Ni
Florenda Corpuz
Nananatili sa pangatlong pwesto ang
mga Pilipino sa pinakamaraming bilang ng mga dayuhan sa bansang Hapon.
Ayon sa datos na inilabas ng
Ministry of Justice kamakailan, may 237,103 ang mga Pilipinong namimirmihan
dito mula sa 2,307,388 kabuuang bilang ng mga dayuhan. Ang bilang na ito ng mga
dayuhan ay mas mataas ng 3.4 porsyento kumpara sa pagtatapos ng taong 2015.
Kabilang sa bilang ng mga Pilipino
ang may permanent residence visa, skilled labor visa at student visa status na
may validity ng tatlong buwan o higit pa sa pagtatapos ng buwan ng Hunyo.
Nadagdagan ito ng 7,508 kumpara noong taong 2015.
Nanguna sa listahan ang mga Chinese
na may bilang na 677,571 na sinundan ng mga South Korean sa bilang na 456,917.
Pang-apat naman ang mga Brazilians sa 176,284 habang panlima naman ang mga
Vietnamese sa 175,744.
Umabot naman sa 63,492 ang bilang
ng mga ilegal na dayuhan sa bansa noong Hulyo 1, mas mataas ng 674 sa
pagsisimula ng taon kung saan 6,924 ang napabalik sa kani-kanilang mga bansa sa
kalagitnaan ng taon.
Samantala, umabot naman sa 11.46
milyon ang bilang ng mga turista na bumibisita sa bansa sa unang anim na buwan
ng taon, mas mataas ito ng 22.4 porsyento kumpara noong nakaraang taon dahil sa
mas pinadaling pagkuha ng visa at mataas na palit ng dolyar sa yen.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento