Ni
Al Eugenio
Alam ninyo ba na ang Ikebukuro ay
dating marumi at pinaninirahan ng mga homeless at mga bum? Ang dating train
station sa lugar na ito ay luma at
maliit lamang. Kilala rin ang Ikebukuro bilang isang lugar kung saan madaling
makahanap ng mga trabahong ayaw gawin ng pangkaraniwang mamamayan ng Japan. Mga
trabahong mabigat, marumi at delikado. Ang
kikitain ay sa araw din iyon maaaring matanggap.
Marahil, hindi naman lahat,
ngunit marami sa mga manggagawang ito ay para bang wala ng pangarap para sa
kanilang kinabukasan. Parang hindi nila iniisip na sila rin ay tatanda. Para sa
kanila, ang hanap buhay na kanilang ginagawa ay para bang hindi na mawawala. Tuluy-tuloy
lamang silang gumagalaw sa araw araw na para bang walang ikinakabahala. Kaya
naman pagkatapos matanggap ang kinita sa araw na iyon ay agad nilang gugugulin ito
sa pag-inom, pagkain ng masarap at para
na rin siguro tuluyang malimutan ang hirap at pagod ng kanilang ginagawa – sinusubukan
ang kapalaran sa paglalaro ng sugal
tulad ng Pachinko.
Lalo pang dumami ang mga hanapbuhay
para sa mga manggagawang tulad nila nang baguhin ng Seibu Corporation ang anyo
ng Ikebukuro. Nagtayo ng mga department stores sa ibabaw ng istasyon at tinawag
itong Seibu at ang katabi naman nito ay may pangalan ngayong Parco.
Hindi nagtagal at nagsulputan pa
ang iba’t ibang establisyimento tulad ng mga restaurant at coffee shops,
tindahan ng damit, sapatos at mga sanglaan. Dumami rin ang mga hotels, snack bars
at mga night clubs.
Mula sa Ikebukuro ay nabuhay ang
Seibu Ikebukuro Line. Isinaayos ng Seibu Corporation ang daanan ng tren na
nagdadala ng dumi mula sa mga palikuran ng buong siyudad ng Tokyo. Ang mga
duming ito ay ginagamit bilang pataba sa mga taniman ng gulay sa bandang Nerima,
Higashi Kurume patungong Tokorozawa. Natabunan daw kasi ng kung anong mineral mula Mt. Fuji ang mga
lugar na ito nang huling pumutok ang bulkan.
Ang pagpapatubo ng palay ay
mistulang imposible. Ang pataba ay nakakatulong ngunit halos mga gulay lamang ang
naitatanim. Sa panahon ngayon, ang kinikilalang pinakamasarap na daikon o
labanos, ay ang mga tanim mula roon na ang tawag ay Nerima Daikon.
Paisa isa ay nagtayo ng mga
istasyon ng tren ang Seibu Corporation sa mga lugar na dinaraanan ng linyang
ito. Ang bawat istasyon ay tinatayuan din nila ng mga pamilihan at department
store. Tulad ng nangyari sa Ikebukuro ay maraming mga establisyimento ang
nagsipagsunod. Halos hindi na napansin dahil sa mabilis na paglipas ng panahon,
ang bawat istasyon ng Seibu Ikebukuro Line ngayon ay naging mas maunlad na kumpara noon.
Ang ganitong pagbabago ay hindi
lamang nangyari sa Seibu Ikebukuro Line. Maging ang mga kumpanya rin ng tren sa
Osaka, Hiroshima at Fukuoka, ay ginamit ang pamamaraang tulad nito. Habang nadadagdagan ang mga istasyon ng
tren sa iba’t ibang lugar ay nagiging madali rin para sa mga mamamayan at mga kalakal na
makarating sa kani-kanilang dapat patunguhan. Ang tiyak sa oras ng pagdating ay
laging maaasahan.
Nagkakaroon ng pagkakataon na maging
maginhawa ang paghahanap buhay ng bawat mamamayan. Naiiwasan ang pagwawalang
saysay sa maraming mga pinaghihirapang bagay. Ang mga pinaghusayang mga pamamaraan na maiayos
ang galaw ng lahat mula sa iba’t ibang lugar ay naging malaking tulong upang umunlad
ang buong bansa ng Japan.
Sa atin sa Pilipinas ay dati ng
may tumatakbong tren patungo sa malalayong lugar tulad ng Bicol at Pangasinan.
Marahil kung magagawi kayo sa mga lugar na iyon ay makakakita pa kayo ng mga
bakas o mga lumang riles ng dating dinaraanan ng mga tren.
Ano nga ba ang nangyari at nawala
na ang mga tren na ito. Ano nga kaya ang mga dahilan at hindi na ito
ipinagpatuloy. Naroroon na sana ang mga riles na patitibayin na lamang at
daragdagan. Hindi ba mas matipid gumawa ng riles kesa sa mga daan? Hindi ba mas
maraming tao at kalakal ang maisasakay dahil ang haba nito ay maaaring dagdagan?
Hindi ba mas mabilis dahil sa walang mga signal lights at trapik sa mga
dinaraanan? Maaaring makapagpaunlad pa sa bawat lugar o istasyon nitong titigilan.
Noong nakaraang buwan ay naaprubahan
na ang paghuhukay ng gagawing subway train sa Metro Manila. Nakakasiguro tayo
na bilyun-bilyong piso na naman ang gagamitin upang magawa ang proyektong ito.
Kasabay rin nito ang mga bagong anomalya na siguradong magiging problema na naman bago pa man siguro
matapos ang proyekto.
Kung iisipin nating mabuti, gaano
ba kalaking bahagi ng ating mga mamamayan ang makikinabang kapag natapos na ang
subway na ito? Oo, ang marami sa mga naghahanap buhay sa Metro Manila. Ngunit papaano naman ang mga kababayan
nating nasa malalayong lugar? Matatagalan pa ba ang pagkakataong maabot sila ng kaunlaran?
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento