Linggo, Abril 3, 2016

Your credit card and being financially responsible

Photo from the internet
Sa makabago at mabilis na takbo ng mundo ngayon na dala ng modernisasyon at mga imbensyon sa teknolohiya, halos lahat ng bagay ay mas madali na. Kung dati, lahat ng transaksyon at pagbili sa merkado ay gumagalaw sa pamamagitan ng pisikal na pera, ngayon ay nariyan na ang debit cards at credit cards na mga tinaguriang “plastic money” na isang swipe na lang ay puwede ka nang makabili ng gamit.  

Ipinakilala sa publiko ang unang universal credit card noong 1950 ng Diners’ Club, Inc. sa Amerika na inimbento ng Diners’ Club founder na si Frank McNamara at binuo para ipambayad sa restaurant bills. At noong 1958 naman, lumabas naman ang isang travel and entertainment card na binuo ng American Express Company.

Ngayon, halos lahat na ay gumagamit ng credit card, mapa-bata, estudyante, empleyado, mga negosyante at iba pa. Kapaki-pakinabang at praktikal ang credit card ngayon at mayroon din ilang benepisyo na natatanggap ang mga credit card users mula sa kanilang mga bangko. Magagamit din ito bilang epektibong paraan sa pamamahala ng iyong cash flow.

Ngunit hindi isang magic card ang isang credit card, samakatuwid, kaakibat ng paggamit nito ay ibayong pag-iingat at responsibilidad mula sa sinumang cardholder. Kinakatawan ng isang credit card ang isang kontrata sa pagitan ng isang cardholder at ng financial institution o bangko. Gagamitin ng isang cardholder ang pondo ng institusyon at babayaran ito sa nakatakdang due date bawat buwan.

Payo ng Financial Consumer Agency of Canada, bago kumuha ng credit card ay alamin muna ng maigi kung ano ang pinapasok. Basahin at intindihin ang mga nakasaad sa terms and conditions ng kontrata. Alamin ang annual fees, interest rate, payment terms at credit limit. Kilalanin ang sarili pagdating sa paggamit ng pera, tukuyin ang iyong spending habits at gumawa ng panuntunan para sa sarili kung paano at saan mo ito gagamitin. Limitahan din ang bilang ng mga credit cards dahil ang bawat pagkuha ng credit card sa iba’t ibang bangko ay magkakaroon ng hindi magandang impresyon sa iyong credit rating sapagkat maaaring iniaasa mo na ang lahat sa credit.

Kapag mayroon nang credit card, isaisip ang pag-develop ng good credit habits. Ayon sa Macquarie, para magkaroon ng good credit habits, bumuo ng balance budget para mapag-aralan ang mga incoming at outgoing mo bawat buwan. Gumamit ng budget planner kung kailangan at siguraduhing huwag gagastos ng higit pa sa kaya mo. Mahalaga rin aniya na bayaran ng buo lagi sa bawat due date ang credit card balance mo. Sa pamamagitan nito ay makakaiwas ka sa extra charges, interes at higit sa lahat pagkakautang. Maigi rin gamitin ang credit card sa mga araw-araw na bilihin para mapanatili ng mas matagal ang cash sa iyong savings account at makaiwas sa withdrawal fees.

Maging wais sa paggamit ng iyong card. Iwasan ang impulse buying lalo na kung wala ka pa talagang nakalaan na pera para ipambayad dito. Kung sakaling may maiwang balanse, siguruhing bayaran ito agad-agad dahil ang interes ay pumapasok sa bawat araw.

Umiwas din sa pagkuha ng cash advances sa iyong card dahil walang grace period ito ‘di gaya ng regular na credit card purchases at sa unang araw pa lang ay may interes ka na hanggang sa araw na mabayaran mo ito ng buo. Tingnan din mabuti ang iyong credit card statement para masiguro na walang pagkakamali sa iyong mga purchases. Huwag din magpasilaw sa rewards program at biglaang lakihan ang iyong paggastos para lang makaipon ng puntos. At higit sa lahat, panatilihing pribado ang iyong PIN at security code para makaiwas sa pagnanakaw at fraud.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento