Martes, Pebrero 12, 2019

Negosyo 101: Ang mga dapat mong malaman sa ‘content creation’


Ni MJ Gonzales


Malaking bahagi na ng kampanya ng mga kumpanya ngayon ang inuukol sa mga online platforms.   Karamihan ay kumukuha pa ng eksperto para tutukan ang paglalathala ng  kahali-halina at epektibong materyales. Ang pinakalayunin dito ay makahatak ng mas maraming parokyano at maitaas pa ang benta ng kumpanya.

Kung ikaw ay nakakakita ng iba’t ibang digital marketing campaigns at may interes o talento rito ay ano nga ba ang bentahe kung ikaw ay maging epektibong content creator? 

Papuntang online, patungong mobile

Sa 3rd quarter financial reports  na  ipinasa ng  ABS-CBN at GMA Network Inc., dalawang nangungunang TV networks sa Pilipinas, sa Philippine Stock Exchange (PSE) noong 2018  ay  lumabas na parehong bumaba ang kita ng mga ito mula sa mga nagpapatalastas.

Ayon sa  pinansyal na ulat ng Kapuso Network ay mula Php 10.5 bilyon noong 2017 ay naging Php 9.8 bilyon (6.5 porsyentong pagbaba) ito ngayong 2018.  Samantala, ang Kapamilya Network naman ay nag-ulat na dumausdos ang kanilang advertising sales mula Php 15. 3 bilyon sa  Php 14.9 bilyon (2.8 porsyento pagbaba).  Sinasabing isa sa dahilan nito ay dahil ang mga advertisers mismo ay nagsisimula ng magsilipitan o hatiin ang kanilang budget para sa mga online platforms.

Mapapansin din na hindi na nag-aalangan maging anumang media companies na maglathala ng materyales online.  Ito ay sa kabila ng banta ng pamimirata at “fake news.”  Ang isang matinding dahilan dito ay ang pag-igting ng online media, na sinamahan pa ng agresibong paggamit ng smartphones ng mga tao.

Impluwensya ng content creators

Sa mga panahon na ito ay hindi na lang ang mga artista sa TV at pelikula ang sumisikat.  Marami na ngayon ang nagiging “viral,” “sensation,” “trending” o “influencer” na personalidad.  Ito ay kahit sila ay mga ordinaryong mga indibidwal.

Kung babalikan ay maraming international artists na dati ay nagpo-post lang ng video sa iba’t ibang video sharing sites ang sikat na sikat na ngayon. Ilan sa mga ito ay sina Canadian singer-songwriter Shawn Mendez (Vine), American comedian Ryan “NigaHiga” Higa (Youtube), at American singer-songwriter Colbie Caillat (MySpace). Ang tawag sa kanila at maging sa mga gumagawa ng videos, teksto, litrato, infographic, at iba pang klase ng materyal ay “content creators.” 

Sa ibang banda ay hindi lamang para pagpapasikat ang paggawa ng content o produkto online, ito rin ay nagiging paraan upang maibahagi ang adhikain, opinyon, at rekomendasyon. Dito na rin papasok ang mga “social media influencers” na maaari rin matawag na content creators.  Subalit, ang content creator ay magiging social media influencer lamang kung ito ay napakaraming followers o subscribers. Sa mata ng advertisers, ang mga sikat  na social media  influencers ay may lakas na hikayatin ang kanilang followers na bilhin ang kanilang iniendorso. Kaya naman may social media influencers ang nagiging “endorsers” o “brand ambassador” o kaya ay palaging naglalathala ng “sponsored post.” 

Content creation sa iyong negosyo

Una sa lahat ay ang mga video sharing sites at content management system (CMS) gaya ng Wordpress at Blogspot na malaking bagay para sa promosyon ng negosyo.  Dito ay mabilis, mura at madaling makapagbabahagi ng patalastas sa lahat ng naka-online.   Katunayan ay kailangan na lamang ay mabilis na internet connection, simpleng digital camera, at computer ng sinumang nagsisimulang maging content creator.

Kung nais mong maging content creator, bilang karera o mismong negosyo,  ay mainam na layunin ang magkaroon ng maraming followers at subscribers.  Maaari mo itong magawa sa natural na paraan, may bayad, o kumbinasyon. Subalit  ang mas mahalaga pa rin dito ay maging may saysay na content creator o makagawa ng mga epektibong content.

Tandaan na hindi lahat ng mataas na hits, likes, shares at kahit na viral o trending posts ay nangangahulugan ng malaking kita. Ito ay dahil posibleng kakaunti lamang sa mga nakakita o nakapanood ng content ay “buying customers.”  Kaya kung sakaling hindi pa man ganoon kalaki ang hits, views, o likes ng mga posts kung nakikita naman ito ng mga potensyal na kliyente  at mataas ang iyong sale ay epektibong content creator ka na.   

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento