Ni Florenda Corpuz
Walang Pilipino ang nasawi sa magnitude
6.5 at 7.3 na lindol na tumama sa Kumamoto Prefecture sa rehiyon ng Kyushu kamakailan.
Ayon kay Philippine Ambassador to
Japan Manuel M. Lopez, ang Embahada ng Pilipinas sa Tokyo at ang Konsulado sa
Osaka ay nakikipag-usap sa Filipino community sa Kumamoto at walang kababayan
ang nasawi o malubhang nasugatan sa magkasunod na lindol.
Patuloy din ang kanilang monitoring
para masiguro na maayos ang kundisyon ng mga Pinoy sa lugar.
“We have checked with our Filipino
community leaders in Kumamoto. No one was reportedly injured in the latest
earthquake,” pahayag ni Lopez sa panayam ng ABS-CBN News Channel (ANC)
kamakailan.
May isang Pilipino ang na-trapped
sa ilalim ng sasakyan ngunit ito ay nailigtas din.
May mga kababayan na lumikas sa mga
evacuation centers habang may ilan din na natulog sa kotse.
Base sa datos ng Ministry of
Justice, nasa 10,767 dayuhan ang naninirahan sa Kumamoto Prefecture kung saan aabot
sa 1,600 ang mga Pilipino na karamihan ay may mga asawang Hapon.
Umabot sa 49 katao ang nasawi sa
lindol habang daan-daan naman ang nasaktan.
Samantala, sa advisory na inilabas
ng Japan Meteorological Agency, pinaalalahan ang lahat na patuloy na mag-ingat
sa aftershocks.
“Seismic activity in the Kumamoto
prefecture and Oita prefecture areas in Kyushu is still ongoing. There is
concern about buildings and houses collapsing, and landslides may occur. Remain
aware of your surroundings and exercise caution regarding earthquakes as well
as rainy weather, as the combination can be hazardous.”
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento