Miyerkules, Mayo 7, 2014

PHL entry na ‘Shift’ wagi ng Grand Prix award

Ni Florenda Corpuz


Kuha mula sa OAFF
OSAKA, Japan – Nasungkit ng pelikulang “Shift” ang top prize sa 9th Osaka Asian Film Festival na ginanap sa Umeda, Kita-ku, Osaka kamakailan. 

Itinanghal na Best Picture (Grand Prix Award) ang “Shift” na dinirehe ni Siege Ledesma at pinagbidahan nina Yeng Constantino at Felix Roco.

“Wow, our indie film Shift won Best Picture at Osaka Film Fest! Thank you, Lord! So happy for my Shift family,” masayang pahayag ni Yeng.

Ito ang kauna-unahang big-screen project ng magaling na mang-aawit na kamakailan lamang ay nag-anunsyo ng kanyang engagement sa boyfriend na si Yan Asuncion.

“Congrats to the whole team,” matipid na saad naman ni Felix.

Tinalo ng “Shift” ang 10 entries mula sa mga bansang Indonesia, Hong Kong, Korea, Thailand, Malaysia at Taiwan.

Ginampanan ni Yeng ang papel ni Estela, isang call center na mayroong “unconventional relationship” sa kanyang gay mentor na si Trevor na ginampanan naman ni Felix.

Nakatanggap ng ¥500,000 bilang premyo ang mga bumubuo ng pelikulang “Shift.”

Samantala, binigyan din ng Special Mention prize ang pelikulang “Anita’s Last Cha-Cha” na dinirehe naman ni Sigrid Andrea Bernardo at pinagbidahan nina Teri Malvar, Angel Aquino, Marcus Madrigal, Lenlen Frial at Solomon De Guzman. Ito ay tungkol sa kwento ng isang 12-taong-gulang na si Anita na ginampanan ni Teri Malvar na nagkagusto sa isang babaeng mas matanda kaysa sa kanya na si Pilar na ginampanan naman ni Angel Aquino.

Isa ang komedyana at aktres na si Eugene Domingo sa mga jury members na kinabibilangan din nina Tom Shu-yu Lin ng Taiwan at Yang Lina ng China.

“While all of us on the jury agree that this year the Korean films and the films from The Philippines are the ones that impressed us the most, the hard work all of you filmmakers did made our jobs watching so many movies in such short amount of time a whole lot easier,” pahayag ni Domingo.

“This year, we merit a film for its simplicity, honesty and its integrity for pushing boundaries,” dagdag pa ni Domingo.

Ilan pa sa naparangalan ay sina Ha Jung Woo (Most Promising Talent Award), Carina Lau ( Best Actress Award, “Bends”), Kitamura Toyoharu, Shiao Li-shiou (ABC Award, “Forever Love”), at Umin Boya (Audience Award, “Kano).




Walang komento:

Mag-post ng isang Komento