Lunes, Oktubre 24, 2016

Pagbisita sa Japan ni Duterte, inaabangan na

Ni Florenda Corpuz at Len Armea
File photo: Presidential Communications


Nakatakdang bisitahin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Japan mula Oktubre 25 hanggang 27, ito ang kinumpirma ng Ministry of Foreign Affairs (MOFA) kamakailan.

Sa pagbisita ni Duterte ay magsasagawa siya ng state call kay Emperor Akihito. Makikipagpulong din siya kay Prime Minister Shinzo Abe at dadalo sa isang hapunan na inihanda para sa kanyang pagdating. Makikipagkita rin si Duterte sa Filipino community sa Japan.

Magugunitang nanguna si Duterte sa overseas absentee voting matapos itong makakuha ng 11,216 boto mula sa 14,886 rehistradong Pilipinong botante sa Japan. Mahigit sa 237,000 ang mga Pilipino na naninirahan sa Japan sa kasalukuyan.

“The Government of Japan sincerely welcomes the visit of the President and hopes the visit will further strengthen the friendly relations between Japan and the Republic of Philippines,” sabi ng MOFA sa isang pahayag.

Ito ang kauna-unahang pagbisita ni Duterte sa Japan matapos niyang tanggapin ang imbitasyon ni Prime Minister Shinzo Abe sa kanilang unang pagkikita sa pulong sa sidelines ng 28th ASEAN Summit na ginanap sa Vientiane, Laos noong Setyembre 6 kung saan kanilang pinagtibay ang paglutas sa sigalot sa South China Sea sa pamamagitan ng mapayapang paraan.

Matatandaang pumayag si Abe na magbigay ng dalawang 90-meter patrol vessels sa Pilipinas, ang pinakamalaki na ipapahiram ng Japan, at magpahiram ng limang gamit na TC-90 training aircraft ng Japan Maritime Self-Defense Force sa gitna ng sigalot sa teritoryo laban sa China. Una nang pumayag ang Japan na magbigay ng 10 40-meter patrol boats na sinimulan nang i-deliver sa bansa.

Pinasalamatan ni Digong ang Japan sa makabuluhang papel nito sa pag-unlad ng Pilipinas lalo na sa Mindanao sa kanilang pagkikita ni Abe.

Nito lamang ay sinabi ni Duterte sa isang talumpati sa MalacaƱang na ang pamahalaang Hapon ang pinakamalaking aid donor ng Pilipinas.

Pakikipag-alyansa sa China, Russia

Bago tumulak sa Japan ay bumisita muna si Duterte sa Brunei at China upang paigtingin ang bilateral relations nito sa bansa at makapagbukas ng mas marami pang oportunidad. Nakatakda rin itong pumunta sa Russia pagkaraan ng kanyang state visit sa Japan.

Naging bukas kamakailan ang Pangulo sa kanyang pagpapahayag ng kanyang plano na magsagawa ng military joint exercises kasama ang China at Russia. Ito ay matapos niyang sabihin na ipapatigil na niya ang military joint exercises sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.

100 days bilang Pangulo

Nitong unang linggo ng Oktubre ang ika-100 araw ni Duterte mula ng manumpa siyang Pangulo ng bansa. Higit na pinag-usapan sa loob ng kanyang tatlong buwang pamumuno sa bansa ay ang kampanya sa ilegal na droga, ang isyu ng extrajudicial killings, ang kanyang tapang sa pananalita, at ang kagustuhan nitong tapusin ang pakikipag-alyansa sa Estados Unidos.

“We have three million drug addicts, and it’s growing. So if we do not interdict this problem, the next generation will be having a serious problem ... You destroy my country, I’ll kill you. And it’s a legitimate thing. If you destroy our young children, I will kill you. That is a very correct statement. There is nothing wrong in trying to preserve the interest of the next generation,” pahayag ni Duterte sa panayam sa kanya ng Al Jazeera News.

Hindi rin nagustuhan ni Duterte ang pagbatikos sa kanyang administrasyon ng Estados Unidos dahil sa pamamaraan niya ng paghawak sa kampanya laban sa droga. Sa kasalukuyan ay halos 3,500 drug suspects na ang napapatay.

Pasado naman sa mga Pilipino ang liderato ni Duterte kung saan nakakuha ito ng 86 porsyento approval at trust ratings ayon sa ginawang survey ng Pulse Asia kamakailan.

Isa ang Migrante International, ang pinakamalaking grupo ng overseas Filipino, sa nagbigay ng pasadong marka sa Pangulo na nasa 84 porsyento.

“We gave him a satisfactory grade based on his administration’s accomplishments on the immediate ‘do-ables’ and on his notable actions on urgent issues and concerns of OFWs (Overseas Filipino Workers) and the nation. This, by far, is the highest score that we have given to a president in their first 100 days,” pahayag ni Mic Catuira, Migrante’s acting Secretary General.



Walang komento:

Mag-post ng isang Komento