Martes, Mayo 6, 2014

Pagpupugay sa mga ina

Cesar V. Santoyo

Sa pagsapit ng ikalawang araw ng Linggo sa buwan ng Mayo, ang Mothers’ Day, ay dadagsain na naman ng mga pagbati at pagpapadama ng pagmamahal ang mga dakilang ina. Sa komersiyalisadong paggunita, para bang ang mahalaga ay ang may bibilihin na regalo para kay Ina. Bagamat ating nadarama ang kagalakan sa pag-sukli sa regalong buhay sa atin ni Inang mahal ay dapat din nating bigyan ng puwang ang pagpupugay para sa lahat ng mga Ina na may hawak ng kalahatian ng mga pamilya sa buong mundo.

Kung ang mga OFW ay tinagurian na mga “bagong bayani,” sa sektor na ito ay ating nakikita, nakakasalamuha, at nakakasama sa paglalakbay ang masasabing mga “bayani sa hanay ng mga bagong bayani” rito sa Japan. Ito ay ang mga kababayan natin na mga Ina ng mga batang Japanese-Filipino at mas lalo na ang mga single mothers na mas nababalot ng pasakit para sa pagtataguyod ng sariling pamilya sa Japan at sa Pilipinas.

Bukod-tangi ang kasaysayan at kultura ng Japan bilang “purong lahi” na isa sa mga pinagmumulan ng hindi pagkakaintindihan ng mga dayuhan at maging ng asawang Pilipina sa pakikitungo sa mga Japanese. Sa ating bayang sinilangan na may “lambingan sa pagmamahalan,” ang pagtalikod sa kinagisnang “lambing” para mamuhay sa asawang Japanese para itaguyod ang pamilyang Japanese-Filipino ay masasabing kabayanihan para sa mga nagsisilbing ilaw ng tahanan sa Japan.

Marami sa ating mga kababayan Pilipina na asawa ng Japanese ay ibinabahagi ang mga biyayang tinatanggap mula sa asawa at sa buong pamilyang Japanese-Filipino. May mga kababayan tayo na nagawang kuhanin ang loob at suporta ng mga asawang Japanese para lumahok sa paninilbihan sa ikabubuti ng mga kapwa-Pilipino sa Japan at sa Pilipinas.

Nariyan rin ang mga lider ng Filipino community na suportado ng mga asawang Japanese para sa aktibong paggawa ng mga proyekto at programa para sa kabutihan ng kapwa-kababayan maging sagipin man ang mga kababayan na nasa panganib at kagipitan. Isang huwarang Ina ng pamilyang Japanese-Filipino na masasabi ay sina Grace Nishimura at Maria Ethel, founders at mga tagapangulo ng Filipino Nagkakaisa-NPO ng Hamamatsu na nagbigay payo at handang tulong kahit anong oras tawagan.

Huwaran rin ang mga kagaya ni Aurora Dobashi, founding chairperson ng Filipino English Teachers in Japan o FETJ na halos ibuhos lahat ng libreng oras, kaagaw ng pag-aalaga sa biyenan na babae at oras para sa asawa,  para mabigyan ng pagsasanay ang mga kababayan na may mithiing maging English teacher na walang kabayaran. Sa mga Pilipinang Ina na ang kaanak at asawa ay nasa Pilipinas ay isang halimbawa ang pamumuhay ni Sampaguita Salazar, Tagapangulo ng FETJ, sa tamang pagbalanse ng abalang oras sa pagitan ng trabaho at paninilbihan sa mga non-profit na proyekto at programa ng FETJ at para sa pamilya sa Pilipinas.

Sa mga kasapi ng pamilyang Japanese-Filipino ay mayroon din na sinasabing “pinakabulnorable sa lahat” at ang mga ito ay ang mga single mothers. Bulnerable itong masasabi sa pagharap sa panganib ng kahirapan bilang nag-iisang magulang at sa kawalan ng katuwang sa pagpapalaki ng mga bata. Pero sa kabila ng nakikitang hindi paborableng kalagayan ay puno naman ng pambihirang katangian ang ating mga Filipina single mothers.

Ang mga single mother ay nagsisilbing doktor, nars at ambulansya ng mga anak sa tuwinag sinasapit ng karamdaman, bilang bank manager para pondohan ang lahat ng pangangailangan ng mga anak kahit mabaon sa utang, teacher at school bus ng mga anak pagpasok sa eskuwelahan, mekaniko ng mga nasisirang laruan at mga kagamitan sa bahay, pulis at bodyguard na palaging handa sa pagtatanggol sa ambang panganib ng mga anak, artista para aliwin at pasayahin ang mga anak maitago lamang ang tunay na sakit ng kalooban, at umasta bilang Darna o kaya ay si Superwoman na ginagawa ang lahat-lahat na mag-isa at walang katuwang sa buhay hindi lamang para sa mga anak sa Japan kundi pati na rin ang mga kapamilya na iniwanan sa Pilipinas.

Sa kabila ng lahat ng gawaing pambahay at pag-aaruga sa mga bata, maraming mga kababayan natin na single mothers ang abala rin sa mga non-profit na mga proyekto at programa ng Filipino community organization. Isa sa mga napakarami para banggitin ang lahat ay si Jeanne Lozada Oikawa, pangalawang taga-pangulo ng Kesennuma Bayanihan Filipino Community o BKFC, bilang tagapagtanggol at tagapayo ng mga kababayan sa Miyagi na humaharap sa kagipitan at peligro para matulungan ang gipit na kababayan.

Higit sa lahat ay ang kahanga-hanga na sama-samang pagkilos ng mga kababayan nating single mothers kasama ang kanilang mga anak na Japanese-Filipino at ang mga Japanese lawyers na kabilang sa Citizen’s Network for Japanese-Children o CNJF. Ang mga ito ang umukit sa pagbabago ng hugis ng Saligang Batas ng Japan sa nasyonalidad para bigyan ng Japanese nationality ang mga anak na Japanese-Filipino na kinikilala ng ama na Japanese subalit hindi kasal sa dayuhang ina.

Noong Hunyo 4, 2008 ay nagpasya ang Korte Suprema ng Japan para ideklara na hindi naaayon sa Konstitusyon ng bansa kung hindi bibigyan ng Japanese nationality ang mga anak na Japanese-Filipino na kinikilala ng ama niyang Japanese subalit hindi kasal sa Nanay niyang dayuhan. Mahigit dalawang taon din na nakipaglaban ang mga Filipina single mothers mula sa pagsampa ng kaso sa district court hanggang umabot sa Korte Suprema para ipagwagi ang kapakanan ng kanilang mga anak at lahat ng mga batang Japanese-Filipino.

Kung ating iisipin ang mga ginagawa at nagawa ng mga kagaya nila Grace, Aurora, Sampaguita, Jeanne, mga Pilipina single mothers na matapang na nagsampa ng hinaing at pinaburan ng pamahalaan ng Japan, at ang lahat ng mga libo-libong mga Ina sa bansa ay isang tunay na selebrasyon ng buhay. Isinasalarawan ng mga Nanay ng bagong panahon ang makahulugang buhay bilang mga Ina na naninilbihan ng walang kabayaran para sa mga anak ng sambayanan.

Sa darating na pagdiriwang ng Mother’s Day, pahalagahan at ipagdiwang ang mga Ina na may makabuluhang layunin bilang mga nabubuhay na bayani at martir para sa mga anak, pamilya, komunidad at ng sambayanan ng Pilipinas at Japan.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento