Lunes, Oktubre 24, 2016

PM Abe, nangako ng $2.8 bilyon tulong sa mga refugees

Ni Florenda Corpuz
Kuha mula sa MOFA (Photo credit: UN Photo/Laura Jarriel)


Nangako ng tulong at suporta ang Japan sa mga refugees sa loob ng tatlong taon.

Sa kanyang talumpati sa U.N. Summit for Refugees and Migrants na ginanap kamakailan, sinabi ni Prime Minister Shinzo Abe na magbibigay ng $2.8 bilyong tulong mula 2016 hanggang 2018 ang pamahalaang Hapon bilang “humanitarian and self-reliance assistance to refugees, migrants, and assistance to host countries and communities.”

“In order to realize ‘Human Security,’ Japan will make efforts to ensure regional peace and stability by providing assistance to vulnerable refugees and supporting the development of refugee-hosting countries,” aniya.

Magbibigay din ang Japan ng $100 milyon tulong sa Global Crisis Response Platform ng World Bank na inilunsad ni U.S. President Barack Obama kamakailan.

Magpapatupad din ang Japan ng human resource development kung saan kabilang ang educational assistance at vocational training sa aabot sa isang milyong tao na apektado ng kaguluhan.

“Japan will endeavor to create safe learning environments for children and foster human resources in anticipation of future recovery,” pahayag ng lider.

Susuportahan din ng Japanese Overseas Cooperation Volunteers ang mga batang Syrian refugees sa pamamagitan ng “Japan Team for Syrian Refugees and Communities” na inilunsad noong Mayo.

Inanunsyo rin ni Abe na tatanggap ang Japan ng 150 Syrian students sa susunod na limang taon simula taong 2017 “with a view toward fostering the human resources which are expected to contribute to the recovery of Syria in the future.” Maaari rin nilang isama ang kanilang pamilya kung kanilang nanaisin.

“Japan will unstintingly offer its wealth of experience in humanitarian assistance and human resources development.

“I hereby promise that Japan continues to provide generous assistance standing by each refugee,” pagtatapos ni Abe.

Binalangkas ni Abe ang planong tulong ng Japan kasabay ng pangakong pagtulong ng mga iba’t ibang lider sa buong mundo sa mahigit sa 65 milyong refugees at migrante na tumakas sa mga sakuna at kaguluhan simula noong World War II na karamihan ay mula sa Afghanistan, Somalia at Syria.

            

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento