Martes, Setyembre 1, 2015

Pacquiao, dismayado sa pagkabigo ng Pilipinas na mapiling host ng 2019 FIBA World Cup

Ni Florenda Corpuz
Yao Ming at Manny Pacquiao
(Kuha ni Florenda Corpuz)

Tokyop, Japan – Dismayado si eight-division Filipino boxing champion Manny Pacquiao sa pagkabigo ng Pilipinas na mapili bilang host country ng 2019 FIBA World Cup.

Sa host announcement ceremony na ginanap sa Tokyo Prince Park Tower Hotel noong Agosto 7, idineklara ni FIBA President Horacio Muratore ang desisyon ng FIBA Central Board na gawin sa China ang pinakamalaking basketball tournament sa buong mundo sa botong 14-7.

Pinangunahan ni Pacquiao ang delegasyon ng Pilipinas na kumumbinsi sa FIBA Central Board habang ang dating NBA Houston Rockets center na si Yao Ming naman ang nanguna sa delegasyon ng China.

“Nakakalungkot, but we did our best. Hindi pa para sa atin. Next time. Ibibigay ito ng Diyos sa Pilipinas sa tamang panahon,” pahayag ng pambansang kamao at KIA player-coach ng PBA sa panayam ng Pinoy Gazette.

Tagos sa puso ang naging presentasyon ng Pilipinas na sumentro sa pagmamahal ng bansa at mga Pilipino sa larong basketball. Ipinagmalaki rin ang pagiging social media capital ng bansa na pinatunayan ng pag-trend worldwide ng campaign hashtag na #PUSO2019 bago pa man magsimula ang final pitch.

Kabilang din sa delegasyon ng Pilipinas sina Samahang Basketbol ng Pilipinas President Manuel V. Pangilinan, Hollywood Fil-Am actor Lou Diamond Phillips, dating Gilas Pilipinas captain Jimmy Alapag at dating coach Chot Reyes na pare-parehong nagpahayag ng pagkalungkot sa naging desisyon ng FIBA Central Board.

“We gave our best shot,” malungkot na pahayag ni MVP na sinabing magpapahinga muna sila matapos ang mahabang preparasyon na kanilang ginawa para rito.


Ito ang unang pagkakataon na magiging host ang China ng FIBA World Cup na naging host ng FIBA World Championship for Women noong 2002. Binida ng delegasyon ang kakayahan ng kanilang bansa na mag-host ng malalaking international sporting events kabilang ang 2008 Beijing Olympics pati na rin ang malaking populasyon nito na aabot sa halos 1.4 bilyon katao at malaking merkado nito.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento