Habang may buhay daw ay may pag-asa. Ibig sabihin sa
buhay ay may mga pagsubok na haharapin. Magkagayon man ay makararanas ng ginhawa
hanggang lumalaban at hanggang nananalig. Paano nga ba mas maging positibo at
mas makakahanap ng solusyon sa gitna ng pagsubok?
Pagmamataas o pag-unlad?
Maraming propesyonal ang puno ng “pride” o may labis na
pagpapahalaga sa sarili. Madalas ay ito rin
ang nagiging limitasyon nila upang maging progresibo at positibo sa kanilang
karera. Minsan ay umaabot na rin kasi sa punto na mas pinapahalagahan nila ang
kanilang imahe o estado kaysa tunay na kasiyahan at katuturan ng kanilang buhay.
Hindi nila namamalayan ay naikakahon na pala nila ang kanilang mga solusyon.
Kaya hanggang nagiging mapagmataas ay para bang wala na rin pag-asa sa
pagbabago.
Tutukan ang iyong kalakasan
Sa anumang hamon ay mas sigurado ang pagtahak sa
tagumpay kung alam ng isang tao ang kanyang kahinaan at kalakasan. Sa dalawang
bagay na ito ay mainam na pagtuunan kung saan siya malakas. Bakit? Kung ito ang kanyang gagawin ay
maiiwasan niya ang lungkot at pagbaba ng kumpiyansa sa sarili.
Halimbawa sa usaping negosyo, mas gagaan ang operasyon
kung may mahuhusay na indibidwal na tumatrabaho sa mahahalagang bahagi nito. Ibang-iba
ito sa negosyanteng ginagawa ang lahat ng trabaho o kaya ay kumukuha lang ng
kung sinu-sino lamang na empleyado.
Mas tingnan kung
ano ang posibleng magandang resulta
Minsan ang lumalabas na pag-asa sa problema ay hindi
mukhang pag-asa sa iba. Nangyayari iyan
lalo na kapag ang pinagtutuunan lamang ng pansin ay kung ano ang hindi pwedeng
gawin. Ganoon din kung uunahing isipin ay kung ano ang pwedeng masamang
mangyari. Kapag ganoon ay negatibong
kaisipan at damdamin agad ang ninanamnam, sa halip na maging bukas sa magagandang
posibilidad. Resulta? Ang tao ay mas natatakot
kaysa umaasa.
Irespeto ang
halaga ng iyong kasama
Sa isang kumpanya ay may mga indibidwal na may
magkakaibang personalidad. Bunsod nito ay may mga pagkakataon na may hindi
pagkakaunawaan dahil sa pagkakaiba ng opinyon.
Kaya naman malaking tulong kung matutuhan na magbigay ng respeto at
pagkilala sa tungkulin ng iba. Ito ay
maging sila man ay nakakaangat o nakakababa sa iyo. Tandaan din na kahit ano pa ang posisyon o
estado ng isang tao ay kailangan pa rin nito ang tulong ng iba.
Dagdag pa rito ay isang ideya na ang taong hindi
marunong kumilala sa mga kasama ay hirap din magtagal sa trabaho. Ang taong
hindi rin marunong sumunod sa lider ay mas nagiging bahagi ng problema kaysa bahagi
ng solusyon.
Piliin kung ano
ang pinakamabuti
Ayon sa manunulat,
pastor, at leadership expert na si John C. Maxwell ay marapat na maging mahusay
sa pagdedesisyon kung ano ang dapat ipagpalit
upang magkaroon ng maliwanag na
kinabukasan. Ilan sa kanyang ibinahagi ay ang pagbibigay ng halaga sa personal
na pag-unlad kaysa kagyat na kasiyahan, at sa mabuting buhay (good life) kaysa
sa mabilis na kawili-wiling buhay (fast life).
“It is important to remember that we don’t always get
what we want, but we always get what we choose,” saad pa nito sa kanyang artikulong
“Make These 5 Trade-Offs for a Brighter Future” na nailathala sa
Success Magazine.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento