Miyerkules, Setyembre 17, 2014

Flipzoids: Handog para sa mga Pilipinong migrante



May tama sa puso ang katatapos lamang na play na pinamagatang “Flipzoids” na pinagbidahan ng beteranong Filipina stage actress na si Becca Godinez kasama sina Maxwell Corpuz at Ellen Williams.

Ang Flipzoids na itinanghal kamakailan sa Music Museum ay tungkol sa mga Pilipino na nangingibang bansa para magtrabaho at ang mga pagsubok na kanilang pinagdadaanan tulad ng paninibago sa kultura, tradisyon at pagkalayo sa pamilya.

Sinasalamin nito ang iba’t ibang uri ng paraan kung paano hinarap ng mga Pilipinong migrante ang pagtira sa ibang bansa – ang iba’y nangungulila sa sariling bansa habang ang iba naman ay niyakap na ang bagong kultura.

Isinulat ang Flipzoids – ang “zoid” na ang ibig sabihin ay parang mga zombie samantalang ang “flip” naman ay isang pang-iinsultong tawag sa mga Pilipino noon – ng Filipino-American na si Ralph B. Pena noong 1996 na itinanghal sa Los Angeles, California.

Ayon kay Godinez, na siyang producer ng naturang play dito sa Pilipinas, layunin  ni Pena na ipaalala sa mga manonood na huwag kalimutang lumingon sa pinanggalingan.

“Ralph Pena wanted to show culturally how different kinds of people react on living in a foreign land that they now have to call their own. He decided to show a story of three characters,” pahayag ni Godinez na nakilala bilang isang mang-aawit, manunulat, direktor at aktres.

“One is the young offspring of a very successful couple, goes to the States and wants nothing to do with the culture (played by Maxwell Corpuz). Second character is the nurse from Pagudpud, Ilocos Norte who goes to the U.S (played by Ellen Williams). Vangie, Aying’s daughter, just wants to belong to a small culture, to belong to a more intelligent group that makes her read the dictionary and memorize it.”

Dagdag pa ni Godinez, gumanap bilang 70-taong-gulang na si Aying na mula sa Pagudpud, Ilocos Norte na napadpad sa Anaheim, California ngunit patuloy na nangungulila sa bansang sinilangan, na nakita niya ang sarili sa kanyang ginampanang karakter.

“The connection of someone who is uprooted from their country to the connection of home, that’s very strong for me. When I went to America, I went through loneliness, personal and cultural adjustments.”

 “How do you allow the next generation to appreciate the culture that I love and the blood that’s running through my veins?”

 “My life happens to be uprooted. We’re lacking with memories when we uproot ourselves. Always remember your roots; this is what ‘Flipzoids’ is all about,” ani Godinez.



Lunes, Setyembre 15, 2014

Generation: There’s more to being sons of OPM icons

Generation band

Nagsama-sama para bumuo ng rock band na pinangalanang “Generation” sina Mike Chan, Joe Chan, Kowboy Santos at Ige Gallardo, mga anak ng OPM icons na sina Jose Mari Chan, Sampaguita, at Celeste Legaspi.

Nito lamang ay inilabas na ng Generation ang kanilang self-titled album na isang all-original album na naglalaman ng 12 kanta sa ilalim ng Star Records. “Love is Killing Me” ang carrier single ng naturang album at ang ilan pa sa mga nakapaloob na kanta ay ang “Make It Right,” “Idol,” “Shine Your Light On Me,” “Keena,” “Star,” “Walking A Fine Line,” “Can't Be Wrong,” “Purple,” “He's Gone,” “She,” at “Just Let Go.”

Nabuo ang banda noong 2008 at nagsimula sila agad na tumugtog sa iba’t ibang gig na halos puro cover songs ang kanilang kinakanta mula sa The Beatles, Doobie Brothers at Cars. Kalaunan ay hindi na rin sila nagpaawat sa pagsusulat at paglikha ng orihinal na kanta at nitong 2010 nga ay sinimulan na nila ang pagre-record ng ilan sa mga ito.

Hindi ikinakaila ng apat na malaki ang naging impluwensiya ng kani-kanilang mga magulang kung bakit napamahal sila sa musika ngunit nais din nila umano na bumuo ng sariling pangalan at hindi lamang makilala dahil anak sila ng mga respetado at magagaling  na mang-aawit sa bansa.

“New classic rock” kung ilarawan ng Generation ang kanilang musika kung saan bassist si Joe, keyboardist si Mike, lead guitarist si Kowboy, at rhythm guitar player naman si Ige. Ang maganda sa apat ay pare-pareho silang magaling kumanta kaya’t sa album na ito at maging sa mga gigs ay nagsasalitan sila sa pag-awit.

Maaaring i-download ang album ng Generation sa iTunes, www.amazon.com, www.mymusicstore.com.ph, at www.starmusic.ph.


Krissy bares heart in ‘Songs About You’

Ni Len Armea


Mga awiting tungkol sa pag-ibig ang nilalaman ng bagong album ni Krissy na kanyang pinamagatang “Songs About You” sa ilalim ng MCA Music. Ito ang unang album ni Krissy bilang solo artist matapos na mag-desisyon silang magkapatid na buwagin na ang kanilang duo na nakilala bilang Krissy & Ericka.

Una nang naglabas ng dalawang albums ang magkapatid: “Krissy & Ericka” noong 2009 at ang “Twelve: Fifty One” noong 2012.

Sa press launch na ginanap kamakailan sa Pasig City, buong sayang sinabi ng 20-taong-gulang na mang-aawit na pagkaraan ng limang taon sa music industry ay nakapaglabas siya ng all-original album kung saan lahat ng awitin ay siya ang sumulat at batay sa kanyang personal na karanasan.

“Songs About You is originally supposed to be a self-titled album because I’m coming out as my own separate person but I thought about it and kind of want to express more what the album is.

“It’s all compounded by different stories and different people in my life. It’s kind of like a storybook, there’s every emotion you can think of – there’s happy, there’s sad, there’s angry,” paglalarawan ng dalaga sa bago nitong album.

Carrier single ng naturang album ang “We Can’t Be” na kanyang isinulat para sa isang tao na akala niya’y magiging ka-relasyon niya. Bukod dito, ang ilan pang kantang nakapaloob sa album ay ang “Weekend With You,” “Piece of You,” “Distance,” “The Game,” “Don’t Forget Me,” “Gone Away,” at ang piano version ng hit single na “12:51.”

Suportado pa rin umano siya ng kanyang kapatid na si Ericka na ngayon ay pinili munang magpahinga sa paggawa ng musika kaya’t kinuha ni Krissy ang pagkakataon na gumawa ng album na mayroon niyang sariling tatak.

“The difference now is that my sister wasn’t there anymore to sing some parts with me but I’m kind of happy also because these are my songs, these are my feelings and she can’t relate to it anyway. She wants something else and I did too and it was okay for both of us,” saad pa ni Krissy na iniidolo sina Lana del Rey, Frank Ocean, at Drake.

Aminado si Krissy na ang kanta niya ay tungkol sa mga karanasan niya sa pakikipag-relasyon at ito ang kanyang naging paraan upang sabihin ang mga bagay na hindi niya nasabi noon.

“The album is kind of like the words that I never got to tell these particular people in my life because I’m a coward; it’s like a letter to them, to those boys I never got the chance to express how I really feel.”

Naniniwala rin si Krissy na kahit na personal niyang istorya ang mga kantang nakapaloob sa album ay makaka-relate rin ang marami kapag napakinggan na nila ito.

“I don’t write to make it [song] a hit. I was surprised with 12:51 how a lot of people could relate to it. If anything, that’s my goal – for other people to relate to my songs, to help others who are going through breakups, to have something to listen to, to let them know that there are other people out there who feel the same way,” dagdag ni Krissy na kasalukuyan ay nag-aaral ng Business Music Management.

“I just really hope that you enjoy listening to this album. It is a huge piece of me and I’m happy to share it with all of you,” ani Krissy sa kanyang mga tagapakinig.

Maaaring i-download ang kanyang mga kanta sa pamamagitan ng iTunes at spinnr.ph.

Huwebes, Setyembre 11, 2014

The music goes on and on for The Dawn

Ni Len Armea

The Dawn (Kuha ni Oliver Calingo)
Kung mayroong Juan dela Cruz band noong ‘70s at Eraserheads noong ‘90s, bumida naman ang The Dawn noong ‘80s na ang mga kanta ay naging inspirasyon ng mga Pilipino partikular na ng mga kabataan na noo’y nabubuhay sa ilalim ng Martial Law.

Tinitingala bilang Pinoy rock icon, tuloy pa rin ang The Dawn sa pagbuo ng kanta at pag-aalay ng musika sa loob ng halos tatlong dekada. Nito lamang ay nagdaos ang banda ng isang concert na pinamagatang “Landmarks” sa Music Museum sa Greenhills, San Juan na dinaluhan ng kanilang mga tapat na tagatangkilik.

Kinanta ng The Dawn na ngayon ay binubuo ni Jett Pangan (vocals), Buddy Zabala (bass), JB Leonor (drums), at Sancho (guitars), ang mga popular at luma nilang kanta na tila isang pagbalik sa nakaraan.

Binuksan ng the Dawn ang kanilang konsiyerto sa pagkanta ng “Alam Ko, Alam Niyo” na mula sa kanilang ikaapat na album na “Heart Thunder.” Sinundan ito ng “Love Will Set Us Free” at “Change is Breaking Us Apart.”

Nagpalakpakan naman ang fans ng tugtugin ng grupo ang “Tulad ng Dati” na nagkaroon din ng movie version na hango sa istorya ng banda at idinirehe ni Mike Sandejas noong 2006.

Ilan pa sa mga tinugtog ng The Dawn ang “Give Me The Night,” “Hey Isabel,” “Talaga Naman,” “Babaeng Mahiwaga,” “Saw You Coming In,” “Salimpusa,” “Harapin,” “Runaway,” “Little Paradise,” “Hatak,” “Dreams,” “Magtanim ay ‘Di Biro,” “Iisang Bangka Tayo,” at ang “Habulan,” ang bagong kanta ng grupo na kasama sa ilalabas nilang album at isinulat ni Vin Dancel ng bandang Peryodiko.

Hindi natapos ang konsiyerto ng hindi kinakanta ng The Dawn ang kanilang signature songs na “Salamat,” at “Enveloped Ideas” kung saan nagtayuan ang lahat ng nasa Music Museum at nakikanta.

Nabuo ang The Dawn noong 1985 na ang mga orihinal na miyembro ay sina Pangan, Leonor, Clay Luna at Teddy Diaz na kinikilalang lider ng banda. Ibinatay ng grupo ang pangalan ng banda sa librong ibinigay ng Sisters of the Holy Spirit na may pinamagatang “The Dawning of the Holy Spirit.”

Bukod sa pagtayo bilang lider ng banda, si Diaz din ang nasa likod ng mga unang awiting pinasikat ng banda noong ‘80s. Noong 1988 ay naging biktima si Diaz ng pananaksak na kanyang ikinamatay. Sa imbes na maghiwa-hiwalay, ipinagpatuloy ng The Dawn ang pagtugtog at ginawang inspirasyon ang pagmamahal ni Diaz sa musika.

Mayroon mang umalis na mga miyembro at nagkaroon man ng ilang pagbabago ay tuluy-tuloy pa rin The Dawn sa paglikha ng magagandang musika para sa kanilang mga tagapakinig.

Miyerkules, Setyembre 10, 2014

Mga kabataang Hapon hinikayat na tumulong sa Tokyo 2020 Olympics

Ni Florenda Corpuz


      Nagbigay ng inspirasyon si Athens 2004 Olympic hammer-throw champion
 Koji Murofushi sa mga bata upang tangkilikin ng mga ito ang Tokyo 2020.
(
Kuha ni Shugo Takemi / Tokyo 2020)
Inanyayahan ng Tokyo 2020 Olympic Committee ang mga kabataang Hapon na mag-ambag ng kanilang opinyon at suhestiyon para sa ginagawang paghahanda sa Tokyo Olympic at Paralympic Games sa taong 2020.

Iprinisinta ng kumite ang kanilang bagong proyekto na tinawag na “Creating Tomorrow Together” kamakailan na may layong kolektahin ang mga ideya ng mga kabataan upang mas lalo pang painamin ang kasalukuyan plano na nabuo noong Olympic campaign sa ilalim ng tagline na “Discover Tomorrow.”

Ipinaliwanag ni Athens 2004 Olympic hammer-throw champion at Tokyo 2020 Sports Director Koji Murofushi sa mga Grade 5 students sa isang paaralan sa Tokyo ang mga Olympic values para magsilbing inspirasyon sa kanila sa darating na Olympic at Paralympic Games.

 “We want to inspire the new generation with the Olympic Spirit,” ani Murofushi.

 “They are the future of our nation; that’s why we want them to be actively involved in our preparations. It is of crucial importance to make young people realize that this is also their Games and they have a key role to play throughout the entire process of our preparations and during the Games themselves. We are looking forward to receiving everybody’s suggestions to help us ensure the success of the 2020 Games,” dagdag nito.

Magkakaroon ng pagkakataon ang mga kabataan sa buong Japan na maging bahagi ng proyekto. Magsusulat sila ng mga sanaysay tuwing summer break kung saan kanilang ilalarawan ang kanilang mga pangarap para sa taong 2020 pati na rin ang kinabukasan na gusto nilang buuin para sa bansa pagsapit ng Tokyo Olympic and Paralympic Games.

Iniimbitahan din ng kumite ang lahat, bata o matanda, na magsumite ng kanilang mga sanaysay at suhestiyon para sa pagsasakatuparan ng pinal na plano para sa palaro. Maaaring bisitahin ang website na vision.tokyo2020.jp para sa karagdagang impormasyon.




      

Linggo, Setyembre 7, 2014

‘Pinas at Japan magtutulong sa paggawa ng electric vehicles


Kuha mula sa website ng NEUES Co. Ltd.
Magtutulong ang dalawang malaking kumpanya sa Pilipinas at Japan para gumawa ng electric vehicles na hindi lamang mura sa bulsa kundi “environment-friendly” din.

Nagkasundo ang NEUES Co. Ltd, subsidiary ng NKC Metalworks Group sa Osaka, Japan, at Kart Plaza Manufacturing Corp, isang electric golf kart distributor at servicing company sa Pilipinas na gawin ang proyektong ito na ibebenta sa lokal na merkado sa bansa.

Ayon sa napagkasunduan ng dalawang kumpanya, gagawin ng NEUES ang kumpletong platform ng electric vehicle pati na rin ang stand-alone charging stations habang ang Kart Plaza naman ang mag-a-assemble at magbebenta nito sa bansa.

Isang compact na electric vehicle ang gagawin ng NEUES upang mas madali itong buuin kung saan ang mga bahagi nito tulad ng chassis at gulong ay mismong sa Asya manggagaling at may mataas na kalidad.

Ani ng pangulo ng NKC na si Tatsuo Nakanishi, ang pagkakaroon ng electric vehicles sa Pilipinas ay isang paraan upang masolusyunan ang air pollution at mataas na presyo ng gasolina na dalawa sa suliranin ng bansa.

“Air pollution and oil hike cause serious problems to people’s lives all over the world, which is the same situation in the Philippines.  One of the solutions to this problem is electric cars. It is not just a dream to promote the electric vehicle by uniting the power of everyone here. Let us make the Philippines as a front runner of electric vehicles,” pahayag ni Tatsuo sa isang forum na ginanap sa SMX Convention Center kamakailan.

Sinabi naman ng managing director ng Kart Plaza na si Johnny Tan na naniniwala ang kanilang kumpanya na ang pagkakaroon ng electric vehicles sa bansa ay isang paraan upang makatulong sa pagprotekta ng kalikasan. Ito ay sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mas modernong teknolohiya na isang alternatibo sa tradisyonal na pamamaraan ng transportasyon.

“The emissions produced by internal combustion engines are contributing to the degradation of the earth’s atmosphere, resulting in pollution that affects our collective health and well-being, not to mention the unpredictable and extreme weather patterns we are now experiencing as a result of global warming.

“This makes it a necessity for those in the transportation industry to reverse these harmful consequences by exploring alternatives to the traditional modes of mobility. Electric vehicles are one answer to the problems. They are the wave of the future and, today, in the Philippines, we are about to ride on top of its crest with the introduction of an evolving concept in transportation, which is sustainable, economical, and for the Filipino,” ani Tan.

Wala pang sinasabi kung magkano aabutin ang halaga ng naturang electric vehicle ngunit sinabi ng NEUES na malaking gastos dito ay dahil sa mga baterya at management system na gagamitin. Siniguro rin ng NEUES na sumusunod sila sa safety standard rule at gagamitin nila ang pinakabagong teknolohiya sa pagmamaneho sa paggawa ng electric vehicles.

Biyernes, Setyembre 5, 2014

Top 5 beaches in Kamakura

Ni Florenda Corpuz

 Matatagpuan sa baybayin ng Karagatang Pasipiko, ang lungsod ng Kamakura sa probinsiya ng Kanagawa-ken ay popular na destinasyon ng mga lokal at dayuhang turista tuwing summer dahil sa mga nakakahalinang beaches nito. Hitik sa kwento ang marine resort ng Kamakura dahil sa mahigit sa 100 taon nitong kasaysayan. Narito ang ilan sa pinagmamalaking beach resorts ng lugar:

Inamuragasaki Beach – Pamosong beach resort ito sa Kamakura dahil sa napakagandang sunset na masisilayan dito. Lalong nakilala ang lugar dahil sa pelikulang “Inamura Jane.” Halaw ang pangalan ng lugar sa hugis nito, katulad ng salansan ng bigas sa panahon ng anihan. Dito rin matatagpuan ang Inamuragasaki Park.

Shichirigahama Beach – Popular na pasyalan ito ng mga surfers. Ipinagbabawal ang pagsi-swimming sa beach na ito subalit ito dinarayo pa rin ng mga gustong mag-relax. Ang itim na buhangin nito ay mayaman sa iron ore na dahilan kung bakit ang Kamakura ay sentro ng pagawaan ng mga espada at kutsilyo. Hango mula sa ekspresyong “shichiri” ang pangalan ng lugar na ang ibig sabihin ay “a long ride” at iniuugnay sa lugar bilang isang mahabang beach.

Yuigahama Beach – Ito na marahil ang pinakapopular na beach resort sa Kamakura. Ito ay may habang 3.2 kilometro. Iba't ibang teorya ang lumalabas ukol sa pinagmulan ng pangalan ng beach na ito. Pinaniniwalaang ito ay mula sa salitang “Yuigo” at ang iba naman ay sa kooperatibang “Yui” na ang ibig sabihin ay “elegant cloth.” May mga haka-haka rin na ang lugar ay dating pinaglibingan ng mga pugot na ulo. Perfect spot ito sa mga turistang nais manood ng fireworks show.

Koshigoe Beach – Makikita rito ang kaakit-akit na tanawin ng Enoshima Island na sinasadya talaga ng mga turista. Pamoso rin itong pasyalan dahil sa mga sariwang laman-dagat na mabibili sa mga kalapit na tindahan.

Zaimokuza Beach – Hango sa salitang “zaimoku” na ang ibig sabihin ay kahoy, dati ay daungan ng mga kahoy na pangkalakal ang lugar. Tuwing low tide ay makikita sa kanlurang dulo ng beach resort ang mga natitirang bahagi ng Wakae Island, ang pinakalumang artipisyal na isla ng bansa.


Bukod sa mga naggagandahang beach resorts at mga makasaysayang templo at shrines ng Kamakura, dinarayo rin ng mga turista ang makikislap na fireworks display dito tuwing buwan ng Agosto.

Miyerkules, Setyembre 3, 2014

Bilang ng turista sa Japan, tumaas – JNTO


Ni Florenda Corpuz

TOKYO, Japan – Masayang ibinalita ng Japan National Tourism Organization (JNTO) na tumaas ang bilang ng mga dayuhang turista na bumisita sa bansa sa unang anim na buwan ng taon dahil sa pagluluwag sa pagkuha ng visa, mababang palitan ng yen at pagdami ng international flights sa Haneda Airport.

Batay sa ulat ng JNTO, umabot sa 6.26 milyon ang bilang ng mga dayuhang turista na bumisita sa bansa mula Enero hanggang Hunyo ng 2014, mas mataas ng 26.4% kumpara noong nakaraang taon.

Inokupa ng mga Taiwanese ang unang pwesto sa pinakamaraming bilang ng mga foreign tourist arrivals na umabot sa 1.39 milyon, mas mataas ng 35.1% kaysa noong 2013. Sumunod sa ikalawang pwesto ang mga South Koreans, na dati’y nasa unang pwesto, na umabot sa 1.27 milyon, mas mababa ng 3.3%. Nasa ikatlong pwesto naman ang mga Chinese na umabot sa 1 milyon, mas mataas ng 88.2%.

Nagtala rin ng paglobo ang bilang ng mga turista mula sa Southeast Asian countries tulad ng Thailand at Malaysia na nabigyan ng visa-free entry sa bansa noong nakaraang taon. Sumipa sa 330,00 ang bilang ng mga Thais, mas mataas ng 63.8% habang nagtala naman ng 62.5% pagtaas ang mga Malaysians sa 110,000.

Positibo rin ang naitalang bilang ng mga turista mula sa Pilipinas, Indonesia at Vietnam na inisyuhan ng multiple-entry visa na balido hanggang tatlong taon para sa short-term stay.

Inaasahan ng JNTO na papalo sa 12 milyon ang bilang ng mga foreign tourist arrivals sa bansa sa pagtatapos ng taon.

Samantala, naglabas ng bagong patakaran ang Ministry of Foreign Affairs (MOFA) noong Hunyo sa pagluluwag ng pamahalaang Hapon sa requirements sa pagkuha ng multiple-entry at single-entry tourism visas ng mga turista mula sa Pilipinas, Indonesia at Vietnam na nais bumisita sa bansa. Habang, naisyuhan naman ng multiple-entry visa ang mga turista mula sa India. Isinasaayos pa ang simula ng aplikasyon para rito.

Layon ng pamahalaang Hapon na ipakilala bilang tourism-oriented country ang bansa at makaakit ng 20 milyon dayuhang turista kada taon bago ang 2020 Tokyo Olympics.


Mountain Day gaganapin tuwing Agosto simula 2016

Ni Florenda Corpuz



TOKYO, Japan – Itinatag ng Diet na opisyal na public holiday ang Agosto 11 bilang paggunita sa Mountain Day o Yama no Hi simula taong 2016.

Ayon sa bagong kautusan, ang Mountain Day ay gugunitain upang bigyan ng pagkakataon ang mga mamamayan na maging malapit sa mga kabundukan at pahalagahan ang mga benepisyo na naibibigay nito sa mga tao.

Isinagawa ang desisyon kasunod ng pag-lobby rito ng Japanese Alpine Club at iba pang mountain-related groups na naniniwalang kailangan ipagdiwang ng bansa ang mga kabundukan nito.

Naging magandang balita naman ito sa mga manggagawa na nabigyan ng karagdagang araw na pahinga sa buwan ng Agosto bukod sa paggunita sa Obon (hindi opisyal na public holiday) na halos katumbas ng Undas o Araw ng Kaluluwa sa Pilipinas.

Isa sa popular na gawain ng mga tao sa Japan ang walking at trekking tuwing panahon ng tag-init at skiing naman tuwing panahon ng taglamig dahil sa malaking bahagi ng lupain nito ay bulubundukin.

Ang Mountain Day ang 16 na taunang national holiday na ginunita sa bansa na kinabibilangan din ng New Year’s Day (Enero 1), Coming of Age Day (ikalawang Lunes ng Enero), Foundation Day (Pebrero 11), Vernal Equinox Day (Marso 20), Showa Day (Abril 29), Constitution Memorial Day (Mayo 3), Greenery Day (Mayo 4), Children’s Day (Mayo 5), Marine Day (ikatlong Lunes ng Hulyo), Respect for the Aged Day (ikatlong Lunes ng Setyembre), Autumnal Equinox Day (Setyembre 23), Health and Sports Day (ikalawang Lunes ng Oktubre), Culture Day (Nobyembre 3), Labor Thanksgiving Day (Nobyembre 23) at Emperor’s Birthday (Disyembre 23).
             


            

Nasaan na ang ating kinabukasan?

Ni Al Eugenio


Karamihan sa mga nagtuturista sa ibang bansa o sa sarili man nilang bayan ay nakatuon ang isipan sa mga tanawin, mga makasaysayang lugar, masasarap na pagkain at mga naiibang kultura ng bayan. Subalit ano ba kaya talaga ang nagpapabalik sa mga turista sa isang lugar? Madalas ay ang kaayusan ng isang bayan na ikagiginhawa ng mga dayuhan habang namamalagi sa binisitang bayan.

Maraming bansa ang may mga ipinagmamalaking katangian. Matataas na tower, mahahabang tulay, mga makasaysayang gusali, tanawin at mga karanasan na doon lamang mararanasan. Ngunit paglisan ng isang dayuhan sa isang lugar, ano kayang alaala ang maiiwan sa kanyang isipan, iyon kaya ay kaaya-aya o nakakainis na karanasan?

Dito sa Japan, ang pinakamalaking bagay na nakakatawag-pansin sa mga dayuhan ay ang kanilang kultura, kahit na mahal ang mga bilihin ay binabayaran pa rin ng karamihan, maging mga Hapon man o mga dayuhan. Mga bagay na nakilala na ang Japan kahit na noon pa man. Tulad na lang halimbawa ng kanilang mga kasuotan, mga pagkain at mga kagamitan. Ilan lamang ang mga ito sa mga patuloy na kinagigiliwan ng mga dayuhan.

Mayroon din naman mga lugar, bagama't mahirap lamang, ay nagkaroon naman ng makulay at malalim na mga kasaysayan na hanggang ngayon ay pinakaiingatan ng kanilang mga mamamayan, dahil sa alam ng kanilang mga namumuno na tanging ito lamang ang kanilang masasabing tanging kayamanan. Isang halimbawa na nito ang mga makasaysayang gusali ng Angkor Wat at ang lugar ng Siem Reap sa Cambodia.

Dahil sa ang Cambodia ay dumaan sa mahabang digmaan at walang mga industriyang tulad ng sa China at Vietnam, ang tanging maaasahang mapagkakakitaan ay ang pagdating ng mga turista sa kanilang bayan.

Pinag-aralan mabuti ng kanilang mga  namumuno kung papaano magiging kalugod-lugod ang Siem Reap sa mga turista na bibisita sa lugar na ito. Tulad dito sa Japan, ang kapaligiran ng Siem Reap ay maayos at hindi nakakatakot. Makakapamasyal ang isang dayuhan ng walang ipag-aalala. Walang mga taong nagpupumilit na bilhin ang kanilang itinitinda. Sa bawat pagtatanong, bagamat bihira lamang ang nakakapagsalita ng Ingles,  ay may kasunod na ngiti pagkatapos ng bawat pakikipag-usap. Iniiwasan ng mga tagaroon ang pandaraya ng sa ganoon ay buo ang pagtitiwala ng bawat dayuhang darating sa kanilang bansa.

Tulad din dito sa Japan, pinapahalagahan ng mga taga-Siem Reap ang kanilang mga nakaraan. Iniingatan nila ang kanilang kultura, tradisyon at mga nakagawian. Bagama't  simple at mahirap lamang ang kanilang bansa, naroroon ang paggalang ng bawat dayuhang bumibisita sa kanilang lugar.

Bilang isang Pilipino, nakapagtataka kung bakit ang mga bansa sa ating paligid ay patuloy na umuunlad. Pinapahalagahan ng kanilang mga namumuno ang kapakanan ng kanilang mga mamamayan. Bagama't mabagal ang ibang lugar, dahil sa kanilang pagkakaisa ay natatanaw na darating ang araw na magiging maginhawa ang kanilang pamumuhay.

Hindi katulad ng sa atin sa Pilipinas, para bang wala ng pag-asa na makaahon ang karamihan sa kahirapan ng buhay. Mula pa noong araw, nang ang marami sa atin ay mga bata pa, lagi na lang pinagkakasya ang kaunting kinikita upang maisalba ang pangangailangan sa pang-araw araw. Laging kalakip ng pagtitiis.

Ang marami sa ating mga lingkod-bayan ay kulang sa mga pamamaraan upang mapaganda ang takbo ng ating pamumuhay. Madalas na nadadaig ang kanilang mga sinumpaang tungkulin ng mga alok na makadaragdag sa kanilang yaman at kapangyarihan. Inuuna nila ang mga makakatulong upang sila ay makapanatili sa kanilang kinalalagyan.

Ang mga maluluwag na lugar sa ating mga siyudad na dating nagbibigay luwag sa ating pakiramdam ay unti-unti nang napapalitan ng mga gusali na pinagkakakitaan ng mga gahaman sa yaman. Sa kabi-kabila ay nagsusulputan ang mga gusali na hindi gaanong binibigyan ng halaga ang epekto nito sa kapaligiran. Kahit na masira pa ang mga mahalagang mga kasaysayan at kalikasan ay nakakalusot sa mata ng mga nagbubulagang mga pamunuan.   

Isang halimbawa rin ang bansa ng Vietnam,  galing din sa hirap ng mahabang digmaan. Dating kulang sa kaalaman sa maraming bagay na sa atin pa sa Pilipinas nagpaturo ng pagtatanim ng palay. Nakalipas lamang ang kaunting panahon ang mas nakakarami sa kanilang mga mamamayan ay may sari-sariling motorsiklo patungo sa kanilang mga pinagtatrabahuhan. At dahil sa maayos na pamamalakad ng kanilang mga pamunuan, ay tayo pa ngayon ang umaangkat sa kanila ng kakulangan nating palay.

Hindi nakapagtataka na darating ang panahon na ang Rizal Park ay tatawagin na rin isang Rizal Estate Complex na. Matatayuan na rin siguro ito ng mga condo, casino at marahil ay mga mall pa. Papaano na ang ating mga nakaraan, nasaan na ang ating kultura at mga kasaysayan? Lilinlangin na naman tayo ng ating mga pamunuan na ang mga nakikinabang ay mga lahing banyaga na wala naman talagang pakialam sa kapakanan ng ating bansa at mga mamamayan. Papaano na ang ating kinabukasan?


Mula pa noon ang karamihan ng mga Pilipino ay palaging humihingi na lamang ng awa sa mga dayuhan, mistulang api sa mata ng karamihan. Bagama't alam din ng marami sa atin na ang may kagagawan ng mga paghihirap na ito ay mula sa marami din nating sariling kababayan. Marami ang walang sapat na lakas ng loob upang tumayo at makipaglaban. Hanggang kailan kaya natin titiisin ang walang pagbabagong pamumuhay?

Mga karaniwang pagkakamali ng mga Pilipino sa paggamit ng Nihongo



 Ni Rey Ian Corpuz

Marahil karamihan sa atin sa Japan ay dumaan sa butas ng karayom kung ang pag-uusapan ay ang pagkabihasa sa wikang Hapon. Marami sa atin ay iba-iba ang naging karanasan kung bakit tayo ay nakakapagsalita o ‘di naman kaya ay naging bihasa sa wikang Hapon. Minsan ang mga masaklap na karanasan ay siyang nagtutulak sa atin na pag-aralan at maging bihasa sa pagsasalita nito.

Subalit, kahit marami sa atin ay matagal na sa Japan, may iilan parin ang masasabi nating hirap pa rin ng pagsasalita ng wikang Hapon. Ang antas ng wikang Hapon ay nasusukat sa apat na kategorya -- kahalintulad ng kahit anumang wika-- pagsasalita, pakikinig, pagbabasa at ang pagsusulat.

Kung sa iba, kung hindi mahalaga ang pagsasalita ng wikang Hapon, marahil ay hindi ito ginagamit sa trabaho o sa bahay. Pero napakalaking tulong nito balang araw dahil hindi mo alam kung hanggang kailan ka magtatrabaho sa isang kumpanya na puro lang Ingles o Pilipino ang salita.

Ang kaalaman sa wikang Hapon sa aspeto ng pananalita, pagbabasa at pagsusulat ay nagbubukas ng maraming oportunidad lalo na sa ating mga Pilipino rito sa Japan. Hindi sapat na wikang Pilipino o wikang Ingles lang ang alam natin. May mga bagay-bagay na kung saan mas nagiging mainam na kahit sa payak na paraan ay sanay tayong makipag-komunikasyon sa wikang Hapon.

Mataas ang respeto na ibinibigay ng mga Hapon kung kayo ay marunong gumamit ng Japanese. Sa pormal na pag-aaral, ang wikang Hapon ay may iba’t ibang antas kaya importante na maging maingat sa paggamit nito base sa kung sino ang kausap at kung saan kayo nag-uusap. Hindi lahat ng naririnig sa kapwa na nagsasalita ng Nihongo ay kailangan o angkop itong gamitin sa pananalita.

Karaniwan ang mga kalituhan at pagkakamali ay nababasa ko sa social media sites tulad ng Facebook at sa mga kilalang Filipino forum sites.

1.                      Ang paggamit ng “chan” at “kun.” Ang chan ay kinakabit lamang sa babaeng bata ang pangalan at kun naman kapag batang lalaki. Parati kong naririnig sa mga Pilipina rito ang pagtawag ng pangalan na may chan kahit sa mga may edad na tao. Ang chan at kun ay ginagamit bilang “kawaii” na pantawag at hindi dapat gamitin kung sa mga pormal na bagay. Mas pormal gamitin ang “san”.  Halimbawa, “Aiko-san” sa halip na “Aiko-chan.” Maaaring gamitin ang chan o kun kung malapit na kakilala ang tatawagin mo nito, kundi ay san ang gamitin.

2.                      “Haken” (派遣) at “Hyaku en” (100円). Ang mga taong nagtatrabaho sa isang “dispatch company” ay haken at ang mga paninda sa Daiso ay hyaku en. Naalala ko na sinabi sa akin ng isa kong kakilala na ang kumpanya niyang tinatrabahuan ay hyakuen. Akala ko naman noon ay sa Daiso siya nagtatrabaho. ‘Yun pala ay sa isang dispatch company ng mga gumagawa ng “bento.”

3.                     “Shacho” (社長) sa halip na “sacho”(さちょう). Unang-una, wala pong salitang sacho. Iyong “sha,” ay ang sha ng “kaisha” (会社) o kumpanya. Ang “cho” ay ibig sabihin mahaba o iyong may pinakamahaba o may pinakamataas na katungkulan sa kumpanya. Sana po ay tigilan na ng karamihan ng mga Pilipino ang pagsasabi sa social media ng sacho.

4.                       “Hisashiburi” (久しぶり) sa halip na “sashiburi” (さしぶり). Wala pong salitang Hapon na sashiburi. Ito po ay “hisashiburi” o ibig sabihin ay “long time no see” sa wikang Ingles.

5.                     Kalituhan sa salitang “yukata” (浴衣) at “yokatta.”(良かった). Ang yukata po ay casual na damit na isinusuot tuwing tag-init. Ang yokatta ay ang salitang sinasabi kapag may magandang bagay ang naganap. Halimbawa, kung may “deadline” sa opisina na proyekto at naihabol mo bago ang nakatakdang oras, pwede mong sabihin na “Yokatta…”


Sadyang mahirap ang wikang Hapon. Pero kung ganito na lang parati ang nagiging rason natin upang hindi tayo mag-aral o intindihin ang kanilang wika, talagang hindi tayo matututo at hindi natin makukuha ang respeto ng bawat Hapon.

Martes, Setyembre 2, 2014

Desisyon sa welfare assistance

Ni Cesar Santoyo

Maraming mga dayuhang migrante sa Japan kasama ang mga lokal na kaibigan at mga tagasuporta ang nabigla sa desisyon ng Korte Suprema na nagsabing hindi kabilang sa welfare benefits ang mga dayuhan na may hawak ng permanent visa. Naganap ang pahayag noong ika-18 ng Hulyo, 2014 bilang hatol ng Korte Suprema sa demanda ng 82-taong- gulang na Chinese na naninirahan sa Oita Prefecture.

Ang nagdemanda ay ipinanganak at lumaki sa Japan. Idinemanda niya ang Oita City government noong 2009 matapos tanggihan ng lokal na pamahalaan ang kanyang aplikasyon na mabigyan ng “seikatsehogo” o welfare assistance sa kadahilanan siya ay may kaunting impok na pera sa bangko.

Bilang argumento, sa Japan na  ipinanganak ang nagsakdal at nagbabayad ng buwis sa buong buhay niya. Sa panig naman ng Mataas na Hukuman, ang welfare benefits ay itinakda ng batas para lamang sa mga Japanese.

Nakababahala ang desisyon ng Mataas na Hukuman ng Japan sapagkat maaaring gamitin ito ng mga lokal na ahensya ng pamahalaan kapag hindi nito pinaboran ang kahilingan na welfare assistance ng mga permanenteng residenteng dayuhan. Sa kasalukuyang patakaran, ang mga Pilipina na asawa ng Japanese at mga anak na Japanese-Filipino ay kabilang sa mga nabibigyan ng welfare assistance.

Ang welfare assistance o seikatsehogo ay ang pinakahuling pagkakataon para makahaon ang mga Pilipina na may maliliit na mga anak na karaniwan ay nakipaghiwalay sa asawa sa iba’t ibang dahilan tulad ng domestic violence.

Ang pagkakaroon ng relasyon sa dugo sa Japanese kagaya ng pagiging asawa at anak ay ang kaibahan ng katangian ng mga migranteng Pilipino kumpara sa mga dito na ipinanganak na mga Chinese at Koreans na hindi nag-asawa ng Japanese.

Subalit hindi nangangahulugan na sa kadahilanan na ang mga Filipino sa Japan ay nakakakuha ng seikatsehogo batay sa relasyon sa Japanese ay maaari ng maging kampante sa naging pahayag ng Korte Suprema ng Japan. Sapagkat pagsapit ng 18-taon-gulang ng anak na Japanese-Filipino ay tapos na rin ang seikatsehogo.

 Marami rin na mga isyu at magkakasalungat na pananaw sa pag-apply at paggamit ng seikatsehogo ng ating mga kababayan. Nariyan ang pananaw na hindi na raw dapat magtrabaho pa ang nanay na ang mga anak ay nakapailalim sa seikatsehogo. Pero ayon na din sa batas, hindi kasama ang mga dayuhan sa seikatsehogo kaya ang halaga na tinatanggap ng ina ay sakto lamang sa mga gagastusin para sa kanyang mga anak at depende sa pondo na kayang ilaan ng lokal na pamahalaan. At kung tutuusin, ang seikatsehogo ay pera na ibinibigay sa ina para maalagaan niyang mabuti ang kanyang anak na Japanese at hindi maaaring maluho ang pamumuhay.

Subalit sa mga darating na mga dekada, sampu o mahigit pang mga taon na darating, hindi naman kaya kailangan rin ng nanay ng Japanese-Filipino na humingi rin ng seikatsehogo? Lalo na’t ang karamihan sa mga nanay natin dito sa Japan ay walang social insurance at retirement benefits.

Maaari nating makita sa kasaysayan ng Japan kung saan tayong mga dayuhan ay nakapuwesto at papaano dapat maipuwesto sa usapin ng welfare assistance. Noong nagdaang dalawang siglo ay halos walang makitang mga dayuhan sa bansa. Sa mga pagbitay na sinapit ng mga relihiyosong Franciscan martyrs sa ilalim ng Order of Friars Minors at sa hiwalay na panahon ng proklamadong Santo Lorenzo Ruiz ay mababatid na natin kung anong klaseng patakaran sa dayuhan mayroon ang Japan sa sinaunang panahon.

Napasailalim ang bansa sa pamamahala ni General Douglas McArthur pagkatapos matalo ng Amerika ang Japan sa Ikawalang Digmang Pandaigdigan ng taong 1946. Naglabas ng 1950 Public Assistance Law ang Japan na nagsasabing dapat gumawa ng hakbang ang estado para protektahan ang mga may maliliit na pingkakakitaan para maisalba sa kahirapan at magkaroon ng simpleng pamantayan ng pamumuhay “ang lahat ng mga mamamayan ng Japan.”

Noong 1954, naglabas ang welfare ministry ng pambansang anunsiyo sa mga munisipyo na nagpapaliwanag na sa nasabing batas (1950 Public Assistance Law ) ay hindi kasama ang mga dayuhan dahil sa isyu ng nasyonalidad.

Subalit ang mga dayuhan na nahaharap sa matinding kahirapan, ayon sa welfare ministry, ay dapat bigyan ng tulong kung nakikita ng munisipyo na kinakailangan ito. Magmula rito ay nakagawian na ng mga munisipyo na maaari nilang bigyan tulong ang mga dayuhan ayon sa kanilang kapasyahan.

Kaya ang mga dayuhan kasama na ang mga Pilipina at mga anak ay nakakatanggap ng tulong pabuya ayon sa kagustuhan ng munisipyong kinasasakupan ng banyaga. Pero noong taon 1990 ay nilimitahan ng ministry ang pagbibigay ng welfare assistance para lamang sa mga may permanent residency at long term visa.

Hindi rin pinapahintulutan ng pamahalaan na makabilang kahit sa anong social securities kagaya ng tulong sa pagpapalaki ng anak at pension program ang mga dayuhan.  Sapagkat sinasabi sa batas na ang lahat ng tatanggap ng social security benefits ay mga “Japanese nationals” lamang. Nabago ito mula ng sumali ang Japan sa mga takdang pandaigdigang kasunduan ng United Nations at naging signatory ang Japan sa International Covenants on Human Rights (1979), at ang UN Convention Relating on the Status of Refugees (1982). Bilang signatory ng mga deklarasyon ng United Nations ay dito nakaugat ang Immigration Control and Refugee Recognition o ICRRA na ginagamit na batayan ng batas para sa mga dayuhan.

Kung ating matatandaan, sa unang bahagi ng dekada ‘90 ang mga Pilipina na nakipagdiborsyo sa asawang Japanese ay pinapauwi ng immigration kahit ito ay may anak sa asawang Japanese. Isa itong malaking laban ng panahong iyon na ipinagwagi gamit ang mga deklarasyon ng UN na pinirmahan ng Japan bilang batayan para baguhin ang maling patakaran ng mga ina na dayuhan.  Sa ngayon ang mga nanay na may anak na Japanese-Filipino ay may pinirmihan nang visa para manatili sa bansa.

Kahit ba na sinasabi ng batas ng Japan na hindi kabilang ang mga dayuhan sa welfare benefits ay mayroon naman na pinirmahan ang Japan na pandaigdigang deklarasyon sa ilalim ng United Nations. Hindi tayo dapat malunos sa deklarasyon ng Korte Suprema ng Japan kamakailan. Ito’y sapagkat mayroong pagdedesposisyon ang bawat munisipyo at mga pandaigdigan kasunduan bilang batayan para irespeto at ibigay ng pamahalaan ang naaayon na kagalingan at karapatan pantao ng lahat kasama ang mga dayuhan.


Lunes, Setyembre 1, 2014

Ambassador Lopez, tutulungan ang ‘Philippine Nikkei-Jin’


Si Ambassador Lopez kausap ang grupo ng Philippine-Nikkei Jin
Nagpakita ng kanyang pagsuporta si Philippine Ambassador Manuel Lopez sa grupo ng Philippine Nikkei-Jin na pumunta kamakailan sa Japan para sa kanilang adhikain na kilalanin bilang mga Japanese.

Ang Philippine Nikkei-jin ay ang mga anak at kaapu-apuhan ng mga Japanese na nagpunta sa Pilipinas, karamihan ay noong mga huling taon ng 19th century hanggang 1945, at nakapangasawa ng Pinay at nakabuo ng pamilya. Matapos ang World War II ay naulila sa ama ang karamihan sa mga anak  ng Japanese emigrants at naiwan sa kanilang mga anak sa Pilipinas.

Ilan sa mga Philippine Nikkei-Jin na nakipagkita kay Lopez ay ang magkapatid na Henry at Ramon Sato, Hideo Miyake, Felixberto Fujiwara, Josefina Yagi, at Victoria Takeshige na nakarating sa bansa sa tulong ng Philippine Nikkei-jin Legal Support Center (PNLSC), isang non-stock at non-profit na organisasyon.

Ipinahayag ni Lopez ang kahandaan ng Embahada na tulungan sila sa pagkuha ng travel documents na kailangan upang makapunta sila sa iba’t ibang ahensiya sa Japan para sa pagpoproseso ng mga kakailanganin upang sila ay kilalanin bilang Japanese.
Kailangan ng mga Philippine Nikkei-jin ang travel documents dahil walang iniisyu sa kanila na pasaporte ang Pilipinas dahil sa legal na aspeto ng kanilang kapanganakan at paninirahan sa Pilipinas.

Pinayuhan din ni Lopez ang Philippine Nikkei-jin, sa tulong ng PNLSC, na maghain ng petisyon na humihingi ng tulong ng gobyerno ng Pilipinas para patunayan ang kanilang pagiging mamamayan ng bansa. Ito ay dahil sa ang kani-kanilang ina ay Pilipina at ang kanilang amang Hapon ay tumira at nakapagtrabaho sa Pilipinas.