Miyerkules, Oktubre 26, 2016

Babala sa malakas na lindol inilabas ng disaster management team

Ni Florenda Corpuz

Magnitude 7.3 at 9 ang tinatayang magiging lakas ng lindol sa Tokyo at Osaka anumang oras, ito ay ayon sa video na inilabas ng pamahalaan kamakailan.

Inilabas ang nasabing video sa utos ng Cabinet Office Disaster Management para bigyan ng babala at paalalahanan ang mga mamamayan ng Japan na maging handa sa posibilidad ng malakas na lindol na maaaring tumama anumang oras at magtulungan sa panahon ng sakuna.

Sa dalawang video, makikita ang maaaring pinsala na maidudulot ng Nankai Trough megaquake sa Nankai region kung saan 323,000 katao ang tinatayang maaaring maging biktima mula Nagoya hanggang Osaka at sa mga isla ng Shikoku at Kyushu dahil na rin sa tsunami. Nasa 23,000 katao naman ang maaaring masawi, pitong milyon ang mag-e-evacuate at aabot ng ¥95 trilyon na katumbas na halos ng national budget ng bansa ang maaaring maging epekto sa ekonomiya dulot ng nakaambang malakas na lindol sa Tokyo.

Makikita rin sa computer-generated images sa dalawang video ang mga sira-sirang kalsada pati na rin mga sasakyan, wasak na mga tahanan at rumaragasang tsunami dahil sa lindol.

Matatandaang nasa 15,894 (as of March 2016) ang mga nasawi habang nasa 2,561 pa ang mga nawawala sa Miyagi, Iwate at Fukushima dahil sa lindol at tsunami na tumama sa northeastern Japan noong Marso 11, 2011.

Samantala, ilang Pilipinong nakapanood ng video ang nagpahayag ng pagkabahala sa kanilang Facebook habang ang ilan naman ay nagpapayo ng pagkakaroon ng disaster preparedness coordinating body sa Filipino community.



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento