Martes, Pebrero 5, 2019

Cultural Center of the Philippines handog ang samu’t saring art events sa ika-50 anibersaryo ngayong taon




Marami ang kaabang-abang na mga aktibidad ang dapat antabayanan na idaraos ng Cultural Center of the Philippines (CCP) ngayong taon sa selebrasyon ng organisasyon ng ika-50 anibersaryo simula nang buksan ito noong Setyembre 8, 1969.

Ngayong taon, higit na espesyal ang mga inihanda ng CCP para sa publiko at maging mga turista para lalo pang hikayatin ang publiko sa pagtangkilik ng tunay na maipagmamalaking kultura at sining na gawang Pinoy.

Pagbubukas ng Tanghalang Ignacio Gimenez

Magaganap ang inagurasyon sa darating na Setyembre ng pinakabagong black box theater ng CCP na pinangalanang Tanghalang Ignacio Gimenez, na hango sa pangalan ng negosyante at aktibong tagapagtaguyod ng theater arts na si Ignacio Gimenez, na naging malaking bahagi sa katuparan ng nasabing proyekto.

May kapasidad ito na 300 katao at opisyal na magbubukas sa Oktubre 4.

“Adventurous ideas, adventurous collaboration, and adventurous audiences,” ang magiging overarching theme ng mga experimental theater, contemporary shows, at multimedia explorations na ipapalabas dito.

Dalawang anniversary gala shows din ang idaraos Setyembre ngayong taon bilang opisyal na simula ng selebrasyon.

Pangunguna sa pagdaraos ng AAPPAC

Pangungunahan din ng CCP bilang host ang pagdaraos ng Conference of the Association of Asia Pacific Performing Arts Centres (AAPPAC), na pinakamalaking alyansa ng mga pangunahing performing arts venues sa rehiyon ng Asya kung saan magtitipun-tipon ang iba’t ibang mga propesyonal sa industriya ng performing arts.

Kaugnay nito ang pagpupulong ng mga performing arts organizers sa Federation of Asia Cultural Promoters para talakayin ang mga tour opportunities para sa Asian traditional performance, Western classical at First Philippine Performing Arts Market na isang showcase, network at business matching opportunity para sa mga performing arts groups.
Bahagi rin nito ang unang Asia Grand Prix for Choral Singing na itinuturing na pinakamataas na parangal sa chorale at singing competitions na gaganapin sa Hulyo. Isa itong proyekto ng CCP kasama ang Andrea O. Veneracion (AOV) International Festival, Singapore International Choral Festival, at Bali International Choral Festival.

Pagpapalawig sa sining at kultura

Ngayon taon ay ipinagdiriwang din ng Pasinaya, Virgin Labfest, at Cinemalaya ang anibersaryo na kilala bilang mga signature events ng CCP.

Mula sa dalawang araw ng open house Pasinaya Festival na pinakamalaking multi-arts fest ng bansa ay magiging tatlong araw na ito sa Pebrero kung saan magkakaroon ng workshops, film screenings, artist market, showcase, at exhibitions.

Dadalhin naman sa Cagayan de Oro at Siliman sa susunod na taon ang Virgin Labfest na tampok ang mga “untried, untested, and unstaged” one-act plays mula sa mga baguhan at kilala ng mandudula sa Hulyo.

Inaasahan din ang mas malawak na pagpapalabas ng mga Cinemalaya films sa commercial cinemas at pagbubukas ng bagong film section nito.

Tatakbo naman tuwing Martes – Linggo simula Setyembre na libre sa publiko. Isasagawa sa front ramp kaharap ng CCP fountain ang lights and sound show, live performances at video mapping.

CCP Libre at iba pang pagtatanghal

Nakatakda rin gawin ang “CCP Libre: 50 free shows at the CCP” na hinihikayat ang publiko na makibahagi at manood ng iba’t ibang pagtatanghal na pang-sining, ngunit wala pang inanunsyo na partikular na mga programang ipapalabas.

Magtatanghal naman ang Philippine Philharmonic Orchestra (PPO) kasama ang mga pinagpipitagang international musicians gaya na lang ng pianist na si Hiyas Hila ngayong buwan, na susundan naman nina Hungarian concert pianist and conductor Tamás Vásáry (Pebrero 8), Japanese conductor Yoshikazu Fukumura at Hong Kong cellist na si Ray Wang (Marso 15), at Japanese guitarist Kiyoshi Shomura (Abril 12).

Isasagawa rin ang unang Arts and Social Media Festival sa Oktubre, anniversary publications, architecture at visual arts exhibitions, digital time capsule, Kaisa sa Sining Conference, Imagine Nation: Forum on the Role of Arts Education in National Development, at audience development activity na Siningkwenta.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento