Huwebes, Setyembre 3, 2015

Tom Cruise, balik-Japan para sa kanyang bagong ‘Mission’

Ni Florenda Corpuz


    Dumalo sa Japanese premiere ng “Mission: Impossible – Rogue Nation” 
    ang bidang aktor na si Cruise at direktor na si McQuarrie. (Kuha ni Din Eugenio)

Balik-Japan ang premyadong Hollywood actor na si Tom Cruise para sa promosyon ng kanyang bagong pelikula na “Mission: Impossible – Rogue Nation.”

Lumapag sa Haneda Airport kamakailan ang eroplanong sinasakyan ni Cruise at mga kasama kung saan humigit-kumulang 700 Japanese fans ang matiyagang naghintay at sumalubong sa kanya.

Sinimulan ng 53-taong gulang na aktor na muling gumanap sa papel ng IMF agent na si Ethan Hunt ang press tour ng ikalimang installment ng “Mission” franchise sa pamamagitan ng pagdalo sa isang press conference na ginanap sa Peninsula Hotel Ballroom noong Agosto 2.

“Thank you very much again for having me. I’m very honored to be here today, and I’ll always come and visit your extraordinary country. It’s kind of amazing that I’m here in Japan,” bati ni Cruise sa Japanese press.

Kasama ang direktor na si Christopher McQuarrie, magiliw na nagkwento at sinagot ng dalawa ang mga katanungang ibinato sa kanila.

“’Mission’ allows me to have a series that I can go to work in different countries. I feel privileged to be able to do it,” pagbabahagi ng magaling na aktor na tinaguriang Japan’s most beloved Hollywood superstar.

Dumalo rin ang dalawa kasama ang producer na si Bryan Burk sa premiere ng kanilang pelikula na ginanap sa Shinjuku Toho Building noong Agosto 3.

Suot ang itim na maong pants at itim na polo shirt ay hindi binigo ni Cruise ang kanyang mga fans na nagtiis sa ilalim ng init ng araw masilayan lamang ang kanilang idolo. Dalawang oras na nagpaunlak ng TV interview at lumagda ng autographs at nagpakuha ng litrato ang aktor sa red carpet na hindi rin inalintana ang sobrang init ng panahon.

Matapos ang kanyang red carpet appearance ay sumampa sa entablado sina Cruise at McQuarrie kasama ang Japanese guitarist na si Miyavi na nagtanghal ng MI5 theme sa premiere.

“Thank you so much to all of you for coming out in this heat. It is always such a privilege to be here in Japan. I think you want to know what you’re gonna see in ‘Mission.’ Well, you’re gonna see great drama, some things that are impossible to pull off, some wonderful characters, some dangerous action, edge of your seat suspense and a lot of humor. This is a summer popcorn movie! So if you wanna have fun, this is the movie you’re gonna go see,” masayang pahayag ni Cruise na 21 beses nang bumisita sa bansa.

Kasama rin ni Cruise sa “Mission: Impossible – Rogue Nation” sina Alec Baldwin, Jeremy Renner, Simon Pegg, Ving Rhames at Rebecca Ferguson. Ito ay ipinalabas sa Japan noong Agosto 7 mula sa Paramount Pictures at Skydance Productions.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento