Martes, Pebrero 5, 2019

English version ng ‘The Frolic of the Beasts’ ni Yukio Mishima inilabas muli


Ni Jovelyn Javier




Inilathala kamakailan ng Vintage International ang maikling nobela na pinamagatang “The Frolic of the Beasts” ni Yukio Mishima, isa sa mga tinaguriang ‘greatest avant-garde Japanese writers of the 20th century’ at ito ang kauna-unahang pagkakataon na mababasa ang naturang nobela sa English mula nang orihinal na  inilathala ito noong 1961.

Sa kumbinasyon ng thriller, historical at psychological fiction, umani ng magagandang reviews ang nobela sa nakakabighaning kwento nito ng isang love triangle sa pagitan ng isang literary critic at isang babaero na si Ippei Kusakado, si Kōji na estudyante ni Ippei, at ang misteryosong si Yuko, ang asawa ni Ippei.

Isang istorya ng pag-ibig pagkaraan ng giyera

Isang parody ang nobela ng 14th century Japanese Noh play na pinamagatang Motomozuka” na tungkol din sa isang love triangle kung saan dalawang lalaki ang magmamahal sa babaeng si Unai.

Hindi matapos-tapos ang pagtatagisan ng dalawang ginoo para makuha ang kamay ni Unai dahil sa palaging patas ang kinalalabasan. Sa gitna nito ay naiipit si Unai sa isang mahirap na sitwasyon na kalauna’y nagtulak sa kanya para magpatiwakal. At dulot ng matinding kalungkutan sa pagkawala ng babaeng kanilang minamahal, sinundan ng dalawang lalaki ang kapalaran ni Unai.

Ngunit sa kwento ni Mishima, inilarawan itong ‘updated and modernized’ kumpara sa naging source material nito, subalit nananatili pa rin itong konektado sa orihinal na kwento ayon sa tema. Samantala, ang pagkakasalaysay naman nito ay pabaliktad.

Nakikitaan ang kwento nito ng mga paksa ukol sa kapalaran, malayang kalooban, at materyalidad habang nagpapakita rin ito ng magagandang eksena sa kung paanong ang mga maliliit na bagay ay nakakaapekto sa buhay ng mga tao.

Isang batikang manunulat

Lumaki sa isang samurai family si Mishima, na ang tunay na pangalan ay Kimitake Hiraoka, kaya’t maaga siyang namulat sa mahahalagang alituntunin gaya ng katapatan sa Emperador. Nagtapos sa School of Jurisprudence ng Tokyo Imperial University (University of Tokyo) noong 1947, inilathala niya ang kanyang unang akda na “The Forest in Full Bloom” (1944) ngunit nakilala siya dahil sa “Confessions of a Mask” (1949).

Maliban sa 33 plays na isinulat niya, nagawa niya ang short story collections na “Death in Midsummer” (1953) at “Acts of Worship” (1965); mga nobelang “Thirst for Love” (1950), “The Temple of the Golden Pavilion” (1956), “Forbidden Colors” (1951), “After the Banquet” (1960), “The Sound of Waves” (1954), at “The Sailor Who Fell From Grace with the Sea” (1963).

Kinikilala si Mishima sa kanyang obra maestro na “Sea of Fertility” tetralogy na binubuo ng mga nobelang “Spring Snow” (1969), “Runaway Horses” (1969), “The Temple of Dawn” (1970), at “The Decay of the Angel” (1971).

Kilala rin si Mishima bilang actor, model at director at marami na sa kanyang mga obra ang isinalin sa pelikula.

At bilang makabayan, itinatag niya ang “Tatenokai” at sinubukang magsagawa ng kudeta na tinatawag na “Mishima Incident” para ibalik ang kapangyarihan ng Emperador ngunit nabigo siya.

Pumanaw si Mishima sa pamamagitan ng “seppuku” (ceremonial suicide)  noong 1970 sa edad na 45-taong-gulang.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento