Ni Al Eugenio
Dito sa Japan, alam ba nating mga
Pilipino kung kailan ang kanilang halalan? Kung hindi lang dahil sa ang
karamihan sa atin ay sumasakay ng tren, marahil ay wala tayong kaalam-alam na
may nagaganap palang eleksyon.
Ang panahon ng eleksyon dito sa
Japan ay malayung-malayo sa Pilipinas. Walang
naglalakihang mga karatula at patalastas sa radyo o telebisyon tungkol sa mga
tumatakbong kandidato at lalong walang meeting de avance.
Malalaman lang natin na nalalapit
na ang eleksyon kapag mayroon ng mga pailan-ilang nakatayo at nagsasalita sa
loud speaker sa mga lugar na maraming tao. Kahit na para bang sa kanila ay
walang interesadong sila ay pakinggan. Ang pangunahing lugar na pinipili ng mga
kandidato ay ang mga liwasan na malapit sa mga train station, sa mga shotengai
o mga daang may mga tindahan at kung saan mayroong maraming dumaraan.
Hindi rin tulad sa Pilipinas na ang mga kandidato ay may napakaraming mga
alalay o mga kapartido na nag-iingay kung saan-saan. Walang pakialam kung sila
ay nakagagambala. Dito sa Japan ay may hangganan ang oras ng pag-iingay. Ang
oras na iyon ay nakatakda hanggang alas-diyes ng gabi lamang.
Nagtatayo ang pamahalaan ng bayan
ng animo’y billboard na yari sa plywood upang mapagdikitan ng mga poster ng mga
tumatakbo sa halalan. Hindi sa mga puno,
hindi sa mga pader, hindi sa mga public transportation at lalong hindi
sa mga lugar na pag-aari ng mga pribadong mamamayan. Kung makakakita man tayo
ng mga litrato ng mga kandidato sa bakod o dingding ng isang tahanan, asahan
natin na may pahintulot ito ng may-ari ng bahay.
Kitang-kita sa panahon ng eleksyon
dito sa Japan na ang mga kumakandidato ay may mga tunay na hangaring makatulong
sa kapakanan ng mamamayan at ang mapaunlad ang kanilang bayang paglilingkuran.
Walang milyun-milyong ginagastos, walang babawiing pinuhunan. Tanging ang
layunin ay ang makapaglingkod sa bayan.
Paano natin ihahambing ang eleksyon
sa Pilipinas sa mga mauunlad na bansa? Sa atin lamang mayroong kandidato na
patung-patong na ang kaso ng kurapsyon ay patuloy pa rin sa kanyang pagkandidato. Dahil sa marami rin
naman ang naniniwala sa kanya ay maaari pa rin na siya ang mahalal na pangulo. Ano
ang pinanghahawakan ng mga ganitong pulitiko? Ang bagay na inaasahan nila ay
ang kamangmangan ng karamihan sa mga bumoboto.
Mula pa noong magkaroon ng
diktatorya sa ating bayan, ginawa na ng mga pamunuan na iiwas sa mga kaalaman ang
karamihan ng ating mga mamamayan. Bukod sa mga pag-torture sa mga inaakalang laban
sa pamahalaan, sa mga namatay at sa mga nawala at hindi na natagpuan. Isa sa pinakamalaking
perwisyo na idinulot ng Martial Law sa ating lipunan ay ang panlilinlang sa
ating mga mamamayan na huwag magkaroon ng tamang kaalaman. Dinaan tayo noon sa
mga entertainment at mga palabas na puro kalokohan upang libangin ang lahat upang huwag
mapansin ang tunay na nangyayari sa bayan.
Hanggang ngayon ay mas marami pa rin
sa ating mga kababayan ang tumanda na at mahina pa rin ang kakayahan na mailahad
ang tunay niyang gustong sabihin. Hirap ang mga Pilipino na magpaliwanag. Hirap
din ang nakararaming Pilipino na ituon ang kanilang pag-iisip upang makarating
sa isang maayos na desisyon.
Matagal na tayong pinagkaitan ng
nararapat na edukasyong para sa lahat, hindi lamang para
sa may mga kaya sa buhay. Hanggang ngayon ay ginagamit pa rin ng maraming pulitiko
ang taktikang panatilihing mangmang ang maraming Pilipino. Sa pagiging mangmang
ng nakararami ay makadaragdag sa mga botanteng aasa ng awa sa mga mananalo. Kaunting
tulong tulad ng Php500, gasino na lang ba ang halagang iyon sa makukulimbat ng
mga pulitiko habang nakaupo ng ilang taon sa kanyang pinanaluhang pwesto. Ang
kawawang Juan, balik sa dating gawi, matapos maubos ang hindi nagtagal na Php500.
Marami sa ating mga mamamayan ang
hindi talaga marunong pumili ng kanilang iboboto. Ang karamihan sa kanila ay
may pananaw na “Hmm, pare-pareho lang na mga magnanakaw iyang mga ‘yan. Kahit
sino man ang iboto mo. Mayroon din namang
sumasabay na lamang kung sino ang iboboto ng nakararami at hindi na
kinikilatis mabuti kung dapat nga ba na ang
popular na pulitiko ang dapat iboto.
Marami rin naman na ang hinahanap
sa kandidato ay ang personalidad nito tulad halimbawa kung ang pulitiko ba ay
mabait, maayos sa pananamit, maayos kumilos at ang ganda ng pananalita nito.
Ano ba ang kahalagahan ng ating boto?
Kung tulad tayo ng mga bumoboto na
hindi naman talagang pinag-aaralan muna ang
isang kandidato kung mayroon nga ba
itong kakayahan na maging lider at dalhin ang ating bansa sa isang tunay na pagbabago para
sa patuloy na kaunlaran ng bawat Pilipino, walang halaga ang isang boto. Ngunit
kung ang isang botante ay binibigyan ng panahon na pakinggan at kilatisin ang
mga tumatakbo, maikumpara ang bawat isa ayon sa laman ng kanilang mga sinasabi
at damahin kung sino ba talaga sa kanilang palagay ang tunay
na sinsero sa mga inilalahad nito,
makapagbibigay ng malaking halaga ang kahit na isang boto.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento