Huwebes, Mayo 3, 2018

Paggamit ng exit tax isinabatas ng Diet


Isinabatas ng Diet kamakailan ang paglilimita nang paggamit ng kita mula sa ipapataw na exit to departure tax sa mga dayuhang turista at mamamayang Hapon na lalabas ng Japan sa inbound tourism promotion ng bansa.

Gagamitin ng gobyerno ang pera para ma-enjoy ng mga turista ang kanilang pagbisita sa bansa, mapadali ang pag-access sa mga impormasyon sa mga tourist spots at paghahanda sa mga resources para maranasan nila ang kulturang Hapon. Hinihimok din ang mga pampublikong transportasyon na paghusayin ang Wi-Fi service access nila.

Mangongolekta ng ¥1,000 ang gobyerno mula sa mga pasahero na lalabas ng Japan simula Enero 7, 2019. Hindi kabilang dito ang mga transit passengers na aalis ng bansa sa loob ng 24 oras simula ng kanilang pagdating dito pati na rin ang mga batang wala pang dalawang taong gulang.

Idadagdag ang exit tax sa pamasahe sa eroplano at barko at iba pang bayarin sa paglabas ng mga biyahero sa Japan.

Tinatayang aabot sa ¥40 bilyon ang kikitain ng gobyerno mula rito.

Umabot sa 28.7 milyong dayuhang turista ang bumisita sa Japan noong 2017.

Target ng administrasyon ni Prime Minister Shinzo Abe na magtala ng 40 milyong foreign tourist arrivals pagsapit ng taong 2020 kasabay ng pagho-host ng Tokyo sa Olympic at Paralympic Games mula sa kasalukuyang 20 milyon at 60 milyon naman sa taong 2030.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento