Martes, Mayo 13, 2014

Pinoy Music Summit 2014: Isang Pagtataguyod sa OPM


Ginanap kamakailan ang kauna-unahang Pinoy Music Summit 2014: “Basta Pinoy, Push Mo Yan!” sa pangunguna ng ilang malalaking personalidad sa industriya ng musika na naglalayon na maitaguyod ang Original Pinoy Music (OPM).

Buong araw idinaos ang naturang summit sa Landbank building sa Malate, Manila na dinaluhan ng ilan sa mga bumubuo ng industriya ng musika gaya ng mga mang-aawit, composers, producers, at maging ng ilang bloggers at media outfits.

Ilan sa tumayong convenors sa summit ay ang Filipino Society of Composers, Authors and Publishers, Inc. (FILSCAP), along with the Organisasyon ng Pilipinong Mang-aawit (OPM), Philippine Association of Recording Industry (PARI), Assosasyon ng Musikong Pilipino Foundation Inc. (AMP), Music Copyright Administrators of the Philippines (MCAP) and PHILPOP Foundation.

Layunin ng Pinoy Music Summit na ipaalam ang tunay na kalagayan ng industriya, ang mga suliraning kinakaharap nito, ipakita at ipagmalaki ang galing at talento ng mga Pilipino sa musika, at makagawa ng mga hakbang at makakuha ng rekomendasyon upang lalo pang mapaunlad ang paglaganap ng OPM.

Suportado ni Pangulong Aquino

Dumalo si Pangulong Benigno Aquino III sa music summit upang magbigay ng keynote speech na nagpapahayag ng kanyang pagsuporta sa industriya at sa mga magiging adbokasiya na resulta ng pagdaraos ng summit. Ani Aquino, mahalaga ang musika dahil kasangga natin ito sa anumang emosyong pinagdaraanan at makapangyarihan din ito dahil kaya nitong pagbuklurin ang isang lipunan.

“Kaya nitong maglahad ng simple o malalim na karanasan, anupamang wika o diyalekto; kaya nitong kumonekta—sa paraang hindi hiwalay ang manlilikha sa nakikinig—sa nadarama’t sentimyento ng indibidwal o grupo; kaya nitong ipagdugtong at ipagbuklod ang damdamin ng isang lipunan, o kahit pa ng buong mundo,” pahayag ni Aquino.

Binanggit din ni P-Noy ang mga pulisiya ng gobyerno na sumusuporta sa OPM. Isa na rito ang Executive Order 255 noong 1987 na mismong ang kanyang ina na si dating Pangulong Cory Aquino ang pumirma. Nakasaad ditto ang pagpapalaganap ng OPM sa pamamagitan ng pagpapatugtog sa radyo ng hindi bababa sa apat na kantang Pinoy.

Ipinapatupad din ang World Intellectual Property Organization Internet Treaties at patuloy pa rin ang Optical Media Board (OMB) sa pagsugpo sa pamimirata na simula 2011 hanggang 2013 ay nakakumpiska na ng mahigit sa siyam na milyong pirated optical media priducts na nagkakahalaga ng tatlong bilyong piso.
Sinabi rin ni Aquino na mahalaga rin ang makasunod at makisabay sa tinatawag na digital media at madaling maibigay ito sa publiko.

“So sa madaling salita ho, ‘yong mga nag-e-experience ng growth ngayon ay ‘yong mga nakinig kung ano ba ang hinahanap ng merkado nila–hindi pinahirapan, hindi pinadamot ang produkto nila na gustong ibenta naman.

“Sa kabila nito, mulat din tayo: Mag-iba man ang mga kasangkapan o paraan ng pakikinig sa tugtugin—mula plaka, casette tape, CD, DVD, hanggang sa online media—hindi kukupas ang pagmamahal ng Pilipino sa musika,” dagdag pa ng Pangulo.

Estado ng industriya

Nagsalita rin sa naturang summit ang isa sa mga magagaling na musikero sa bansa na si Ryan Cayabyab na siya rin Executive Director ng PHILPOP Foundation tungkol sa kalagayan ng industriya.

Ani Cayabyab, naging instrumento ng mga Pilipino ang musika bilang paraan ng kanilang pagpapahayag ng saloobin tulad ng kantang “Bayan Ko” na tungkol sa pang-aapi ng mga dayuhan sa mg Pilipino noon.

 Simula 1960s hanggang 2000 ay naging pataas ng pataas ang pag-unlad ng industriya maliban noong tumuntong na sa 2010. Aniya, pinakamgandang taon ang 1999 kung saan may pinakamataas na kita ang industriya na umabot sa Php2.1 bilyon; ‘di kagaya ng 2010 na umabot na lamang sa Php699 milyon.

“That represents a 75% drop in revenues for recording companies in one decade. This rapid decline in revenues is felt across the industry,” ani Cayabyab.

Bumaba na ang naging album production ng music labels dahil sa humina ang benta nito sa publiko. Ito umano ay resulta na rin ng mga online at digital media and equipment na nauuso na pati na rin ang malakas na kumpetisyon mula sa banyagang mang-aawit o grupo. Sa katunayan umano, noong 2013 66% ang royalty fees na ibinabayad sa mga banyagang kanta kumpara sa 34% sa OPM.

Naging paksa naman ng isa rin beteranong mang-aawit at kompositor na si Ogie Alcasid ang “Performers’ Equity Program. Ipinunto ni Alcasi, na siya rin OPM president, ang dami ng foreign acts na nagtatanghal sa bansa na nakakaapekto sa local artists. Kalimitan umano ay naagaw ng mga dayuhan ang suporta ng publiko para sa mga local artists.

Ilan pa sa naging speakers sa summit ay sina Senador Bam Aquino, Senador Teofisto Guingona III, Elements Lead Proponent Twinky Lagdameo,  Ateneo Professor Sarah Jane Domingo-Lipura, FILSCAP president Noel Cabangon, at PHILPOP Associate Executive Director Patricia Hizon.



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento