Miyerkules, Abril 27, 2016

Ama: The Sea Women of Japan

Ni Florenda Corpuz

The Ama of Toba City
Ilang libong taon na ang nakalilipas nang piliing pasukin ng mga magigiting na kababaihan mula sa iba’t ibang panig ng Japan ang isang mapanganib ngunit nakakabilib na trabaho, hindi lamang para sa kanilang kabuhayan ngunit para na rin mapreserba ang isang tradisyon na kanilang minana mula pa sa kanilang mga ninuno – sila na kung tawagin ay Ama.

Ang Ama ay mga breath-hold divers na nangunguha ng mga abalone, sea urchins, seaweed, sea cucumbers at turban snails sa karagatan. Sila ay matatagpuan lamang sa Japan at sa Korea (Jeju Island).

Sa kasalukuyan ay may humigit-kumulang 2,000 Ama na matatagpuan sa 18 prepektura sa Japan ngunit ang karamihan ay makikita sa Shima Peninsula sa Mie Prefecture na aabot sa 800 ang bilang. Sa Shima City ay mayroong aabot sa 300 Ama habang sa Toba City naman ay may mahigit sa 500. Karamihan sa bilang na ito ay nasa 65 pataas ang edad.

Ayon sa mga tala, nagsimula ang kasaysayan ng Ama sa Shima Peninsula mahigit 3,000 taon na ang nakalilipas nang makahukay ng awabiokoshi, isang kagamitan na ginagamit ng Ama sa pagkuha ng abalone mula sa reef at shell mula sa mga ruins ng Jyomon (14,000 - 300 B.C.) at Yayoi (300 B.C. at 300 A.D.) periods. Natiyak na gamit ito ng mga Ama noong ikawalong siglo dahil sa nakitang tala sa literatura. Pagsapit ng ika-18 siglo ay nai-drawing na ang imahe ng mga Ama sa mga Ukiyoe prints.

Uri ng Ama

Mayroong dalawang uri ng Ama: ang Funado na nagtatrabaho kasama ang isang bangkero na kung tawagin ay Tomae na kadalasan ay kanyang asawa; at ang Kachido na mag-isang nagtatrabaho. Madalas ay mas malalim sumisid ang mga Funado kumpara sa mga Kachido. Maaari silang magtungo sa fishing site mula sa pampang sa pamamagitan ng paglangoy o ‘di kaya naman sa pagsakay sa bangka patungo rito.

Nasa tatlo hanggang apat na metro ang lalim ng pagsisid ng mga Ama ngunit may iba naman na sumisisid hanggang 20 metro. Tumatagal ng 50 segundo ang kanilang bawat pagsisid sa dagat.

Sa kanilang pangunguha ng yamang-dagat, tinitiyak nilang hindi sila lumalabag sa mga kautusan para mapanatili ang kagandahan at kaayusan nito. Hindi nila kinukuha ang mga abalone na mas maliit sa 10.6 sentimetro pati na rin ang mga maliliit na turban snails, sea urchins at sea cucumbers. May panahon din ang kanilang pagkuha ng seaweed dahil ito ay pangunahing pagkain ng mga abalone.

Pagpapanatili sa tradisyon

Noong unang panahon ay naked diving ang ginagawa ng mga Ama ngunit sa paglipas ng panahon ay nagsimula na silang magsuot ng puting kasuotan. Taong 1960 nang sila ay magsimulang magsuot ng wetsuits para protektahan ang kanilang mga sarili sa lamig.

Bukod sa panganib ng dagat ay kalaban din ng mga Ama ang matinding lamig. Para labanan ito ay gumagamit sila ng mga fire pit na kung tawagin ay Kamado o hiba na inilalagay sa gitna ng Ama hut. Bago at matapos ang pag-dive ay nagpapainit sila rito. Sa loob naman ng Ama hut sila nagpapahinga, nakikipagkwentuhan at kumakain.

Ilan sa mga mahahalagang kagamitan na ginagamit ng mga Ama ay ang goggles, chisels, ring float at lifeline na kumokonekta sa kanila sa kanilang ring float. Nariyan din ang beach towels at fins.

Tuwing magsisimula ang fishing season ay nagsasagawa ng mga festivals ang mga Ama para ipagdasal ang malaking huli at ligtas na pag-dive. Naniniwala sila na may mga masasamang ispiritu sa karagatan kaya nagdadasal sila para sa kanilang kaligtasan. Kadalasan ay isinasagawa ang festivals sa pagsisimula ng panahon ng tag-init. May mga talismans symbol din na isinusuot ang mga ama ang doman (monk’s amulet, Kuji-nine hand seal) at seiman (single stroke symbol) para panlaban sa mga ito.

Dahil sa katandaan, may mga insidente na naitala kung saan ilang Ama ang namatay dulot ng atake sa puso habang sumisisid.

Simula 2007 ay nagtutulungan na ang Japan at Korea para maparehistro ang Ama culture bilang UNESCO Intangible Cultural Heritage.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento