Patuloy na nagpapakilig ang
tambalang Enrique Gil at Liza Soberano o kilala rin sa tawag na LizQuen sa
primetime series ng ABS-CBN na “Forevermore.” Ginagampanan ni Enrique Gil ang
karakter ni Alexander “Xander” Grande III na rebeldeng anak ng mayamang pamilya
na nagmamay-ari ng Grande Hotel. Nagkagusto siya sa isang strawberry farm girl
na si Agnes Calay na ginagampanan naman ni Liza.
Maituturing na isang tagumpay na
eksperimento ang ginawang pagtatambal sa dalawang young stars. Hindi inaasahan
nina Enrique at Liza ang mainit na pagtangkilik ng publiko sa tambalan nila.
Bagaman nag-umpisa silang hindi magkakilala at may pagka-ilang sa kanilang
unang tambalan, mabuting magkaibigan na ang dalawa sa kasalukuyan.
Bago mabuo ang tambalan
Bago ipinarehas si Enrique kay Liza,
nakilala na ito sa kanyang mga ginampanang karakter sa telebisyon sa
teleseryeng “Mula Sa Puso,” “Budoy,” “Muling Buksan Ang Puso,” “Mirabella,” “Princess
& I” at sa pelikulang Way Back Home,” “The Reunion,” “The Strangers” at
“She’s the One.” Nakuha ni Enrique ang kanyang unang TV role sa action-drama
series na “Pieta.”
Ayon sa actor-dancer,
pinaka-memorable project niya ang “Princess & I,” kung saan gumanap siya
bilang si Dasho Jao. Dagdag pa nito, nakatulong sa kanya ang karanasan niya sa
naturang teleserye para sa mga proyekto pang darating. Unang inilunsad si
Enrique bilang bahagi ng Star Circle Batch 16.
Mas baguhan naman sa industriya si
Liza na unang nakilala bilang modelo sa mga print at TV ads. Ipinanganak sa
California ang dalaga kung kaya’t hindi ito marunong mag-Tagalog noon ngunit
hinakayat siyang pag-aralan ang lengguwahe ng kanyang talent manager na si Ogie
Diaz. Bago naging bahagi ng Star Magic 2013, nauna na itong nakapirma sa GMA
Artist Center ngunit kalaunan ay nagdesisyong tanggapin ang alok ng Star Magic.
Lumabas na rin siya sa teleseryeng “Got to Believe” at “Kung Ako’y Iiwan Mo” at
pelikulang “Must Be… Love” at “She’s the One.”
Espesyal na pagtitinginan
Inamin naman kamakailan ni Enrique
na itinuturing niyang malapit na kaibigan ang dalaga ngunit hindi rin naman
nito ikinaila ang posibilidad ng pagiging totohanan ng kanilang loveteam.
Dagdag pa ng aktor, marami silang pagkakaparehas ni Liza kaya’t mabilis silang
naging malapit sa isa’t isa. Ipinaalam na rin ng aktor ang kanyang espesyal na
pagtingin kay Liza.
Unang impresyon naman ni Liza kay
Enrique ay may pagka-playboy ito ngunit kalaunan ay natuklasan ng dalaga na isa
palang family-oriented na tao ang kapareha. Aniya, isang mabuting kaibigan si
Enrique na napagsasabihan niya ng problema at tumutulong sa kanya.
Bagaman hindi pa pinapayagang magka-boyfriend
ang dalaga, sinigurado naman ni Enrique ang kanilang pagkakaibigan pagkatapos ng
kanilang serye. Bukas naman ang dalaga sa posibilidad na maging sila ni
Enrique. Dagdag pa nito, hindi mahirap magustuhan si Enrique ngunit sa ngayon
ay doon muna sila sa kani-kanilang mga prayoridad.
Sa patuloy na tagumpay ng
Forevermore, magsasamang muli ang LizQuen sa isa namang pelikula na adaptation
ng Wattpad book na “The Bet.” Gagampanan ni Enrique si Drake na liligawan si
Sophia na gagampanan ni Liza dahil sa isang betting game sa kanyang kaibigan at
kapag nagtagumpay siyang mapaibig ang dalaga ay kailangan na nitong sabihin na
hindi totoo ang lahat.
Umeere ang Forevemore gabi-gabi sa
ABS-CBN Primetime Bida pagkatapos ng “Dream Dad.” Tampok din sa serye sina
Zoren Legaspi, Lilet, Joey Marquez, Irma Adlawan, Marissa Delgado, Almira
Muhlach, Michael Flores, Bernadette Allyson, Sofia Andres, Diego Loyzaga, Yves
Flores, Kit Thompson at marami pang iba.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento