Hindi lamang hassle-free kundi
mas simple na ang pagpaparehistro ng negosyo. Ito ang layunin ng nilagdaang kasunduan sa pagitan ng Bureau of Internal
Revenue (BIR) at Department of Trade and
Industry (DTI) kamakailan.
Ayon kay Trade Secretary
Ramon Lopez, makatutulong ang kanilang nilagdaang memorandum of agreement (MOA)
upang ma-convert ang may isang milyong underground o ‘di pormal na negosyante
bilang legal na kabahagi ng ekonomiya ng bansa.
“We are, in effect,
encouraging more registration of MSMEs with the hope that they will really be
part of the economic system and would help them access loans and gain more
market access,” ani Lopez sa press kamakailan.
“This is in pursuit of
the mandate of the President and this administration to be conscious and aware
of the needs of the business community,” pahayag naman ni BIR commissioner
Caesar Dulay.
Sa makalumang paraan ng
pagrerehistro ng negosyo ay magkahiwalay na proseso ang paglalakad ng business
registration sa DTI at tax application sa BIR ng micro, small at medium
enterprises (MSME). Bagay na maaaring inaayawan gawin ng maliliit na negosyante
at dahilan din kung bakit marami ang pinipiling ‘wag na lamang
magparehistro.
Sa ilalim ng
administrasyon ni dating Pangulong Benigno Aquino III noon ay nailunsad
ang Philippine Business Registry (PBR)
machine ng DTI na isang paraan upang mapag-isa at mapabilis ang pagpoproseso ng
mga pagrerehistro sa loob ng 30 minuto.
Kasama na rito ang pag-apply ng Tax Identification Number (TIN) at
pagpapamiyembro sa Social Security System (SSS), Philippine Health Insurance
Corp. (PhilHealth) at Home Development Mutual Fund (PagIBIG).
Sa ilalim naman ng
pamahalaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ay nabuo ang kasunduan sa pagitan ng
DTI at BIR para magkakaroon ng konektadong sistema ang kanilang talaan para mapasimple
at mas mapabilis ang pagpoproseo ng mga aplikante.
Ayon pa kay Trade
Secretary Lopez, umaasa sila na ito ang hudyat ng pagdami ng legal na
negosyante sa bansa partikular na ang kabilang sa MSMEs. Daan na rin umano ito para makamit ng maliliit na negosyante ang iba’t
ibang benepisyo at pribelihiyo. Ilan na
rito ang pagiging kwalipikado sa pagkuha ng loans at mga programa ng gobyerno.
Sa mas pinasimpleng mga
hakbang sa pagpaparehistro ng DTI at BIR, makakapag-isyu ng pareho ang dalawang
ahensya ng TIN sa pamamagitan ng electronic registration o eReg ng PBR. Ito ay dahil kapwa ang mga ito naka-link sa PBR system. Dahil din dito ay makakapagbigay agad ang DTI
ng listahan ng mga narehistrong negosyo sa BIR.
May kakayahan na rin ang
BIR na magpoproseso ng pagrehistro ng bagong negosyo, permit na may kinalaman
sa secondary registration na may kinalaman sa book of accounts at paglalabas ng
permit at Certificate of Registration (COR), at iba pang requirements. Dagdag
pa rito ang kasiguraduhan na maaari rin na makapagbigay ng dokumento sa
kliyente ng DTI.
Ang MSMEs ay ang mga
negosyo na ang halaga ng kanilang assets ay nasa pagitan ng Php3 milyon
hanggang Php100 milyon at mayroong humigit-kumulang sa 200 empleyado.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento