Martes, Pebrero 12, 2019

Makarami ng benta? Simulan paramihin ang koneksyon



Isang katotohanan na kapag nagnenegosyo ay kailangan na magkaroon ng benta.  Magiging madali  ito  kung unang-una ay kumportable kang makihalubilo sa iba’t ibang klase ng tao. Kung paano mo sisimulan ang kuwentuhan, gayon din kung paano mo makukuha na maging bukas silang makipagkomunikasyon sa iyo.  

Matutong bumati nang kusa at may giliw. Sa panahon ngayon ay bibihira na ang ngingitian ka o babatiin ka.  May ibang tao ang takot na baka kapag nginitian ka o nginitian mo ay pag-isipan pa nang masama. Subalit sa karaniwan na interakasyon ay kung ano ang iyong aksyon ay iyon lang din ang makukuha mong reaksyon at impresyon sa iba. 

Halimbawa ay ano ang iisipin mo sa  makikita mong  taong tahimik na nasa gilid lamang ng kuwarto, seryoso ang mukha, at nakahalukipkip ang mga braso? Hindi ba’t baka mahiyain, abala, o ayaw niyang makipag-usap?  Iyan ay kahit na baka ang totoo ay naghihintay lamang ito ng may makakausap.  Kaya kung matututuhan na maging palabati, palangiti,  makipagkamay, at pagkakaroon ng magiliw na dating ay dadali para sa iyo na makipagkilala.

Maging maingat at piliin ang paksang pag-uusapan.  Para sa dalawang taong matagal nang magkakilala  ay  mayroong  mga paksang sensitibong pag-usapan at iba naman para sa dalawang taong bago pa lang magkakilala. Kailangan matantiya kung ano ang kanilang parehong interes o paksang ayos na pag-usapan.

Ang isang hakbang para magawa ito ay mangamusta at magtanong ng simple pero interesante.  Ang intensyon ay maintindihan at magkaroon kayo ng interaksyon sa isa’t isa.  Makinig nang maigi at hayaan siyang dahan-dahan na magbukas ng kanyang saloobin. Sa pamamagitan nito  ay malalaman mo kung ano pa ang maaaring itanong, paano makukuha ang kanyang atensyon, at kung sakali ay saan kayo nagkakatugma. 

Balang araw kung gusto mo na itong alukin ng produkto o serbisyo ay malalaman mo na kung ano ang iyong gagawin. Tandaan na sa pagbebenta ngayon, ang pag-aalok ay hindi kung ano ang serbisyo o produkto. Sa halip ay kung ano ang solusyon na maibibigay mo sa isang tao sa pamamagitan ng iyong negosyo.  

Patatagin ang iyong koneksyon, ang iyong merkado. Sa mas malalim na aspeto ng koneksyon, hindi lang dapat titigil sa pagkilatis ng interes. Kung iuugnay na ito sa iyong negosyo ay dapat maipaunawa mo rin sa bagong kakilala  na ikaw ay mapagkakatiwalaan at maibibigay mo ang hinahanap niya.

Kung sakali man na humingi ito ng tulong na walang kinalaman sa iyong negosyo ay huwag kang mag-atubiling tumulong sa abot ng iyong makakaya.   Ang iyong magagawa, malaki man o maliit, ay magiging pundasyon para sa mas malawig ninyong  ugnayan.  Indikasyon din nito na ikaw ay malalapitan at hindi lang basta-bastang kakilala.  Ang balik nito ay maaaring tulong din sa ibang paraan  o sa hindi mo inaasahang pagkakataon. Halimbawa ay pagrerekomenda sa  iyo sa kanilang kakilala.

Tandaan din na ang malawak na koneksyon ay nangangahulugan din ng malawak na personal mong merkado.  Kung hindi mo  man mabentahan ang ilan sa kanila ay sa susunod na mga araw ay magkakaroon sila ng papel sa pag-usad ng iyong negosyo. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento