at tiyahin kung ano ang mga paborito at usong kanta noong kanilang henerasyon.

Ani ng dalawa, layunin ng “Happy Together” album na pagbuklurin ang dalawang henerasyon sa pamamagitan ng pagkanta ng lumang kanta na nilagyan ng modernong tugtog. Pag-amin ng dalawa, hindi naging madali para sa kanila ang gawin itong album dahil sa karamihan ay unang beses pa lamang nila napakinggan.

“Para gumalaw ng isang kanta na sobrang ganda na at ginawa na ay hindi po madali. Ilang gabi rin po kaming nagpuyat at nag-isip kung paano namin bibigyan ng bagong areglo ng hindi namin nasisira iyong main element ng kanta,” pahayag ng bokalista ng Callalily.

Sampu ang nakapaloob na kanta sa album: “Islands in the Stream” (Kenny Rogers at Dolly Parton), “Don’t Let Me Be Lonely Tonight” (James Taylor), “My Love” (Paul McCartney), “How Can I Tell Her” (Lobo), “Can’t Take My Eyes Off You” (Frankie Vallie), “To Sir With Love” (Lulu), “Never My Love” (The Association), “You’re In My Heart (Rod Stewart), “Because” (Dark Clark Five),  at “Happy Together” (The Turtles).

Nakikita rin ng dalawa, na unang nagtambal sa special project na ito, na isang tulay ang kanilang album para makapag-bonding ang kanilang mga fans at mga magulang nito sa pamamagitan ng pakikinig sa album.

“The album basically promotes love and happiness pero hindi siya necessarily for couples lang. Kapag pinagtugtog sa harap ng parents mo pwedeng lumabas iyong magandang relationship or connection between the parents and child,” ani Eunice na bukod sa pagkanta ay sanay tumugtog ng gitara, piano, violin at drums.

“It’s a perfect gift like iyong fans namin sa parents nila na pwede nilang sabay pakinggan. Maganda itong pampa-good shot feeling ko,” dagdag pa ni Kean.

Different side

Aminado si Kean, isang  actor, director at endorser na rin, na nagdalawang-isip siya na gawin ang album na ito dahil hindi niya nakita ang sarili na gagawa ng isang cover album ngunit sa huli ay nagandahan siya sa kinalabasan.

“At first I was hesitant to do it because it’s very risky, I mean, I’ve never imagined myself doing a cover album. But the fact that these songs are good – timeless songs – and I had the opportunity to sing them for an album is a big thing for me, for us,” ani Kean.

Pagkakataon din umano ito na ipakita na bukod sa pagkanta at pagbabanda ay mayroon silang bago na maibibigay sa kanilang mga fans na walang sawang sumusuporta sa kanila simula nang mag-umpisa sila sa industriya.

“We’re not trying to be someone that we’re not. It’s more of discovering the other side of me, of us,” pahayag ni Eunice.

“While recording the album, na-realize ko na hindi ko pwede i-box ang sarili ko na iyon lang at iyon lang ang gagawin ko. We don’t tag ourselves as rock musicians – we are musicians.

“Hindi lang namin main point iyong to be famous or for our songs to be popular pero iyong broader range na makukuha ng music namin. This is a very big part of our musical journey,” dagdag pa ni Kean na malaki rin ang pasasalamat sa kanyang mga ka-banda dahil sa suportang kanilang ibinigay sa proyektong ito.

Si Kean ang pinakapopular na miyembro ng rock band na Callalily na nasa likod ng mga kantang “Magbalik,” “Stars” “Ako’y Babalik,” “Trapped Inside the Moment” at marami pang iba. Lumabas din siya sa ilang pelikula kabilang na ang hit movies na “Ang Babae sa Septic Tank” at “Bakit Hindi Ka Crush ng Crush Mo?”

Bahagi naman si Eunice ng Gracenote na mula sa indie scene at ngayon ay unti-unti na rin gumagawa ng sariling ingay sa mainstream. Nagsusulat din siya ng kanta kung saan ilan sa mga ito ay lumabas sa album na “First Movement.”

Miyerkules, Nobyembre 5, 2014

Tips on how to increase income, save money & lessen debts

Ni Elvie Okabe, DBA/MAE

Malapit na naman ang Pasko at Bagong Taon. Handa na ba tayo sa lahat ng aspeto -- spiritually, physically, mentally, psychologically, emotionally, and financially?  Ang pinakahuli sigurong aspeto na financial ay lagi nating pinaghahandaan kahit gaano man kapos ang ating budget.  

Alam natin na ang mga naunang aspeto na nabanggit ang mas importante sa ating buhay, ngunit kung kulang din naman ang ating budget ay malungkot din naman tayo. Kaya’t hayaan ninyong ibahagi ng inyong lingkod ang mga nararapat na gawin upang sa gayon ay magkaroon tayo ng positive outlook sa buhay na kailangan natin sa kasipagan at determinasyon upang magawa ang mga sumusunod:

1.   Nagawa o naisipan mo na bang mag-refund ng income tax mo o ng iyong asawa? Ito ay applicable lamang po sa ating mga nandito sa Japan. Base po sa aking karanasan at ng ilang kakilala ko na nakapag-refund na ng kanila o ng kanilang asawa ng kanilang buwis sa loob ng limang taon, malaki po ang tsansang magkapera ng malaki. Instant additional money, ika nga, one month after applying for income tax refund at your nearest Tax Office (Zeimusho). That is, after completing all the requirements or documents, which can be easily obtained in Japan and from the Philippines.

2.   Maglinis ng cabinet o mag-ayos ng mga gamit sa bahay upang makita o maalala ang mga gamit na gusto o pwede pang gamitin upang hindi na bumili ng bago. O ‘di kaya ay sumali sa isang bazaar event at magtinda ng mga gamit (bago man o hindi) upang magkapera na pandagdag sa anumang dapat bayaran lalo na kung may utang tayo.

3.   Ipagpaliban ang pagbili ng mga gamit na hindi naman classified under daily 
      necessities gaya ng new model ng cellphones, electric appliances, mga collectibles na bags, shoes, make-up, perfumes, at iba pa. Sa halip ay unahing bayaran ang mga utang at kung tapos na sa utang ay timpiin ang sarili na huwag na huwag na lang mangutang ng pera man o gamit para lang makasunod sa uso.

4.   Isipin at ilista ang mga gastusin sa isang buwan at huwag nang gumamit ng mga dating binibili o binili na kahit wala ay mabubuhay pa rin, gaya ng mga sumusunod:
a.   Newspaper – lalo na subscription sa Japanese newspaper, kung ang asawa natin ay Japanese dahil kultura na nila ang may dyaryo araw-araw sa bahay. Pakiusapan ang Japanese spouse na kung maaari ay ihinto na ang newspaper subscription kahit na siya ang nagbabayad sapagkat pandagdag din ang Y3,500/month para sa mas mahalagang kailangan gaya ng pambili ng bigas at ulam;
b.  Mga bisyo gaya ng sugal o ‘pachinko’ or slot machine, alak o wine, sigarilyo, and the worst, paggamit ng droga at pangangaliwa sa asawa (bato-bato sa langit , ang tamaan ay huwag pong magagalit);
c.  Mga luho sa katawan at gamit sa bahay gaya ng mamahaling gamit, pagkain ng sobra at mamantika o bawal sa katawan na kailanganin pa nating bumili ng mga pampapayat na pagkain, food supplement, mag-reduce o mag-exercise sa fitness gym, o ang pinakamasaklap ay ma-ospital tayo dahil sa mga sakit na diabetes, heart ailment, cancer, at iba pa;
d.  Tipirin ang tubig at kuryente gaya ng pag-unplug ng socket ng ating mga electrical appliances kung hindi ginagamit o bago umalis ng bahay. Ito ay dahil kahit nakasarado ang isang appliance ngunit nakasaksak ang plug ay nakakakonsumo pa rin ng kuryente ang nakaabang na electric current sa nakasaksak na plug ng appliance. Gumamit ng led light dahil mas mababa ang watts/mas mababa ang konsumo ng kuryente kumpara sa mga fluorescent lamps, o mag-research/magbasa pa ng ibang mga tips sa Internet tungkol sa pagtitipid ng kuryente.

5.   Kung isa kang empleyado, matutong magkaroon din ng sariling negosyo, maliit man o malaki, sapagkat mas mabuti kung may isa pa tayong source of income kahit hindi full-time. Isipin ang iyong talent o skill na maaaring gamitin sa pagnenegosyo, tanungin ang sarili kung ang gustong negosyo na pwedeng pagkakitaan at makakatulong sa sarili at sa kapwa.


Kung pinansiyal na aspeto din lang ang pag-uusapan, kung paano masolusyonan ang mga problema sa buhay, at paano magkaroon ng sariling negosyo sa abot kayang halaga, maaari po kayong tumawag sa amin sa 08050089888 at sumangguni ng libre. 

Inaasam na pagbabago

Ni Rey Ian Corpuz

Bilang isang OFW, nakakainis na marinig sa balita na ang mga magagaling nating pulitiko at mambabatas ay sangkot sa pangungurakot. Sabi nila, minana raw natin ito sa mga mananakop na Kastila kasi halos lahat daw ng mga bansang dating kolonya ng Espana ay mahihirap na bansa.

Marahil totoo pero hindi ako naniniwala na hindi natin kayang magbago sa ating sarili. Nagiging palusot lang natin na dahil sinakop tayo ng mga Kastila. Mahigit 400 na taon na ang nakakalipas simula noong masakop tayo ng Espanya, nasaan na ba ang bansang Pilipinas?

Kaliwa’t kanan ang kurapsyon sa ating gobyerno. Dahil nakikita ng mga tao sa baba na ang kanilang mga pinuno sa taas ay nagbubulsa ng pera mula sa kaban ng bayan ay ganoon din ang kanilang ginagawa. Minsan, napagtanto ko na tayo rin mismo ang may kasalanan.

Halimbawa, karamihan sa ating mga OFWs, kaya nasanay ang mga nangongotong sa Immigration at Customs sa Pilipinas dahil pinipilit nating magpuslit ng mga bawal na bagay. Mga pasalubong na dapat i-quarantine tulad ng mga manggang hilaw, bagoong, tinapa at kung anu-ano pav na dapat huwag nang ipilit na bitbitin sa eroplano. Tayo mismo ang nagbibigay ng dahilan upang sila ay gumawa ng kalokohan. Tama ba? Kaya dapat, kagaya rito sa Japan, ang bawal ay bawal. Kapag sinabing hindi pwede, huwag ipilit ang hindi pwede.

May kakilala ako dati na gustong mag-export ng mga sasakyan sa Pilipinas. Tinanong niya ako kung may kilala raw ba ako sa Customs na baka pwedeng makamura. Ang sabi ko naman ay huwag nang magnegosyo kung may “under the table” na gagawin. Sabi ko sa kanya ay dapat baguhin na natin ang ating pag-uugaling ganyan. Buti naman at hindi na niya binalak magnegosyo ng mga lumang sasakyan. Kung magnenegosyo ng export, dapat bayaran ang tax  na naaayon sa batas. Hindi na dapat idaan sa bigayan ng pera papunta sa bulsa nang kung sinuman sa gobyerno.

Marami din sa atin ang nagrereklamo hinggil sa mga mandurugas na taxi driver lalo na sa Maynila. Sa labas pa lang ng paliparan ng NAIA ay naglipana ang mga taxi na kontrata at humihingi pa ng dagdag na pera kasi matrapik daw at kung anu-ano pa. Di ba tayo rin ang dahilan kung bakit sila naging ganoon? Karamihan kasi sa ating mga OFWs ay galante masyado.

Dahil galing abroad, okay lang sa atin na magbigay ng extrang pera kaya karamihan sa kanila  ay naging gahaman na. Ang mahirap pa ay akala nila na lahat ng sumasakay sa NAIA ay mga may perang OFWs. Kung alam lang nila ang hirap at pagod ng mga OFWs natin. Kaya sa susunod, mas mainam na sakto lang ang hlagang ibibigay. Huwag magbigay ng sobra-sobrang tip para hindi lumaki ang ulo ng mga ito.

Hinggil sa mga kurakot na pulitiko sa atin ay tayo ang nagluklok sa kanila kaya “we get what we deserve” ika nga sa wikang Ingles. Ibig sabihin, kung naging maingat tayo sa pagpili sa iluluklok sa gobyerno, sana ay mas napabuti pa ang ating bayan.


Kaya sa darating na halalan, sana’y maging aral sa maraming Pilipinong botante at maging sa OFWs na bumuboto sa pamamagitan ng absentee voting ang mga isyung naglalabasan ngayon hinggil sa pangungurakot ng mga pulitiko. Responsibilidad natin bilang mabuting Pilipino na maghalal ng tamang mga lider na pagyaman ng bansa ang adhikain at hindi ng kanilang bulsa.

Lunes, Nobyembre 3, 2014

Feng Shui master Marites Allen says better things to come in 2015

Ni Len Armea

Ms. Marites Allen (Kuha ni Jovelyn Bajo)
Nagbigay na ng paunang sulyap ang Pinay at international Feng Shui master na si Marites Allen kamakailan hinggil sa mga dapat abangan sa susunod na taon, partikular na sa pagsapit ng Chinese New Year na papatak sa February 19, 2015.

Bida ni Allen, na nagdiriwang ng kanyang ika-10 taong anibersaryo simula ng ilunsad niya ang World of Feng Shui sa Malaysia, magiging mas maganda ang 2015 o “Year of the Wood Sheep” kumpara sa 2014 dahil kumpleto sa taong ito ang limang elemento.

Ang limang elemento na tinutukoy ni Allen, na siyang paboritong Feng Shui master nina Kris Aquino, Boy Abunda, Ruffa Gutierrez at Luis Manzano, ay ang Wood, Earth, Water, Fire at Metal.

“The Sheep is one of the better signs of the Chinese zodiac. It is known for its mild and peaceful ways. The destiny chart for 2015 has indications of all the five elements, and all the four pillars of the charts, so generally it is a better chart than 2014, which as too much Fire and missing Earth and Water” elements,” ani Allen.

Bukod dito, kabilang sa 2015 chart ang dalawang sets ng astrological “secret friends” na Tiger at Boar, at Horse at Sheep na makakadagdag sa swerte at ganda ng papasok na taon.

“Astrological ‘secret friends’ of Tiger and Boar, Horse and Sheep are all present in the four pillars of the chart, which means a very rare opportunity and could very well indicate great luck, auspicious energies for the year and a peaceful resolution of any issues at hand.”

Payo ni Allen sa bawat isa na dapat ay maging maalam sa mga swerteng hatid ng darating na taon at ugaliing palibutan ang sarili ng positibong enerhiya.

“What matters is that people should be well-informed, be ready to make full use of the positive energies, and stay protected from the negative ones that will emerge next year,” dagdag pa ni Allen.

Ibinunyag din ni Allen ang mga masuswerteng kulay para sa susunod na taon: berde (Wood element), pula (Fire element), at asul (Water element). Suswertehin din umano ang mga ipinanganak sa Year of the Ox at Year of the Rat habang hindi magiging masyadong maganda ang taon sa mga ipinanganak sa Year of the Rooster at Year of the Dragon.

Nakatakda rin ilabas ni Allen ang kanyang Frigga Charmed Life fashion line para sa 2015 sa darating na Nobyembre at idaraos din nito ang Annual Feng Shui Convention sa Disyembre 27, 2014 sa Luxent Hotel, Quezon City.

Ang Feng Shui ay isang Chinese art of geomancy.

Theater Bits: Time Stands Still, Scrooge, Haring Lear


‘Time Stands Still’ itatanghal sa 2015

Matapos ang pagtatanghal ng “Cock,” “Closer,” at “Rabbit Role,” napili ng Red Turnip productions na isadula ang 2009 Pulitzer Prize nominee for drama na “Time Stands Still” ni Donald Marguilles mula Enero 30 hanggang Marso 8, 2015.

Kuwento ito ng magkasintahang journalists na sina James at Sarah na kailangang makaalis na sa Middle East na may nagaganap na digmaan matapos maging sugatan. Ipapakita ang malaking pagbabago sa kanilang buhay mula sa magulong lugar patungo sa mas ordinaryong buhay.

Gagampanan ng mga batikang actor na sina Ana Abad Santos at Nonie Buencamino ang papel na James at Sarah na magpapakita ng kahalagahan ng responsibilidad sa sarili, sa mga minamahal sa buhay, sa komunidad at sa mundo.

‘Scrooge’ handog ng Repertory Philippines sa Pasko

Itatanghal ng Repertory Philippines sa darating na Nobyembre 21 hanggang Disyembre 14, 2014 ang “Scrooge” na gaganapin sa Onstage sa Greenbelt 1, Makati City bilang pamaskong handog sa mga manonood.

Umiinog ang istorya kay Ebenezer Scrooge na ayaw na ayaw sa Pasko at kasabay nito ay ang kanyang hindi magandang pagtrato sa kanyang empleyadong si Bob Cratchit, kliyente, pamangkin at mga kakilala.

Noong bisperas ng Pasko ay nagpakita sa kanya ang kaluluwa ng kanyang dating kasosyo sa negosyo na si Job Marley upang sabihing may bibisita sa kanyang tatlong ispiritu. Una na rito, ang ispiritu ng nakaraang Pasko na nagpaalala sa kanya ng malungkot na kabataan; pangalawa, ispiritu ng kasalukuyang Pasko na nagpapakita ng mahirap na sitwasyon ni Bob ngunit kahit paano ay masaya pa rin ito; at ikatlo, ispiritu ng mga susunod na Pasko na magpapakita ng kapalaran ni Scrooge.

Tampok sa Scrooge sina Miguel Fautsmann, Chinggoy Alonzo, Raul Montesa, Chino Veguillas, Cara Barredo, Oliver Usison, Gabo Tionson, Steven Conde, Alex Cortez, Sheila Francisco, Ariel Carrion at Christine Flores.


‘Haring Lear’ kinatawan ng Pilipinas sa Kuandu Festival sa Taiwan

Isang malaking karangalan para Pilipinas na maimbitahan kamakailan para itanghal ang “Haring Lear” sa Kuandu Festival sa ilalim ng direksyon ni Nonon Padilla, musika ni Dodjie Fernandez at production design ni Gino Gonzales.

Batay sa nobela ni William Shakespeare, ang istorya nito ay tungkol sa isang hari na naging malupit at kung paano niya nadiskubre ang totoong kahulugan mg pagmamahal at pagiging tapat partikular na ng kanyang anak at mga tagapagsilbi.

Lumipad sa Taiwan para magtanghal sina Bernardo Bernardo (Haring Lear), Abner Delina Jr (Cordelia/Lakayo), George De Jesus Iii (Regan), Buddy Caramat (Goneril), Jack Yabut (Gloster), Juliene Mendoza (Kent), Jay Gonzaga (Edmundo), Myke Salomon (Edgardo), Renan Bustamante (Duke Ng Albanya), Roi Calilong (Hari Ng Francia), Jeff Hernandez (Duke Ng Cornualles), Gilbert Onida (Oswaldo), at Jason Barcial (Duke Ng Burgonia).



Mga kabataang ASEAN nakilahok sa exchange program sa Japan

Ni Florenda Corpuz


Kuha mula sa ASEAN-Japan Centre
Lumahok sa isang libreng exchange program ang ilang mag-aaral sa elementarya mula sa Japan at ASEAN Member States na ginanap sa ASEAN-Japan Centre sa Onarimon, Tokyo kamakailan.

Ang exchange program na tinawag na “ASEAN Kids Summer School” ay may layong makalikha ng pagkakataon para sa mga mag-aaral na matutuhan at makipagpalitan ng kultura ng ibang bansa.

Ayon kay ASEAN-Japan Centre Planning and Coordination PR Officer Junko Nukiyama balak nila na muling magsagawa ng katulad na programa upang patuloy na matuklasan ng mga kabataan mula Japan at ASEAN ang iba’t ibang aspeto ng kultura ng bawat bansa.

“Although the time has not been fixed yet, we are planning to hold similar events in the future.”

Nagkaroon ng mga pagtatanghal tulad ng pagsasayaw ng mga tradisyonal na sayaw ng mga bansa kung saan bumida ang mga mag-aaral. Ilan sa kanilang mga itinanghal ay ang Wadaiko ng Japan at Indang ng Indonesia. Nagkaroon din ng workshop sa Tungatong ng Pilipinas na itinuro ng mga amateur performers. Itinuro rin sa mga mag-aaral ang paggamit ng iba’t ibang instrumento ng mga bansa pati na rin ang pagsusuot ng mga tradisyonal na kasuotan. Pinagsaluhan din ang mga masasarap na pagkain tulad ng ipinagmamalaking rice cake ng Pilipinas na biko.


Umabot sa dalawang daan ang mga dumalo at nakibahagi sa programa.