Ni Nestor Puno
Ang mga staff ng Philippine Consulate General-Osaka at Aichi International Plaza, at mga miyembro ng Philippine Society in Japan-Nagoya. |
Maayos at matagumpay na
naisagawa ang Consular Outreach Mission ng Philippine Consulate General sa
pamumuno ni Consul Lenna Eilleen C. De Dios-Sison. sa Nagoya. Ito ay sa pakikipagtulungan
ng mga kasapi ng Philippine Society in Japan (PSJ Nagoya), at Filipino Migrants
Center (FMC). Ang nasabing outreach ay ginanap nitong nakaraang Pebrero 16 sa
Aichi International Plaza at Pebrero 17 sa Nagoya International Center.
Ayon kay Consul De
Dios-Sison, mayroong 740 aplikante ang naserbisyuhan sa loob ng dalawang araw na
outreach kabilang ang 474 na nakapag-renew ng kanilang passport at 266 sa iba’t
ibang consular services.
Sa pangkalahatan, naging
mabilis ang proseso ng passport application dahil sa patakarang “pre-processing”
bagamat may mga aplikante na naantala dahil sa kakulangan ng kanilang
requirements. Tumanggap din ng mga konsultasyon hinggil sa mga usapin sa
consular services.
Dumadaan sa pre-processing
ang passport renewal sa outreach. Kailangang maipadala ang application at mga
requirements sa Konsulado sa itinakdang schedule upang mapabilang dito. Hindi
pwede ang walk-in dahil hindi nila masusuri ang status ng aplikante sa araw ng
outreach.
Ito rin ay para
mapabilis ang proseso at mas marami ang makapag-renew, ang impormasyon ng bawat
isa ay ipinapasok na sa computer bago pa ang nakatakdang outreach para
pagdating ng araw na ito ay kukunan na lamang ng picture, magbabayad, at hihintayin
ang kumpirmasyon ng impormasyon. Kaya marami ang nagugulat dahil madaling
natatapos ang proseso.
May itinakdang petsa
kung kailan lamang pwedeng ipadala ang passport application, hindi pwedeng mas
maaga rito o lagpas sa itinakdang petsa.
May pagkakataon din na isinasara agad ang petsa ng tanggapan kapag
napuno na ang slots ng aplikante. Pagkatapos nito, maglalabas ang Konsulado ng
listahan kung anong araw at oras dapat dumating sa lugar na pagdadausan ng
outreach.
Ang ibang consular
services, tulad ng Report of Birth, Report of Marriage, LCCM, authentication of
documents, notarization, NBI, at iba pa ay hindi na dumadaan sa pre-processing
at hindi na kailangan ng appointment. Maaaring pumunta sa naturang outreach
anumang araw at anumang oras, tiyakin lamang na kumpleto ang dokumentong dala
para maiwasan ang pagka-antala ng proseso.
Sumangguni sa PCG o kaya
sa Facebook account ng Philippine Consulate General Osaka para sa schedule ng susunod na outreach
program at iba pang detalye ng mga kailangang impormasyon.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento