Ni
Florenda Corpuz
OSAKA, Japan – Ganap nang
binuksan sa publiko kamakailan ang pinakamataas na gusali sa buong bansa – ang
Abeno Harukas na may taas na 300 metro at matatagpuan sa Abenobashi Station.
Naglaan ang Kintetsu Corp., isa
sa pinakamalaking railway operators sa kanlurang bahagi ng Japan, ng ¥130
billion para sa konstruksyon ng skyscraper na tinapos sa loob ng apat na taon.
Matatagpuan sa loob ng 60 palapag
na gusali ng Abeno Harukas ang Osaka Marriot Miyako Hotel, Kintetsu Department
Store, Abeno Harukas Art Museum, mga opisina, restaurants at ang 288-metrong
taas na observation deck na tinawag na “Harukas 300” na siyang pinakamataas na
viewing deck sa bansa sunod sa Tokyo Skytree na may taas naman na 450 metro
mula sa lupa.
“I hope many tourists will visit
the city,” pahayag ni Osaka Gov. Ichiro Matsui kasunod nang pagbubukas ng
pinakabagong landmark ng siyudad.
Naagaw ng Abeno Harukas ang
titulo mula sa Landmark Tower na matatagpuan sa Yokohama na may taas na 296
metro. Habang nananatili pa rin ang Burj
Khalifa sa Dubai bilang pinakamataas na gusali sa buong mundo sa taas na 828
metro.
Ang “Harukas” ay isang lumang
Japanese expression na nangangahulugang “to brighten, to clear up”.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento