Ni Cesar V. Santoyo
Maraming mga napabalitang milyon
ang kinakailangan para punuan ang mga bakanteng trabaho sa Japan at isa rito ay
ang English teacher. Puspusan na rin kasi ang pangangailangan ng bansa na
matuto ang kaniyang mamamayan na magsalita ng English at makapantas sa
kumpetisyon sa sinasabing globalisasyon.
Mas lalong tumitindi ang
pangangailangan ng dayuhang English teacher dahil sa inilabas na direktiba
nuong taon 2013 ng Ministry of Education, Culture and Sports, Science and Technology (MEXT) ng Japan kung papaano itataas ang kapasidad ng mga Japanese
na gumamit ng wikang English para sa pandaigdigang negosyo. Nakasaad sa
nasabing direktiba ng MEXT na simula sa April 2018 ang mga bata sa elementarya
na nasa pang-lima at pang-anim na baitang ay mayroon ng tatlong araw na regular
na English subject sa loob ng isang linggo.
Sa nasabing direktiba noong 2013 ng MEXT, lalo
pang darami ang pangangailangan sa mga sinasabing Assistant Language Teacher o
ALT na umiikot sa mga pampublikong elementarya at high school. Libo-libo na rin
ang mga kababayan natin sa Japan ang nagtatrabaho at nakikinabang bilang ALT.
Team teaching kasama ang Japanese
English teacher para mapahusay ang abilidad sa English communication ng mga mag-aaral
ang dahilan ng pagkakaroon ng ALT na sinimulan 30 taon na ang nakalipas. Ang
mga ALT ay mula sa Japan Exchange Program o JET na mga direktang ni-recruit ng
mga ahensya ng pamahalaan mula sa bansang pinanggalingan. Upang makatipid ang
mga lokal na Board of Education ay kumukontrata sa mga dispatch agency ng ALT.
Dumarami na rin na mga lokal na Board of Education na umiiwas sa dispatch
agency at direktang nagre-recruit ng ALT.
Ang lahat ng ALT, ang mga nasa
JET Program, dispatch agency at direct hired ng local Board of Education, lahat
ay permanenteng part-time job workers na hindi kasama sa social benefits
katulad ng mga guro sa paaralan. Pag-ikot sa iba-ibang paaralan ay ang
karamihang reklamo sa gawain ng mga ALT.
Marami rin sa ating mga kababayan
ang nabibiyayaan ng gawain bilang ALT. Kumpara sa ibang mga dayuhan na nasa
industriya ng ALT, ang mga kababayan natin bilang asawa at ina ng Japanese ay
may bentahe at kakaibang kalagayan at sitwasyon bilang ALT. Sapagkat marami sa
mga dayuhang ALT ang nagsasabing gutom ang kanilang sinasapit na napasukan na
gawain bilang ALT.
Lumaganap ang isang Youtube video mula sa
Fukuoka General Union at Chris Flynn na nagdidetalye ng buwanang kita ng isang
ALT. Sa video na mahigit pitong libo na ang nakapanood habang sinusulat ang
artikulong ito ay nagsasabing isang libong yen na lamang ang budget ng ALT
bawat araw ang natitira pagkatapos bawasin ang mga buwis, renta sa bahay at iba
pa mula sa ¥225,000 na kita.
Sa nasabing Youtube video, ang
Kitakyushu Board of Education at ang dispatch agency ay nagbibigay ng ¥225,000
na buwanan kita. Subalit siyam (9) na buwan lamang ang kontrata ng ALT at sa
pagtutuos ay walong (8) buwan lamang ang pagtatantos ng halaga ng kita. Kaya sa
suma tutal ang taunan na kita ay aabot lamang sa ¥150,000 kada buwan. At kung
ibabawas ang tax, upa sa bahay ng dispatch agency, insurance, at bayarin sa
kuryente, tubig, telepono, ay ¥30,000 na lamang ang natitira sa sahod kada
buwan. Kulang ang ¥1000 kada araw para mamuhay sa Japan.
Subalit ang pagiging ALT at sa
libo-libong bilang ng ating mga kababayan sa linya ng gawain na ito ay nabuo na
bilang industriya at pinagkakakitaan ng ating mga kababayan. Nararapat lamang
na ang linya ng gawain bilang ALT ay kilalanin bilang propesyon na may sapat na
pangangalaga sa kagalingan at karapatan. Lalo na sa ngayon na ang mga anak
natin na Japanese-Filipino ay siya ng pumapasok sa larangan ng pagtuturo ng
English na dapat lamang na suportahan.
Malaki pa rin ang bilang ng ating
mga kababayan na asawa at ina ng mga Japanese ang walang trabaho. At marami rin
sa kanila ang nag-aasam na maging English teacher. Naglipana ang mga training
program para maging English teacher subalit salat o halos wala ang kumakalinga
sa karapatan at kagalingan ng mga ALT.
Maaring magandang balita na
ibinukas na ang posisyon bilang English teacher sa Japan mula sa Pilipinas
subalit maaaring hindi rin maganda ang hinaharap ng mga naninirahan sa Japan na
nagnanais na maging English teacher at maging ALT. At kung sakaling dumagsa na
ang ating mga kababayan mula sa Pilipinas para magtrabaho bilang ALT, papaano
naman kaya ang kanilang kalagayan kung makakapareho ng kalagayan ng mga ALT na
idinudulog sa publiko ng nasabing video ng Fukuoka General Union at Chris
Flynn?
Ang ALT ay industriyang ginawa ng
mga BOE at dispatch agency para makatipid ang una at makinabang sa kita ng mga
teacher ang pangalawa. Sa pagpasok ng mga ALT mula sa Pilipinas ay may pangatlo
at pang-apat na mga ahensya na babawas pa sa kita ng mga English teacher – ang
mga recruitment agencies at bayarin sa mga singilin ng gobyerno ng Pilipinas.
Sa hinaharap ay hindi nalalayo na ang mga gawain ng mga volunteers na mga
tagapayo at mga unyon ng mga teacher ay ang pagharap sa mga posibleng
problemang iluluwal dahil sa kawalan ng proteksyon sa larangan ng gawain ng
ALT.
Sa kabilang banda, mayroon din
naman tayong mga kababayan na self-employment sa pagtuturo ng English ang
paraan bilang kabuhayan. Marami na rin sa ating mga kababayan ang matagumpay at
asensado sa pagtayo ng sariling English school na ginagawa sa loob ng sariling bahay
o kaya ay umuupa ng silid-aralan. Maliban sa magandang kita, umaangat pa ang
imahe ng ating mga kababayan sa mga komunidad na pinagsisilbihan ng sariling
English school. Kaya para sa ating mga kababayan na English teacher sa Japan,
nasa atin ang hamon: gawing pag-asa ang sakripisyo sa pagtuturo ng English.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento