Lunes, Enero 1, 2018

Emperor Akihito, bababa sa trono sa Abril

Ni Florenda Corpuz
Kuha mula sa © The Imperial Household Agency


Itinakda na ang Abril 30, 2019 bilang petsa nang pagbaba sa trono ni Emperor Akihito, 83.

Ito ay matapos aprubahan ito ng Gabinete ni Prime Minister Shinzo Abe kamakailan.

Matatandaang nagpahiwatig ng kagustuhan si Akihito na bumaba sa trono dahil sa kanyang edad at kalusugan na hadlang umano sa kanyang pagtupad sa tungkulin.

“I am already 80 years old, and fortunately I am now in good health. However, when I consider that my fitness level is gradually declining, I am worried that it may become difficult for me to carry out my duties as the symbol of the State with my whole being as I have done until now,” aniya sa isang pre-recorded video message na inere sa telebisyon noong Agosto 8, 2016.

Naluklok bilang emperador si Akihito noong siya ay 55-anyos matapos pumanaw ang kanyang ama na si Emperor Hirohito (Emperor Showa). Sumailam siya sa operasyon dahil sa prostate cancer noong 2003 at coronary-artery bypass noong 2012.

Nabisita na niya ang 47 prepektura sa buong Japan at napuntahan na rin ang 50 bansa simula nang siya ay Crown Prince pa lamang kabilang ang Pilipinas noong Enero 2016 kung saan inalala nila ni Empress Michiko ang mga sundalong Pilipino at Hapon na nasawi sa World War II.

Nakatakdang pumalit sa kanya bilang emperador ng Japan ang anak na si Crown Prince Naruhito, 57.

Si Akihito ang unang emperador ng Japan na magbibitiw sa tungkulin sa loob ng humigit-kumulang 200 taon. Ito ay matapos gumawa ng panukalang batas ang pamahalaan kasunod nang pagpapahiwatig ni Akihito na bumaba sa trono. Isinabatas ito ng Diet noong Hunyo 9.  
           
Nakasaad sa kasalukuyang Imperial system na hindi maaaring bumaba sa trono ang isang emperador hangga’t siya ay nabubuhay.

Plano ng gobyerno na magsagawa ng Enthronement Ceremony sa taglagas ng taong 2019. Inaasahan din ang pag-anunsyo ng bagong era sa kalagitnaan ng 2018.

Matatapos ang kasalukuyang Heisei era sa pagbaba sa trono ni Akihito.


Plano rin ng gobyerno na magdeklara ng 10 araw na sunud-sunod na holiday kabilang ang mga national holidays sa panahon ng Imperial accession.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento