Lunes, Mayo 2, 2016

Mga dapat mong malaman tungkol sa My Number system

Ni Rey Ian Corpuz

Noong nakaraang taon, naging matunog at pinag-usapan ang bagong sistemang tinatawag na “My Number.” Ano nga ba ang “My Number?”

Ang My Number ay ang sistema na ipinatupad ng gobyerno ng Japan kung saan lahat ng mamamayan (Hapon man o dayuhan) ay binibigyan ng isang kakaiba o unique na numero kung saan ang lahat ng impormasyon tulad ng health insurance, pension, residence information, tax, at immigration records (para sa mga dayuhan) ay pinag-isa para sa madaling pag-trace at pag-verify ng mga impormasyon ng bawat ahensiya ng gobyerno.

Ang My Number ay ang epekto ng naging pagkakamali ng gobyerno noong 2007 kung saan marami ang hindi nabigyan ng pensyon dahil sa pagkawala ng impormasyon sa database. Kung kayo ay may temporary na My Number card na, may option pa rin kayo na kumuha ng card na may IC chip sa likod nito at may picture ninyo.

Napakamabusisi at mahigpit ang proseso. Ang anak ko na apat na taong gulang ay dalawang beses na naibalik ang application dahil ang kanyang litrato ay hindi pantay at tabingi. Pati sa bata, walang kunsiderasyon. Kung ang residence card ng city hall ay hindi kailangan ng litrato ng may-ari na may edad 18 pababa, ang My Number na card ay kailangan na.

Mga benepisyo ng My Number (ayon sa gobyerno)

Mapapadali ang pagbahagi ng impormasyon sa bawat ahensiya ng gobyerno. Halimbawa, kung may gustong malaman ukol sa iyong tax payments ang Immigration ay mas madali nitong mahahanap ang impormasyon dahil isang  natatanging numero lamang ang hahanapin at hindi na kailangan ng ibang impormasyon.

Ang ganitong konsepto ay halos parehas ng tinatawag na indexing. Kumbaga, lahat ng may mga records at numero ukol kay Juan dela Cruz ay itatalaga sa numerong XXX-XXX-XXX. Sa America ang tawag dito ay Social Security Number o SSN. Kung mag -aply ka ng credit card sa America, kailangan lang tingnan ang iyong SSN kung may utang ka ba o wala. Kung hindi ka nagbayad ng tax, kailangan lang ng SSN upang ma-check kaagad ang iyong records. Ito na ang magiging numero mo habambuhay. Lahat ng populasyon na naninirahan sa Japan, kabilang ang mga Hapon na nasa ibang bansa, may naka-assign na My Number.

Mababawasan din ang risk ng pagkakamali sa personal na datos. At dahil nga naka-link lahat ng ibang impormasyon sa iisang numero, siguradong walang maling mangyayari. Kung mayroon mang pagkakamali, madali lang itong maiwawasto dahil iisa lang ang impormasyon.

Makakatipid din ang gobyerno dahil mas mabilis ang pagproseso at paghahanap ng impormasyon.

Mga negatibong pananaw ukol sa My Number

Isa sa negatibong pananaw hinggil sa My Number ay ang kawala ng privacy. Dito sa Japan, kahit litrato o pangalan lang ang lumabas ng walang pahintulot ay agad na issue na sa privacy. Paano pa kaya kung ang mag-leak ay ang personal mong numero upang malaman ang iyong tax payments o ‘di kaya ang iyong sahod?

Sa pananaw ng maraming IT experts, walang IT system na hindi naha-hack. Sa mga nagaganap na hacking incidents sa mga kalapit bansa tulad ng China at Russia, hindi imposible na may magtangka na i-hack ang online database ng gobyerno kung saan nakalagay ang lahat ng ating impormasyon sa My Number. Kahit nga Google ay naha-hack, website pa kaya ng gobyerno?

Positibo para sa gobyerno at negatibo para sa mga mamamayan

Bilang mga dayuhan dito sa Japan na may working visa, kailangan natin na i-declare lahat ng ating trabaho kabilang na ang part-time. Lahat ng mga kumpanya ay nagsasagawa ng nenmatsu chosei tuwing Nobyembre at kailangan mong isulat ang iyong My Number doon. Sa madaling sabi, maaaring masilip ng Immigration ang iyong pinagtatrabahuan. Ngayon, kung ikaw ay walang “Permit to Work Other than the Designated Activity” ay tiyak na kalaboso ang haharapin mo.

Isa pa ay kung kayo ay gumagawa ng “kakutei shinkoku” o declaration of tax payments tuwing Pebrero at sinasabi ninyo lang na ang pera na padala ninyo sa Pilipinas ay nasa ¥50,000 a month, sa bagong sistema ay dapat nang i-submit sa mga remittance companies ang iyong My Number. Sa madaling sabi ay makikita ng tax office kung magkano ang pinadala mo na pera, walang labis, walang kulang. Hindi kagaya noong wala pang My Number na kahit magkano lang sabihin mo ay okay lang sa tax office (depende din minsan sa tax office).


Darating din siguro ang panahon na pwede na rin na silipin ng gobyerno kung magkano ang pera na nasa bangko mo. Sa ngayon base sa mga nababasa ko online, sa nalalapit na panahon ay balak na rin ng gobyerno na i-integrate ang My Number sa mga bank accounts. Sa ganitong sistema, bawal ang money laundering at tiyak na alam ng gobyerno ang dapat mong bayaran base sa iyong perang natanggap sa bangko.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento