Miyerkules, Mayo 2, 2018

Gaano kahalaga ang iyong pag-i-inventory?


Ni MJ Gonzales


Marami ang nag-aakala na pagdating sa pamamahala ng negosyo ang dapat lamang bantayan ay ang lumalabas at pumapasok na pera.  Hindi ito totoo lalo na sa mga retailer at wholesaler businessmen,   dahil gaya ng tamang bilang ng kita  na pumasok at  gastos  na lumalabas, maingat din sila sa pagkontrol ng produkto na kanilang binibili at ibinibenta. 

Ano ang inventory?  Sa negosyo ito ay bilang o pagbibilang ng anumang gamit, produkto, rekado, paninda  na may kinalaman sa iyong operasyon.  Bakit kailangan paglaanan ito ng panahon?

Maiiwasan ang mga tapon o hindi na maibebentang paninda

Isa sa kalaban sa pagbebenta ng produkto ay pagkapanis, pagkabilasa, o pagkapaso na sa petsa na dapat itong makunsumo (expiration). Kaya ang usapin na ito ay hindi lamang para sa mga may food business kundi sa lahat ng klase ng negosyo.

Halimbawa ay nasa parlor business ka, hanggang gumagamit ka ng shampoo, sabon, at gamot ay kailagan bantayan mo ang expiration ng mga ito.  Kapag sira na ay hindi  na magagamit pa para sa iyong customer at tapon na kaagad ang sana’y kita na makukuha rito.

Mapapabuti ang pasok ng kita kaysa pagkatumal nito

 Kung mayroon kang iba’t ibang produkto na nilalako ay may lalabas na malakas, mabagal at  mahina ang bentahan.   Kailangan mo silang matukoy para hindi sayang kung saan mo itututok ang iyong pera, panahon, at espasyo.

Kapag malakas ang produkto ay kailangan na alam mo kung kailan na malapit nang maubos ang stock nito. Kung wala kang maibenta, sayang na ang kita at dalaw ng iyong customers. Palagi pa naman silang may ibang pagpipiliian na tindahan at produkto.

Kapag mabagal ang produkto pero naibebenta pa ay lalo mo dapat alam kung ilan lamang ang binibili mo at ang expiration nito.   Bilang lang dapat o mas kaunti para hindi kumakain ng espasyo at kapital na inilaan sana roon sa produktong mabenta. 

Isa pa’y hindi lamang ito usapin sa pagkapanis kundi pagkapangit din ng kalidad ng itsura ng produkto. Mas nagtatagal   ang produkto sa storage room ay mas naluluma ito at mas masisira ang packaging.  Kapag matukoy mo agad kung alin ang mabagal na maibenta, dapat ay gawan mo na ito ng paraan na magamit o maipasa agad bago mawalan ng halaga.

Kapag mahina talaga ang isang produkto ay maigi na itong ibenta kahit pa sa mas mababang presyo. Mainam na maliit ang kita kaysa walang kita.  Maaari rin kasing may mabagal na mabenta dahil kulang sa promosyon. Subalit ang mahinang produkto ay pabigat sa pag-ikot ng iyong kita.  

Masosolusyunan agad ang problema sa supply o supplier

Tandaan na hindi sa lahat ng pagkakataon ay puwedeng mabigyan ka agad ng panibagong stock ng iyong supplier.  Importante ang ganitong bagay lalo na sa peak season o kung kailan maraming order o customer na natatanggap.

May supplier na walang operasyon bago o pagkatapos ng holiday. May sadya rin na matagal ang palugit bago maibibigay ang order mo. Mayroon din na  pagkakataon na walang abiso ay ihihinto basta-basta na lang ang paghahatid ng stock. Kaya para mapaghandaan ang mga sitwasyon na gaya nito, kailangan maayos ang iyong inventory. Makakapagtabi ka nang sapat na dami ng produkto para hindi ka basta mawawalan.

Kung maayos din ang iyong inventory management ay mapapabuti ang relasyon mo sa iyong supplier.  Kung may tiwala na siya sa iyo ay maaaring ipautang muna sa iyo ang kanyang produkto o kaya palitan ang iyong mga stocks na naluluma na.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento