Miyerkules, Abril 6, 2016

X-ray astronomy satellite na susuri sa black holes inilunsad ng Japan


Ni Florenda Corpuz


Kuha mula sa JAXA
Matagumpay na inilunsad ng Mitsubishi Heavy Industries, Ltd. at Japan Aerospace Exploration Agency (JAXA) ang H-IIA rocket lulan ang X-ray astronomy satellite na susuri sa misteryo ng black holes.

Mula sa Tanegashima Space Center, lumipad ang H-IIA rocket 5:45 p.m. Pebrero 17 habang humiwalay naman dito ang X-ray astronomy satellite na tinawag na ASTRO-H humigit kumulang 14 minuto at 15 segundo matapos itong umangat sa lupa.

“The satellite is currently in good health,” pahayag ng JAXA.

“ASTRO-H is the eye to study the hot and energetic universe. Therefore we name ASTRO-H, ‘Hitomi,’ dagdag pa ng ahensya.

Ang Hitomi ay salitang Hapon na may kahulugang “pupil or entrance window of the eye - the aperture.”

Ang ASTRO-H ay may habang 14 na metro at bigat na 7.2 tonelada. Ito ang itinuturing na pinakamabigat na scientific satellite na ginawa ng Japan katulong ang NASA at iba pang ahensya. Mula sa final orbit nito kung saan iikot ito sa mundo sa altitude na 580 kilometro ay oobserbahan nito ang kalangitan. Inaasahan na magsisimula ang operasyon nito sa Agosto.

Taglay ng ASTRO-H ang apat na X-ray telescopes at dalawang gamma-ray detectors. Ang mga datos na makakalap nito ay gagamit para pag-aralan ang misteryo ng black holes.

Inaasahan na isasagawa ng ASTRO-H ang misyon nito sa loob ng tatlong taon kung saan mahigit sa 200 mananaliksik mula sa Japan at iba’t ibang bansa sa mundo ang mag-aaral nito.

Ang ASTRO-H ang pang-anim na X-ray astronomy satellite na inilunsad ng Japan; una ang Hakucho satellite na inilunsad taong 1979. Habang ito naman ang ika-30 paglulunsad sa H-IIA rocket na nagbigay dito ng 97 porsyentong success rate.

Umabot sa $271 milyon ang kontribusyon ng Japan sa proyekto habang naglagak naman ng $70 milyon ang NASA.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento