Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Japan National Tourism Organization. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na Japan National Tourism Organization. Ipakita ang lahat ng mga post

Linggo, Nobyembre 6, 2016

Anime tourism isinusulong ng JTB, Kadokawa, JAL, at iba pang organisasyon


“Animation can change the times.”

Ito ang saad ni Tsugihiko Kadokawa, association vice president/Kadokawa Corp. Chairman, sa isang news conference kaugnay ng paglulunsad ng Japan Anime Tourism Association.

Inilunsad kamakailan ang Anime Tourism Association mula sa pagtutulungan at pangunguna ng publisher at film studio na Kadokawa Corp., travel agency JTB Corp., Narita International Airport at Japan Airlines Co., upang mas paigtingin pa ang industriya ng turismo sa bansa at pagyamanin ang mga pang-rehiyong ekonomiya sa pamamagitan ng anime at manga. Nagmula ang konsepto mula sa 88-temple route na nilakad ng mga relihiyosong manlalakbay sa isla ng Shikoku.

Sa inisiyatibong ito, mabubuo ang isang travel route na naglalaman ng 88 sacred animation spots o “seichi” sa buong Japan sa pamamagitan ng isang survey pagdating ng Disyembre na mula sa mga itinampok na lugar sa iba’t ibang manga at animation works, maging ang mga museo na nakalaan sa mga nasabing anime at manga at kahit ang mga tirahan ng mismong mga manga artists na may likha ng mga ito.

Maging si Tokyo Governor Yuriko Koike, na isang anime enthusiast ay nangangampanyang gawing “anime land” ang Tokyo. Si Koike ay mula sa Toshima ward kung saan matatagpuan ang Tokiwa-so, ang naging tirahan ng mga legendary artists na sina Osamu Tezuka, Shotaro Ishinomori at Fujiko Fujio.

Aniya, sentro ng asosasyon ang iba pang bansa sa Asya na mayroon nang matibay at malawak na following sa anime at manga, samantalang ipo-promote naman ang mga packaged tours tampok ang mga nasabing lokasyon ng JTB.

Ilan sa mga popular na anime ay ang “Slam Dunk,” “Whisper of the Heart,” “Lucky Star,” “Kimi no na wa,” “Rurouni Kenshin,” “Dragon Ball,” “One Piece” at iba pa.

Key motivation by foreign tourists

Maaaring bumoto ang mga tagahanga ng anime-manga ng kanilang mga paboritong spots para mapabilang sa travel route sa website na ito, animetourism88.com/en/, at base sa magiging resulta nito ay bubuuin ang mga packaged tours na kabilang ang pagbisita sa nasabing 88 animation spots.

“Manga and anime have made a lot of young people from around the world very interested in coming to Japan,” ang pahayag ni Motohisa Tachikawa, JTB spokesman sa isang panayam.

 “We want the anime experience to be not just something people watch but something they traveled to see in person,” dagdag pa ni Yoshiyuki Tomino na siyang association president at Gundam robot series anime creator.

Ayon pa sa Japan Tourism Agency (JTA), sa isang survey nito sa mga turistang French at Thai, bagaman may pagkakaiba sa mga gusto nilang gawin ay parehas naman na naging interesado sila sa Japan dahil sa entertainment – pelikula, drama, anime at manga.

Nakakatulong din ang exposure rito para matutuhan ang salita at kulturang Japanese. Suhestiyon din ang pagkakaroon ng character costumes na maaaring isuot ng mga bumibisita at mga manga-anime related products sa mga anime sites.

Cool Japan initiative

Sa ilalim ng “Cool Japan” initiative, pumalo na sa 19.73 milyon ang foreign visitors nitong nakaraang taon at nito lamang Hulyo ay  umabot na sa 14 milyon na mas mataas nang 26.7 porsyento, ayon sa Japan National Tourism Organization (JNTO).

Pinag-iisipan ngayon kung paano mahihikayat ang mga turista na dumayo sa countryside areas ng Japan, bagaman marami na rin ang mga pumupunta sa Osaka at Kyoto na nagdudulot pa ng accommodation shortages.

Despite the increasing number of tourists, we haven’t taken full advantage of the abundant resources in rural areas. To lure more foreign visitors to lesser-known areas, I believe promoting tours featuring anime locations can be a good thing,” ani JTA Commissioner Akihiko Tamura.


Martes, Mayo 3, 2016

40M dayuhang turista, target ng Japan sa 2020

Ni Florenda Corpuz


      Kuha sa Kiyomizu-dera Temple kung saan dagsa
ang mga lokal at dayuhang turista. (Din Eugenio)
Tiwala ang pamahalaang Abe na patuloy na dadagsa sa bansa ang mga dayuhang turista kaya itinaas sa 40 milyon ang target sa foreign tourism pagsapit ng taong 2020 mula sa kasalukuyang 20 milyon at 60 milyon naman sa taong 2030.

Target din ng pamahalaan na pataasin sa ¥8 trilyon ang foreign-tourist spending sa 2020 at ¥15 trilyon sa 2030 habang 70 milyon naman ang mga inbound stay-overnight tourists sa mga regional areas sa bansa.

“Tourism is one of the major pillars of the growth strategy of Japan. It is also the trump card for regional vitalization, as well as the engine for growth towards achieving a GDP of 600 trillion yen,” pahayag ni Prime Minister Shinzo Abe sa ikalawang pagpupulong ng “Council for the Development of a Tourism Vision to Support the Future of Japan” na ginanap sa Prime Minister’s Office kamakailan.

Sinabi rin ni Abe na mag-iimplementa sila ng 10 reporma para makamit ang tinawag niyang “Japan the world will want to visit.”

“The Government as a whole will work to realize new heights for Japan as a tourism-oriented developed nation,” sabi pa ng lider.

Kabilang sa reporma ang pagbubukas sa publiko ng mga governmental facilities tulad ng Akasaka Palace State Guest House at Kyoto State Guest House. Gagawin din na pang-world standard ang mga national parks sa bansa.

“Under the policy of ‘doing everything that the Government can possibly do,’ and towards building a new Japan that is a ‘tourism-oriented developed nation,’ I am determined that the Government will stand at the forefront and always proactively make the first move to take all possible measures to achieve our goals,” sabi ng lider.

Base sa datos ng Japan National Tourism Organization (JNTO), umabot sa 19,737,400 ang kabuuang bilang ng mga turistang bumisita sa Japan noong 2015 kung saan 268,300 ang mga Pilipino.

Patuloy sa pagtaas ang bilang ng mga dayuhang turista na bumibisita sa bansa dahil sa pagluluwag sa pagkuha ng visa, mababang palitan ng yen at pagdami ng international flights sa mga paliparan.

Huwebes, Hulyo 9, 2015

Mga Pinoy pangalawa sa pinakamaraming nabigyan ng Japanese visa

Ni Florenda Corpuz

Kuha mula sa MOFA
Pangalawa ang mga Pilipino sa pinakamataas na bilang ng mga dayuhan na nabigyan ng Japanese visa noong 2014, ito ang pahayag ng Ministry of Foreign Affairs (MOFA) kamakailan.

Ayon sa ulat na inilabas ng MOFA, umabot sa 163,386 ang mga Pilipinong nabigyan ng Japanese visa noong nakaraang taon na katumbas ng anim na porsyento ng kabuuang total.

Umabot sa 2,871,639 ang mga Japanese visa na naibigay sa mga dayuhan mula Enero hanggang Disyembre, mas mataas ng 54% mula sa 1,864,425 noong 2013.

Bukod sa mga Pilipino, kasama rin sa top 10 ang mga Chinese na umokupa ng unang pwesto kung saan 2,048,106 ang nabigyan ng Japanese visa o 71% ng kabuuang total. Pangatlo ang mga Indonesian na may 141,321 o limang porsyento, pang-apat ang mga Vietnamese na umabot sa 96,648 o tatlong porsyento.

Panglima naman ang mga Indian na umabot sa 66,696 o dalawang porsyento, pang-anim ang mga Russian sa 57,606 o dalawang porsyento, pampito ang mga Brazilian sa 34,217 o isang porsyento, pang-walo ang mga Thai sa 21,322 o isang porsyento, pang-siyam ang mga Amerikano na may 19,017 o isang porsyento at pang-sampu ang mga Korean na may 18,861 o isang porsyento. Habang ang ibang nasyonalidad ay umabot naman sa 204,459 o pitong porsyento.

“With the weakening yen, the expansion of the consumption tax exemption program and other factors, the number of visitors exceeded 13,410,000. Along with this, the total number of visas issued marked a record high,” ito ang pahayag ng Japan National Tourism Organization (JNTO).

Matatandaang inaprubahan ng pamahalaang Hapon ang pagpapatupad sa mas pinaluwag na pagkuha ng multiple-entry visa at single-entry tourism visa ng mga Pilipinong turista patungong Japan simula noong nakaraang taon.

Miyerkules, Setyembre 3, 2014

Bilang ng turista sa Japan, tumaas – JNTO


Ni Florenda Corpuz

TOKYO, Japan – Masayang ibinalita ng Japan National Tourism Organization (JNTO) na tumaas ang bilang ng mga dayuhang turista na bumisita sa bansa sa unang anim na buwan ng taon dahil sa pagluluwag sa pagkuha ng visa, mababang palitan ng yen at pagdami ng international flights sa Haneda Airport.

Batay sa ulat ng JNTO, umabot sa 6.26 milyon ang bilang ng mga dayuhang turista na bumisita sa bansa mula Enero hanggang Hunyo ng 2014, mas mataas ng 26.4% kumpara noong nakaraang taon.

Inokupa ng mga Taiwanese ang unang pwesto sa pinakamaraming bilang ng mga foreign tourist arrivals na umabot sa 1.39 milyon, mas mataas ng 35.1% kaysa noong 2013. Sumunod sa ikalawang pwesto ang mga South Koreans, na dati’y nasa unang pwesto, na umabot sa 1.27 milyon, mas mababa ng 3.3%. Nasa ikatlong pwesto naman ang mga Chinese na umabot sa 1 milyon, mas mataas ng 88.2%.

Nagtala rin ng paglobo ang bilang ng mga turista mula sa Southeast Asian countries tulad ng Thailand at Malaysia na nabigyan ng visa-free entry sa bansa noong nakaraang taon. Sumipa sa 330,00 ang bilang ng mga Thais, mas mataas ng 63.8% habang nagtala naman ng 62.5% pagtaas ang mga Malaysians sa 110,000.

Positibo rin ang naitalang bilang ng mga turista mula sa Pilipinas, Indonesia at Vietnam na inisyuhan ng multiple-entry visa na balido hanggang tatlong taon para sa short-term stay.

Inaasahan ng JNTO na papalo sa 12 milyon ang bilang ng mga foreign tourist arrivals sa bansa sa pagtatapos ng taon.

Samantala, naglabas ng bagong patakaran ang Ministry of Foreign Affairs (MOFA) noong Hunyo sa pagluluwag ng pamahalaang Hapon sa requirements sa pagkuha ng multiple-entry at single-entry tourism visas ng mga turista mula sa Pilipinas, Indonesia at Vietnam na nais bumisita sa bansa. Habang, naisyuhan naman ng multiple-entry visa ang mga turista mula sa India. Isinasaayos pa ang simula ng aplikasyon para rito.

Layon ng pamahalaang Hapon na ipakilala bilang tourism-oriented country ang bansa at makaakit ng 20 milyon dayuhang turista kada taon bago ang 2020 Tokyo Olympics.