Lunes, Mayo 12, 2014

Experience best coffee in great coffee cities

Ni Jovelyn Javier


Madalas isipin ng karamihan na ang Estados Unidos ang may pinakamalaking bilang ng coffee drinkers. Pangunahing dahilan na ang mga pinakamalalaking coffee chains sa buong mundo ay nagmula rito -- Starbucks, Dunkin Donuts, Coffee Bean and Tea Leaf, Gloria Jean’s Coffees, Coffee Beanery, Peet’s Coffee and Tea, at Tully’s Coffee.

Sa kabila nito, ayon sa talaan ng Quartz gamit ang impormasyon sa Euromonitor, ang Netherlands ang nanguna sa listahan na may 2.414 cups per day. Sinundan ito ng Finland (1.848), Sweden (1.357), Denmark (1.237) at Germany (1,231) sa top 5. Kabilang naman sa top 10 ang Slovakia, Serbia, Czech Republic, Poland at Norway. Nasa ika-16 na puwesto ang USA (0.931) at nasa ika-25 puwesto naman ang Pilipinas (0.608).

Ngunit saan-saan nga ba matatagpuan ang mga tinatawag na “great coffee cities?” Ayon sa CNN, kabilang dito ang London, UK;  Melbourne, Australia; Reykjavik, Iceland; Rome, Italy; Singapore; Seattle, USA; Vienna, Austria; at Wellington, New Zealand.

Binuksan sa London ang kauna-unahang espresso-focused coffee shops gaya ng Flat White Café at Kaffeine 10 taon na ang nakalipas, at mula rito ay patuloy ang paglago ng maraming espresso cafes sa siyudad. Itinayo ang Flat White Café noong Setyembre 2005 para dalhin sa London ang natatangi at pinong “artisan style” coffee na paborito sa Australia at New Zealand. Samantalang binuksan naman ang Kaffeine sa publiko nang Agosto 2009 at isa na ngayon sa nangungunang cafes sa UK.

Inirerekomenda sa London ang flat white coffee o cappuccino. Maliban sa Kaffeine at Flat White Café, nariyan din ang Allpress, Climpson & Sons at Caravan sa mga nangungunang cafes na nasa East London.

Nagdadaos naman sa Melbourne ng taunang coffee expo. Ganito kahalaga sa kanila ang kape. Ilan lang sa mga paborito rito ang white lattes, cappuccinos, flat whites, piccolo lattes na mas konti ang gatas. Para sa mga coffee lovers, magandang puntahan ang Axil Coffeehouse Roasters sa Hawthorn at Dead Man Espresso.

Kilala sa Iceland ang drip coffee ngunit madalas sila ay pumupunta sa cafes para sa espresso drinks. Ang Kaffitar ang pinakamalaking coffee chain sa siyudad, paborito rin ng marami ang Kaffismidja at Stofan.

Bahagi na ng kulturang Italian ang kape, kaya’t ang Rome ang tinaguriang “home to best coffee” sa Italy. Paborito rito ang espresso, at ilan lang ang Rosati sa Piazza del Popolo, Sant’ Eustachi, Giolitti sa mga paboritong cafes ng mga taga-Italy.

Paborito naman ng Singaporeans ang latte, mocha at cappuccino. Ayon sa isang eksperto, nito lamang ginagamit ang modernong teknolohiya sa paggawa ng espresso. Kabilang ang Strangers’ Reunion sa Chinatown, Dutch Colony sa Pasar Bella marketplace, Bukit Timah at Chye Seng Huat Hardware sa Little India ang mga inirerekomendang coffee places sa Singapore.

Matitikman naman ang pinakamasasarap na kape sa Seattle, USA sa Victrola Coffee Roasters na nasa Capitol Hill, Empire Espresso sa Columbia City at Seattle Coffee Works. Paboritong kape rito ang espresso, cappuccino o single-origin pour.

Ihinirang naman na “Intangible Heritage” ng UNESCO nang 2011 ang mga coffee houses sa Vienna, simbolo kung gaano kahalaga ang kape sa kulturang Viennese. Mula nang maging host ang siyudad ng World Barista Championships 2012, nagsimulang magbukas ang mga bago at independent-style na cafes na gumagamit ng mas makabagong teknolohiya sa paggawa ng kape. Pinupuntahan ng marami ang Caffe Couture, Essenti, Coffee Pirates at Demel sa espresso, cappuccino at new style coffee.

Pinakamagagandang coffee shops naman sa Wellington ang Flight Coffee Hangar, Memphis Belle at Lamason Brew Bar. Paborito naman ng mga taga-New Zealand ang flat white coffee.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento