Martes, Pebrero 5, 2019

May financial resolution ka na ba ngayong 2019?



Hatid ng Bagong Taon ay bagong pag-asa sa maraming Pilipino. Ito ay panahon na mas ganado silang baguhin ang kanilang buhay at magkaroon ng resolusyon sa kanilang pagkakamali. Mayroon ka na bang New Year’s Resolution 2019? Kung mayroon ay mayroon na ba rito tungkol sa iyong pananalapi?  Narito ang ilang suhestiyon na maidadagdag sa iyong resolusyon:

Magkaroon ng materyal na magpapalawig ng iyong kaalamang pinansyal.  Kailangan mo ito para kahit saan o anumang oras ay may mapag-aaralan ka. Kung hindi ka palabasa ay maaaring mag-download ng video tutorial o audio book. Ang mahalaga sa lahat ng ito ay maging maalam sa paghawak ng pera nang tama. Baka kaya ka kinulang ng pera noong 2018 ay dahil kailangan mo pa ng mas epektibong istratehiya para kumita, makapag-ipon, at makapag-invest.

Bumili ng kailangan sa mga murang pamilihan. Ang laking bagay kung may paraan ka kung paano makakamura sa iyong pinamimili. Isa na rito ay kung may alam kang mga pamilihan na sulit ang presyo at maganda  ang serbisyo. Maari rin tingnan kung paano  ka makakadiskwento sa iyong binibili gaya ng paggamit ng discount coupons at pag-iwas ng pagbili ng mahal na brand. Makatutulong din ang pagtatakda sa tuwing kailan sa isang linggo o buwan ka magandang mamili. Iyong oras na hindi ka gahol sa oras at naihanda mo na ang iyong listahan.

Magkaroon ng daily at weekly budget.  Kung kinakapos ka ng pera sa loob ng isang buwan o sa isang taon ay posibleng dahil maluwag ka sa iyong budget sa isang araw o linggo.  Subukan mo pang idetalye kung ano ang dapat na gastos mo sa bawat araw o bawat linggo, makatutulong iyan para mas mapaalalahanan ka sa paglalaan ng pera.

Pababain ang singil sa iyong utility. Magkaroon ng hakbang para pababain ang singil sa  iyong utility bills gaya sa kuryente, tubig, at koneksyon sa internet o telepono. Ilan na rito ay pagbili ng kasangkapan  na mababa ang konsumo ng  enerhiya, pagtatanggal ng plug sa saksakan kung ‘di na ginagamit, at huwag pagsabay-sabayin ang paggamit na mga appliances.

Bayaran agad ang iyong bills. Kung dati ay ipinagpapaliban mo pa ang pagbabayad ng iyong bills, sa taong ito ay maiging baguhin mo na ito. Kung makakalimutin ka sa due date ay  pwedeng mag-enroll sa automatic payment scheme o kung dumating ang statement of account ay diretso mo na itong bayaran.

Mag-shopping ng maliliit na investments.  Sa halip na mag-shopping sa bagay na ilang buwan lang magagamit ay bakit hindi ka na lang magkaroon ng maliliit na investments. Isang halimbawa nito ay insurance policy na magagamit mo para sa iyong medikal na pangangailangan balang araw.

Iwaksi ang pagiging magastos.   Para makatikim ng maalawal na kinabukasan ay dapat munang magkaroon ng disiplinadong pamumuhay ngayon. Halimbawa ay kung nasanay kang kumakain ng junk food at soft drinks, subukan mong tanggalin ito at gawing pera ang iyong maiipon.

Sumubok ng isang ipon challenge. Kung hindi ka nakapag-ipon noong 2018 dahil nakakatamad, bakit hindi ka mag-“ipon challenge?” Sa ngayon ay marami na ang naglalabasang naiiba at nakatutuwang sundan gaya na lamang ng “invisible 50.” Sa ipon challenge na ito ay ang bawat matatanggap na Php50 pesos / ¥100 ay itatabi at babalikan na lang pagkatapos ng ilang buwan o isang taon. Mayroon din na ‘di nagdadala ng barya at inilalagay sa isang banga at iipunin sa loob ng isang taon.

Tandaan lang na sa pag-iipon ng pera lalo na sa perang papel ay piliin ang lalagyan na ligtas sa peste, hamog o anumang makakasira sa kalidad nito.

  

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento