Miyerkules, Abril 6, 2016

Experience unique travel in one-of-a-kind Asian train journeys


Sa Japan, malaking bahagi na ng kanilang katangi-tanging kultura ang mga tren, maliban sa dami ng mga taong sumasakay dito araw-araw, para sa kanila, hindi lang ito simpleng klase ng transportasyon. At dahil dito, isa ang Japan sa unang papasok sa isip ng sinuman kapag naisip ang mga mahuhusay at mabibilis na tren gaya na lang ng Shinkansen.

Katangi-tangi rin ang konsepto ng bawat istasyon na may kanya-kanyang departure melody na maririnig bago umalis ang tren. Wari ay para itong senyas na magbibigay sa’yo ng impormasyon kung nasaang istasyon ka.

Mayroon din tinatawag na mga “train otaku” o mga indibidwal na napakalaki ang interes sa anumang may kinalaman sa mga tren. Pinag-aaralan nila at lagi silang updated sa mga iba’t ibang modelo ng tren, dumadalo sa mga convention, nagko-kolekta ng mga train-related items at collectibles, at sinasadya ang mga tren para obserbahan at maranasan ang mga ito at kinukunan ng mga litrato.

At kung ikaw ay kagaya ng maraming train otaku sa Japan at nais mo pang tuklasin at maranasan ang iba pang ‘di malilimutang paglalakbay sa pamamagitan ng tren, nariyan ang The Eastern & Oriental Express, Maharajas’ Express ng India, Qingzang Railway ng China, at Golden Eagle.

Bumibiyahe ang Eastern & Oriental Express o E&O sa Singapore, Malaysia at Thailand. Mayroon itong 2 nights / 3 days journey mula Singapore - Bangkok isa o dalawang beses bawat buwan mula Marso hanggang Disyembre; 3 nights / 4 days journey mula Bangkok - Singapore ng isa o dalawang beses sa isang buwan mula Pebrero hanggang Disyembre; at mga espesyal na 3 – 6 nights journey sa Bangkok – Vientiane, Bangkok – Chiang Mai at mas mahabang itinerary ng Singapore – Bangkok.

Bahagi ng package ang private sleeper, meals maliban sa drinks, at tours sa Kuala Kangsar, Malaysia at Bridge on the River Kwai sa Thailand. Para sa tickets at iba pang impormasyon, magpunta lamang sa ww.belmond.com.

Maging isang maharaja o maharani sa loob ng ilang araw sa pamamagitan ng Maharajas’ Express na dadalhin ka sa isang mala-royalty na paglalakbay. Mayroon itong limang biyahe:  Heritage of India (7 nights / 8 days, Mumbai – Ajanta – Udaipur – Jodhpur – Bikaner – Jaipur – Ranthambore – Agra – Delhi), Treasures of India ( 3 nights / 4 days, Delhi – Agra – Ranthambore – Jaipur – Delhi), Gems of India ( 3 nights / 4 days, Delhi – Agra – Ranthambore – Jaipur – Delhi), Indian Panorama ( 7 nights / 8 days, Delhi – Jaipur – Ranthambore – Fatehpur Sikri – Agra – Gwalior – Orchha – Khajuraho – Varanasi – Lucknow – Delhi), at India Splendor ( 7 nights / 8 days, Delhi – Agra – Ranthambore – Jaipur – Bikaner – Jodhpur – Udaipur – Balasinor – Mumbai).

Isa namang kamangha-manghang imbensyon ang Qingzang Railway na binuksan noong 2006 at bumibiyahe mula Xining, Qinghai Province papuntang Lhasa, Tibet o “Roof of the World” kung saan makikita ang Tibetan Plateau na pinaliligiran ng nagtataasang mga bulubundukin at ang dalawa sa pinakamataas na bundok sa mundo – Mount Everest at K2. Ito rin ang pinakamataas na railway line sa buong mundo kung saan ang pinakamataas na istasyon nito ay ang Tanggula station na nasa 5,072 metres above sea level.

Lakbayin naman ang Russia hanggang Mongolia sakay ng Golden Eagle Trans-Siberian Express na nagdurugtong sa silangan at kanluran. Tatlo ang regular journey nito kabilang ang Golden Eagle – Trans-Siberian Express Eastbound (Moscow – Kazan – Yekaterinburg – Novosibirsk – Irkutsk – Lake Baikal – Ulan Ude – Ulaan Baatar – Vladivostok), Westbound (Vladivostok – Khabarovsk – Ulaan Bataar – Ulan Ude – Lake Baikal – Irkutsk – Novosibirsk – Yekaterinburg – Kazan – Moscow) at Golden Eagle Ulaan Baatar Express ( Moscow – Ulaan Bataar).

Nagdiriwang ito ngayong taon ng ika-100 anibersaryo nito mula nang magbukas ito sa publiko at bilang bahagi ng selebrasyon ay inihahandog nila ang dalawang eksklusibong biyahe – ang Trans-Siberian Express via Baikal-Amur Magistral ngayong Hunyo at Trans-Siberian Express – Siberian Discovery sa darating na Hulyo.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento