Ni
Florenda Corpuz
Watanabe-dori Avenue sa Chuo-ku, Fukuoka City |
Kabilang ang Fukuoka City sa 10
pinakamalaking lungsod sa Japan kung saan ang bilang ng populasyon ay umaabot
sa 1.4 milyon. Tinatawag itong “Gateway to Asia” dahil sa pagiging accessible
nito sa mga karatig-bansa sa Asya tulad ng Korea, China, Taiwan at Pilipinas
kaya naman madalas itong puntahan ng mga dayuhang turista.
Ngunit hindi lamang mga dayuhang
turista ang welcome sa Fukuoka City kundi pati na rin mga dayuhang mamumuhunan
dahil kamakailan ay sinimulan na ang implementasyon ng “Startup Visa
(Entrepreneurial Incentives for Foreigners)” na magbibigay ng insentibo sa mga
dayuhan para maging business entrepreneurs sa lungsod.
Noong Mayo 2014 ay itinalaga ng
pamahalaan ang Fukuoka City bilang National Strategic Special Zone kung saan
nakapaloob ang implementasyon ng startup visa.
Bago makapagsimula ng negosyo ang
isang dayuhang mamumuhunan sa Japan ay kinakailangan muna nitong magsumite ng
mga prerequisites para makakuha ng “business manager” visa.
Nakapaloob sa kasalukuyang sistema
na kinakailangan din na magbukas ng opisina at mag-hire ng dalawa o higit pang
permanenteng empleyado o kaya ay may mahigit sa limang milyong yen na puhunan ang
dayuhang negosyante sa kanyang pagsumite ng aplikasyon para sa business manager
residential status sa Immigration Bureau.
Sa ilalim ng startup visa system ay
papayagan ang mga dayuhang mamumuhunan na makatanggap ng business manager
residential status na may bisang anim na buwan nang hindi na kinakailangan pang
magsumite ng mga prerequisites. Ngunit kinakailangan niyang magsumite ng New
Business Implementation Plan (NBIP) sa Fukuoka City.
Kapag nakumpirma ng lungsod na
kayang ibigay ng dayuhang negosyante ang mga kinakailangang requirements ay susuriin
ito ng Immigration. Kapag naaprubahan ay bibigyan ang dayuhang negosyante ng
anim na buwan para makumpleto ang mga standard prerequisites at kumpletong
proseso habang binubuo niya ang kanyang negosyo sa pamamamagitan ng pag-expose
sa kanya sa Japanese market at kultura.
Tutulungan ng Fukuoka City ang mga
dayuhang negosyante sa pamamagitan ng Startup Café upang mapadali ang kanilang pagkumpleto
sa mga prerequisites na kailangan para ma-renew ang kanilang business manager
visa. Kabilang sa mga serbisyong ibibigay ng Startup Café ay ang mga sumusunod:
commercialization brush-up service, free consultations with lawyers, tax
accountants, administrative scriveners, referrals to office and residential
lenders, matching service for businesses and potential employees at discount coupons
for cloud services.
Ang Startup Café ay matatagpuan sa 1-20-17
Imaizumi, Chuo Ward, Fukuoka City, 3rd Floor, Tsutaya Bookstore Tenjin.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento