Ni Herlyn Alegre
Kung mapapadaan ka sa Nagatacho District sa Chiyoda City, agaw
pansin ang isang malaking gusali na may kakaibang arkitektura – hindi kasi ito tradisyonal
na Hapon. Kapansin-pansin ang malaking impluwensiyang banyaga sa istilo ng
pagkakagawa nito, may mataas na tower, makakapal at matitibay na bato na parang
hindi kayang yanigin ng kahit anong lindol, napapaligiran ito ng malalaking
puno at malalapad na daan, at may estatwa ni Ito Hirobumi, ang unang Prime
Minister ng Japan, na bumabati sa harapan. Ito ang National Diet ng Japan –
maituturing na pinakamakapangyarihang institusyong pang-gobyerno ng bansa.
Ang dalawang sangay
ng National Diet
Sa Pilipinas, ang Congress ay binubuo ng mataas at mababang
kapulungan. Ang Senate ay may 24 miyembro na may terminong anim at tatlong taon
(depende sa taon ng pagkakahalal) at ang House of Representatives ay may 289 miyembro
na may terminong tatlong taon. Ang Congress ay tumutukoy sa dalawang kapulungan,
pero sa Pilipinas, mas karaniwang ginagamit ang salitang “congress” para
tukuyin ang House of Representatives.
Ang National Diet ang katumbas ng Congress of the
Philippines. Dito sa Japan, binubuo ito ng House of Councillors (katumbas ng
Senate) na mayroong 242 miyembro na may terminong anim at tatlong taon at ang
House of Representatives na may 480 miyembro na may terminong apat na taon. May
kapangyarihan itong gumawa at magpasa ng batas, magtakda ng national budget,
magpatibay ng mga kasunduan sa ibang bansa, pumili ng Prime Minister at
mag-revise ng Saligang Batas.
Hindi lamang mahalaga ang gusaling ito sa Japan dahil sentro
ito ng pagpapatakbo ng bansa. Itinuturing din ito na isang architectural masterpiece,
isang work of art! Ginamit sa pagtatayo nito ang pinakamagaganda at
pinakamatitibay na materyales. Halos lahat ng materyales dito ay mula sa Japan,
tulad ng mga perlas mula sa Okinawa at marble mula sa Shizuoka. Ang tanging
inangkat lamang mula sa ibang bansa ay ang mga ginamit na salamin dito.
Ang pagtatatag
Sinimulang gawin ang gusaling ito noong Enero 1920 at
natapos lamang makalipas ang 17 taon. Dalawang taon bago nagsimula ang
pagtatatag nito, nagkaroon ng isang malawakang kumpetisyon para sa magiging
disensyo ng gusaling itatayo. Ang kanang bahagi nito ay inookupahan ng House of
Councillors at ang kaliwang bahagi naman ay sa House of Representatives. Ang
buong compound ay may sukat na 103,001 square meters samantalang ang building
naman ay may floor area na 53,466 square meters.
Isang silip sa loob
ng National Diet building
Dahil sa kakaibang arkitektura nito, isang magandang pasyalan
din ang National Diet. Sa lobby ng House of Councillors, makikita ang iba’t ibang
makasaysayang bagay na ginamit sa mga sesyon noon tulad ng lumang listahan ng
mga dating miyembro at kopya ng imperial decree, mga apparatus na ginamit para
sa pagboto, ang trono ng emperador na ginamit noong 1868-1912 at mga replica ng
mga upuan ng mga miyembro ng kapulungan. Kung makakapamasyal sa loob ng gusali,
ito ang ilan sa mga magagandang makikita
sa loob:
Central Entrance. Ang
bronze na pinto sa central entrance ng gusali ay binubuksan lamang para sa
emperador ng Japan kung siya ay dadalo sa opening ceremony ng Diet. Binubuksan
din ito para sa mga mahahalagang bisita mula sa ibang bansa at para sa mga
bagong halal na miyembro ng kapulungan sa unang araw ng sesyon. Sa may Member’s
Entrance naman matatagpuan ang attendance board na siyang pinipindot ng mga miyembro
para itala ang kanilang pagdalo sa sesyon.
Central Hall. Sa
gitna ng gusali matatagpuan ang Central Hall. Mayroon tatlong bronze statue na
matatagpuan dito – sina Ito Hirobumi, Okuma Shigenobu at Itagaki Taisuke. Nagkaroon
sila ng mahalagang kontribusyon sa pagtatatag ng parliamentary system ng Japan.
Ang ikaapat na pedestal ay bakante bilang simbolo na mayroon pang mga mabubuting
tagapaglingkod sa bayan ang darating sa hinaharap.
Chamber of the House
of Councillors. Dito ginaganap ang mga plenary session ng House of
Councillors. Sa gitna nito matatagpuan ang podium, sa taas nito ay ang upuan ng
president ng House of Councillors na nakaharap sa 460 upuan ng mga miyembro na
nakapwesto sa isang semi-circle. Sa likod nito nakapwesto ang trono ng eperador
kung saan siya umuupo kapag dumadalo sa opening ceremony ng sesyon. Mayroong
dalawang row ng upuan sa kaliwa at kanang bahagi nito. Ang unang row ay para sa
mga Ministers of State at ang unang upuan ay nakalaan para sa Prime Minister.
Ang pangalawang row naman ay para sa mga staff ng House of Councillors. Mayroon
ding public gallery kung saan maaaring manood ang mga ordinaryong mamamayan
kung gusto nilang live na masundan ang mga nagaganap sa loob ng plenary.
Emperor’s Room. Ito
ang isa sa pinakamaganda at pinakaespesyal na kwarto sa loob ng gusali. Gawa ito
sa pinakamahal at pinaka-grandiyosong materyal sa buong Japan – may perlas,
ginto, carpet at silk. Mayroong kahoy na lamesa at isang pulang upuan sa gitna
nito. Dito naghihintay ang emperador tuwing dadalo siya sa opening ceremony ng National
Diet. Dito niya rin tinatanggap at kinakausap ang president at bise-presidente
ng House of Councillors at ang speaker at vice-speaker ng House of
Represetnatives.
Hindi lamang isang pang-gobyernong institusyon ang National
Diet, mayaman din ito sa kasaysayan at pambihirang arkitektura. Sulit din ang
pagpunta dito dahil hindi lang nakakamangha ang ganda ng lugar, marami pang mga
bagong bagay ang matututunan.
Bukas sa mga bisita ang gusali mula Lunes hanggang Biyernes,
alas-otso ng umaga hanggang alas-singko ng hapon. Maaari ring sumali sa libreng
guided tour sa loob ng gusali. Mayroon ding nabibiling mga souvenir tulad ng
mga notebooks, keychains, folders, calendars at espesyal na biskwit na may
mukha ni Prime Minister Shinzo Abe.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento