Miyerkules, Pebrero 27, 2019

Ambassador Laurel, bumisita sa Hokkaido; nakipagkita sa Filipino community

Si Ambassador Laurel kasama ang miyembro ng Samahang 
Pilipino ng Hokkaido. (Kuha mula sa Philippine Embassy, Tokyo)


Nagtungo kamakailan si Philippine Ambassador to Japan Jose C. Laurel V sa Hokkaido kung saan siya ay nakipagkita sa Filipino community doon at nakipagpulong sa mga government officials ng prepektura.

Sinimulan niya ang kanyang pagbisita sa Hokkaido sa pamamagitan ng pakikipagkita sa mga lider ng Samahang Pilipino ng Hokkaido. Pinakinggan niya ang mga concerns ng mga ito at kung paano sila namumuhay sa lugar.

Hinikayat din niya ang mga ito na bumalik sa Pilipinas para humanap ng mga business opportunities matapos niyang ipaalam sa mga ito ang kasalukuyang social and economic developments sa bansa. Ipinaliwanag din niya ang mga pagbabago sa passport requirements at tumugon sa ilang katanungan tungkol sa documentary requirements at legal issues.

Nag-courtesy call din si Laurel kay Hokkaido Governor Harumi Takahashi para ibigay ang donasyon ng gobyerno ng Pilipinas sa mga biktima ng Iburi East Earthquake na tumama rito noong Setyember 2018. Ipinaabot din niya ang pagbati ni Pangulong Rodrigo Duterte na mainit naman na tinanggap ng gobernador.

Nakipagpulong din si Laurel kay Sapporo Mayor Katsuhiro Akimoto kung saan nila pinag-usapan ang mahabang kasaysayan ng pagtutulungan ng gobyerno ng Pilipinas at Japan pati na rin ang mahabang tradisyon ng people-to-people exchanges.

Ayon kay Laurel, ang pagbubukas ng direct flights ng Philippine Airlines (PAL) sa pagitan ng Maynila at Sapporo ay magsisilbing daan para sa mas malalim na pagkakaibigan ng mga Pilipino at Hapon.

Pinasalamatan din niya ang alkalde sa pagdi-display nito ng bandila ng Pilipinas sa poster ng ginanap na snow festival. Ipinarating din niya ang kanyang kahilingan sa gobyerno ng Sapporo para hikayatin ang mas maraming Hapon na bumisita sa Pilipinas para matuto ng English bilang paghahanda sa Tokyo 2020 Olympic and Paralympic Games.

Nag-obserba rin si Laurel sa mga pasilidad ng Machimura Farms.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento