Lunes, Abril 13, 2015

Tottori airport, pormal nang ipinangalan kay Detective Conan

Ni Florenda Corpuz

Tottori, Japan – Pormal nang idineklara ni Gov. Shinji Hirai ang Tottori Airport bilang Tottori Sand Dunes Conan Airport sa isang renewal opening ceremony na ginanap noong Marso 1.

Kasabay nang muling pagbubukas ng paliparan ang pagdating ng isang chartered flight mula Shanghai, China kung saan ang mga pasaherong turista ay mainit na tinanggap at binati ng gobernador at mga kasama nito.

Ang paliparan ay ipinangalan sa pangunahing karakter ng sikat na manga at anime series na “Detective Conan-Case Closed” na likha ni Gosho Aoyama na isinilang at lumaki sa lugar.

Bago ang seremonya ay nagbigay ng panayam ang gobernador sa mga miyembro ng foreign press kung saan sinabi nito na ang pagdalo ng mga ito sa pagtitipon ay simula ng global attention ng mga tao sa Tottori Sand Dunes Conan Airport.

Ang Tottori Prefecture na kilala rin sa tawag na “Manga Kingdom” ay tahanan ng ilan sa mga pinakasikat na manga artists tulad nina Aoyama, Shigeru Mizuki at Jiro Taniguchi kaya naman ginagamit ito ng lokal na pamahalaan upang makaakit ng mas maraming turista.

Dinaluhan ng humigit-kumulang 200 bisita ang seremonya kung saan ang pinakatampok ay ang 18-metrong haba at 8-metrong lapad na 3D trick art ni Detective Conan na nakasakay sa camel sa Tottori Sand Dunes, isa sa pinakasikat na sand hills sa Japan at pangunahing atraksyon din ng lugar.

Nagpahayag naman ng kagalakan si Aoyama sa pamamagitan ng isang video message. “I hope many visitors from around the world will visit Tottori Prefecture through the airport and the prefecture will be energized.”

Bukod sa 3D trick art na matatagpuan sa ground floor ng paliparan ay may 21 spots din dito kung saan makikita ang mga larawan at mga dekorasyon ng mga bida ng “Detective Conan” series.

 “Worldly-popular Conan became the symbol of this airport. I wish people from all over the world will visit here,” ani Hirai.

Bukod sa Tottori Sand Dunes Conan Airport ay may isa pang paliparan sa lugar ang ipinangalan sa karakter ng sikat na manga at anime na “Gegege no Kitaro” na gawa ni Mizuki, ito ang Yonago Kitaro Airport sa Sakaiminato City.      

Ipinagmamalaki rin na atraksyon ng Tottori Prefecture ang Gosho Aoyama Manga Factory.

                       

           
           

           


            

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento