Lunes, Abril 13, 2015

Asahiwaka: Isang Mukha ng Hokkaido

Ni Herlyn Alegre


Asahikawa Zoo. (Kuha mula sa Wikipedia)
Tuwing mababanggit ang Hokkaido, unang maiisip ang lungsod ng Sapporo – ang pinakamalaking lungsod dito kung saan nagaganap ang taunang snow festival tuwing Pebrero. Karaniwang kaugnay ng Hokkdaido ang imahe ng makakapal na nyebe at napakalamig na temperatura na hindi kadalasang nararanasan sa Tokyo. Pero bukod sa Sapporo ay mayroon pang ibang magagandang lugar sa Hokkaido na maaaring subukang puntahan ng mga dadalaw dito.

Isa rito ang Asahikawa, ang pangalawang pinakamalaking lungsod sa isla. Mayroong mga budget airlines na lumalapag diretso mismo sa Asahikawa Airport. Maaari rin na lumapag sa New Chitose Airport (Sapporo) at mag-train mula rito papuntang Asahikawa.

Mayroong diretsong train hanggang Asahikawa na nagkakahalaga ng kulang-kulang ¥5,000 depende kung reserved or non-reserved seat. Makakakuha ng discount kung bibili ng apat na ticket. Tatagal ng dalawang oras ang biyaheng ito pero dahil maganda ang tanawin sa bintana at komportable ang upuan, halos hindi mamamalayan ang haba nito.

Pinagmulan ng Pangalan
           
Tinatawag ng mga Ainu o ang mga katutubo ng Japan ang Chubetsu River, ang ilog na dumadaloy sa Asahikawa mula silangan hanggang kanluran, na “Chiu Pet” na ang ibig sabihin ay “river of waves” pero inakala ng mga bagong dating sa isla na ang ibig sabihin nila ay “chu pet” o “river of the sun.” Dahil dito nabuo ang pangalang “Asahikawa” na nagmula sa pinagsamang mga salita na asahi (sikat ng araw) at kawa (ilog).

Asahikawa Winter Festival

Kung mayroon ang Sapporo, hindi magpapahuli ang Asahikawa. Mayroon din itong taunang snow festival na ginaganap din sa loob ng isang linggo tuwing Pebrero. Sa panahong ito ay nagtatayo sila ng malalaking ice sculptures sa Asahibashi at Heiwa Dori. Dahil karaniwang magkalapit ang araw ng festival dito at ng sa Hokkaido, posible na mapuntahan ng mga turista ang parehong festival.

Kung malalaking ice sculptures ang hanap mo, sa Asahibashi ito matatagpuan. Taun-taon ay iba’t iba ang tema ng kanilang mga masterpiece. Nakapasok sa Guiness World Record ang ginawa nilang Korean Fortress noong 1994. Mayroon din na iba’t ibang activities na pwedeng gawin ang pamilya dito tulad ng sleigh rides na hinihila ng kabayo at mga slides na gawa sa yelo. Sa Heiwa Dori naman matatagpuan ang halos 50 ice sculptures taun-taon na kasali sa isang kumpetisyon. Kung susuwertihin, maaabutan ang mga iskultor dito na ginagawa ang kanilang masterpiece.

Mga Pasyalan

Ang kadalasang maiisip na gawin sa Hokkaido ay ang mag-ski pero marami pang maaaring gawin at puntahan dito tulad ng sumusunod:

  • Asahikawa Zoo – Isa ito sa mga pinakakilalang zoo sa buong Japan na dinarayo ng milyun-milyong turista bawat taon. Noong 2007 lamang, umabot sa tatlong milyong tao ang bumisita sa zoo. Napakalaki nito kung ikukumpara sa populasyon ng Asahikawa na 360,000. Mayroon 800 hayop sa zoo na binubuo ng mga polar bear, penguin at seal.
  • Asahikawa Ramen Village – matatagpuan sa lugar na ito ang walong kainan na may kanya-kanyang klase ng ramen na patok sa iba’t ibang panlasa. Para sa mga hindi pamilyar sa ramen at mga turistang hindi makabasa ng “kanji,” mayroon silang inihanda na mga larawan ng ramen sa labas ng tindahan para madaling makapamili ang mga kakain dito. Pinakamaiging mag-taxi kung pupunta sa lugar na ito dahil nasa Nagayama ito na medyo malayo sa sentro ng Asahikawa.
  • Onsen – Hindi mahirap hanapin ang mga nagkalat na onsen sa paligid ng Asahikawa. Hindi lamang ito nakaka-relax, mabuti rin ito sa katawan dahil sa mga natural minerals na mayroon ang tubig nito.
    • Tatsuno Yu – matatagpuan ang onsen na ito sa Higashi Asahikawa. Mamula-mula ang tubig sa onsen na ito dahil mayaman ito sa iron.
    • Kyowa Onsen – matatagpuan tio sa Aibetsu-cho o mas kilala bilang “mushroom town.” Pagkatapos magbabad sa mainit na tubig ng onsen, maaaring subukan ang iba’t ibang putahe na gawa sa mushroom. Mayroon silang espesyal na full course meal na gawa lamang sa iba’t ibang klase ng mushroom.
    • Youyu Pippu – matatagpuan ang onsen na ito sa paanan ng Pippu Ski Hill. Kung nais ninyo rin mag-ski mainam na rito na mamalagi dahil mayroon ding hotel at restaurant ang onsen na ito. Hindi lamang magandang pumunta rito pag winter dahil sa ski, pero mainam din sa summer dahil mayroong malapit na golf course dito.

Produktong Kahoy

Dahil mayaman ang mga kagubatan ng Asahikawa sa matitibay na oak, ang paggawa ng mga produktong kahoy ang isa sa mga pangunahing ipinagmamalaki ng Asahikawa. Mainam ang mainit at malamig na panahon nito sa pag-preserve ng magagandang uri ng kahoy. Maraming kahoy ang dinadala pa rito mula sa ibang bansa para lang i-preserve.
           
Kilalang pang-export ang mga produkto ng Asahikawa. Maraming malalaking kumpanya ang nagma-mass produce ng iba’t ibang produktong kahoy mula sa maliliit na gamit sa bahay tulad ng mga plato at baso hanggang sa malalaking muwebles tulad ng lamesa, couch, cupboard at cabinet. Mayroon ding maliliit na mga specialty shops na gumagawa ng mga souvenir tulad ng mga card case, tissue holder at wine stands.

‘Imbisibol’ sa Asahikawa

Kamakailan lamang ay nag-shoot ng pelikula ang grupo ni Lawrence Fajardo, isang multi-awarded Filipino filmmaker sa iba’t ibang lugar sa Asahikawa tulad ng Asahidake. Ang “Imbisibol” ay tungkol sa buhay ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa Japan. Ang pelikula ay bahagi ng Sinag Maynila, isang bagong independent film festival na inorganisa ng kilalang filmmaker na si Brillante Mendoza sa pakikipagtulungan sa Solar Entertainment Inc. Ang “Imbisibol” ay inihahandog ng Center Stage Productions at Pelikulaw sa tulong ng Fukuoka City, Fukuoka Film Commission, Japan Foundation Asia Center, CHINZEI-Kyushu Creative Network, Fukuoka Independent Film Festival, Snowbugs LTD at Likhang Silangan Entertainment. Ipapalabas ito sa mga piling SM Cinemas sa Maynila sa Marso 18-25.




Walang komento:

Mag-post ng isang Komento