Lunes, Abril 11, 2016

Alyssa Valdez: Bagong prinsesa ng UAAP Women’s Volleyball



Kuha mula sa Internet
Katulad ng UAAP Men’s Basketball kung saan laging mainit ang tunggalian ng dalawa sa mga paboritong koponan sa liga, ang Ateneo Blue Eagles at La Salle Archers, parehas din ang eksena sa nagaganap na University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Women’s Volleyball kung saan head-to-head ang laban ng two-time at defending champion na Ateneo Lady Eagles at La Salle Lady Spikers para manguna sa standing ng UAAP Women’s Volleyball Season 78. 

At sa gitna ng hitik na aksyon at masigabong sigawan ng mga kani-kanilang taga-suporta, isang pangalan ang higit na kapansin-pansin sa pangunguna niya sa kanyang koponan para muling makuha ang kanilang ikatlong sunod na kampeonato – si Alyssa Valdez. Kung dati ay si Rachel Daquis ng FEU Lady Tamaraws ang namamayani at itinuturing na mukha ng UAAP Women’s Volleyball, ngayon ay makikita naman ito kay Alyssa Valdez.

Isang two-time UAAP Volleyball MVP (Season 76 – 77) ang outside spiker at three-time best scorer na si Valdez, gayon din ang Conference MVP at Shakey’s V-League Open. Isa rin siya sa itinuturing na pinakamagaling na offensive players at kabilang sa tinaguriang Ateneo Fab 5 kasama sina Fille Cainglet, Angeline Gervaciio, Gretchen Ho, Aillysse Nacachi at Jem Ferrer.

Scoring ace, two losses

Patuloy na hinahamon ni Valdez ang sariling kakayahan at nilalampasan ang sariling points record. Nang kakaumpisa pa lang ang Season 78, early top scorer agad si Valdez. Itinakda ng Ateneo star ang 69 puntos sa loob lamang ng tatlong linggo. Mula sa 69 na puntos, 60 dito ay spikes, tatlong off blocks at anim ay mula sa serve. Sa pagtatapos ng first round eliminations, umabot ang total points ni Valdez sa 113 at kung saan nanguna naman si UST Lady Tigresses ace na si Cherry Rondina (129 points).

Bagaman dumanas ng two-losing streak ang Ateneo nang ginulat sila ng La Salle at UP Lady Maroons, nakabalik naman sa winning form ang Ateneo nang talunin nila ang NU Lady Bulldogs.

“You can’t have the strongest heart if you don’t play happy. We really need to be happy inside the court and naturally lalabas iyong strong heart namin,” pahayag ni Valdez.

Kinilala niya na mas may drive manalo ang UP at La Salle kaysa sa kanila kaya sila natalo. Tinukoy niya ang kakulangan nila skills-wise, teamwork, consitency, drive to win at being happy inside the court kaya sila natalo.

Bukas naman si Valdez sa muling pagsasama nila ni Abigail Maraño ng La Salle. Naging teammate ang dalawa sa national team sa 2015 Southeast Asian Games sa Singapore.

Final year

Huling taon na ng 22-taong-gulang na si Valdez sa UAAP ngunit para sa kanya ay wala muna sa isip niya na nalalapit na ang pag-alis niya sa UAAP. Dagdag pa ng dalaga, hindi pa siya handang magpaalam sa kanyang collegiate career. Mas mahalaga aniya ngayon ang mag-enjoy at mag-focus muna sa Season 78, ngunit inaming magkahalo ang nararamdaman niya, malungkot ngunit masaya rin sa mga magagandang karanasan niya sa Ateneo at UAAP.

Game changer

Sa kamakailan na Spin Sportsman of the Year kung saan ginawaran siya bilang Sportsmen Who Change the Game, ibinahagi niya na ang kanyang inang si Lita ang kanyang “game changer” at role model. Aniya, ang kanyang ina ang una niyang naging coach, ang unang nagtiyaga at nagpatikim ng hirap at saya sa volleyball. Nagpasalamat din siya sa kanyang ama na si Ruel na kanyang unang cheer leader.

Dagdag ng dalaga, minsan parehas ang mga personalities ng mga nanay at hindi maiiwasan na maiinis tayo sa mga magulang natin, ngunit sa huli, alam nila ang makabubuti. “You really have to listen and you’re going to realize it soon enough.”

Para sa kanya, ngayon na mayroon tayong panahon, mahalagang magpasalamat at kilalanin ang mga ginagawa ng mga magulang natin para sa atin.

Promising talent in early years

Maaga pa lang ay nakitaan na si Valdez ng talento sa volleyball. Laking San Juan, Batangas si Valdez at nag-iisang babaeng anak nina Ruel at Pablita. Natuto siyang maglaro kasama ang dalawa niyang kuya sa edad na 10.

Nadiskubre siya ng University of Santo Tomas (UST) nang maglaro siya sa Southern Tagalog Athletic Association (STACAA). Naging produktibo ang apat na taon niya sa UST. Sa unang taon pa lang ay napili siyang miyembro ng NCR team para sa Palarong Pambansa. Isa siya sa mga nanguna para makuha ng UST ang mga kampeonato sa UAAP Seasons 70 – 72, National Shakey’s Girls’ Volleyball League (2009) kung saan naging three-time MVP din siya.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento