Huwebes, Mayo 8, 2014

Kobe’s ‘Love Lock’ bridge


Ni Florenda Corpuz


Kuha ni Din Eugenio
Matatagpuan sa pagitan ng Rokko mountain range at dagat, isa ang Kobe na kapital ng Hyogo Prefecture sa pinakamalaking siyudad sa buong Japan. Popular ang lugar hindi lamang dahil sa napakasarap na beef kundi dahil na rin sa ito ay isa sa pinakamagandang lugar sa bansa kung saan iba’t ibang atraksyon ang pwedeng pasyalan tulad ng romantikong Venus Bridge.

Ang Venus Bridge ay matatagpuan sa hilagang dulo ng bayan ng Motomachi. Mula rito ay matatanaw ang natatanging scenic view ng Kobe. Ito ay popular na puntahan ng mga magsing-irog dahil sa “Love Lock Monument” na matatagpuan dito.

May siyentipikong pinagmulan ang pangalang Venus Bridge. Sa lugar na ito inobserbahan ng mga French astronomers noong Meiji Era ang planetang Venus kaya naisipang ipangalan ang planeta sa tulay.

Sa Love Lock Monument ay makikita ang mga nakalinya at nakasabit na padlocks na ikinakabit ng mga magsing-irog na nagtutungo sa lugar. Dito ay naka-engraved o nakasulat ang kanilang mga pangalan o initials at petsa kung kailan sila nagtungo sa lugar gamit ang permanent pen. Inihahagis nila ang mga susi ng padlock sa malayong lugar.

Pinaniniwalaan ng mga magsing-irog na nagtutungo sa lugar na tutuparin ni Venus, ang Roman goddess of love and beauty, ang kahilingan nila matapos magsumpaan ng walang hanggang pagmamahalan at pag-iibigan.

Nagsimula ang popularidad ng mga love locks noong taong 2000 sa ilang lugar sa Europa tulad ng Paris at Rome. Dumami pa ang lokasyon nito at dumagdag sa listahan ang London, Seoul at Budapest.


Sa Japan, bukod sa Venus Bridge sa Kobe, may matatagpuan din na love lock monument sa Enoshima Island at Nihonkai Fisherman's Cape.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento