Lunes, Disyembre 4, 2017

Folayang, sawi sa pangalawang title defense

Ni Tim Ramos

Ang bantamweight striker na si Kevin Belingon ang nagtayo ng bandila ng
Team Lakay matapos siyang magwagi sa pamamagitan ng isang
\unanimous decision. (Kuha ni Tim Ramos)
Hindi nagtagumpay si Eduard “Landslide” Folayang na depensahan ang kanyang ONE Championship Lightweight title matapos siyang patumbahin ng Australian-Vietnamese challenger at ONE Championship Featherweight champ na si Martin “The Situ-Asian” Nguyen.

Tila tumigil sandali ang oras sa loob ng SM Mall of Asia Arena nang ma-KO ng right straight punch ni Nguyen si Folayang matapos tangkain ng huli na magbitaw ng isang spinning back kick.

Ani Nguyen, sa post-fight press conference, ‘di mabilang na mga spinning backhands at spinning back kicks ang kanyang tinanggap sa ensayo, tanda lamang na labis niyang pinaghandaan ang mga signature moves ng Igorot fighter. Ngunit bakas din ang respeto ni Nguyen sa kanyang katunggali, lalo na’t naging magkaibigan ang dalawa simula noong dalhin sila ng ONE Championship sa Los Angeles, USA, ilang taon na ang nakalipas.

“I wouldn’t wish it on anybody,” wika ni Nguyen sa kanyang KO finish matapos ang laban. “But at the end of the day we had to face each other as martial artists,” dagdag pa niya.

Para naman kay ONE Championship CEO Chatri Sidyodtong, dahil sa nakakagulat na kinalabasan ng laban ay kailangan munang patunayan ni Folayang ang kanyang sarili sa ilang laban bago nito muling mabigyan ng pagkakataon na makipagbuno para sa kampeonato. Pero nilinaw naman ni Sidyodtong na malaki ang kumpiyansya niyang muling babangon si Folayang at kayang nitong makabawi mula sa pagkatalo.

Samantala, hindi rin pinalad si Danny Kingad sa co-main event ng ONE: Legends of the World matapos siyang mahuli sa isang rear-naked choke ng ONE Flyweight Champion na si Adriano Moraes. Bagama’t nagpakitang-gilas ang Pinoy sa striking at groundwork, hindi ito naging sapat para pantayan ang likas na galing ni Moraes sa Brazilian Jiu-jitsu.

Sa kabutihang palad naman ay tagumpay ang iba pang miyembro ng Team Lakay na lumaban noong gabing iyon: isang unanimous decision ang nakamit ni Kevin “Silencer” Belingon sa kanyang laban kay Korean BJJ expert Kevin “Oldboy” Chung, na-KO ni Joshua “Passion” Pacio si Roy Doliguez, at tinapos naman sa second round ni Gina “Conviction” Iniong ang Indonesian na si Priscilla Hertati Lumban Gaol.


Sa mga panalong ito ng mga miyembro ng Team Lakay ay posibleng makaharap ni Belingon para sa bantamweight title si Brazilian BJJ phenom na si Bibiano Fernandes. Si Iniong naman ang sasalang sa main event ng susunod na fight night ng ONE sa Singapore kung saan makakaharap niya ang beteranong Japanese grappler na si Mei Yamaguchi. Dapat ay magkakaroon ng rematch para sa ONE Atomweight championship si Yamaguchi at ang kasalukuyang champion na si Angela Lee, ngunit naudlot ang laban matapos magtamo ng malalang injuries si Lee sa isang car accident. Kapag nanalo si Iniong ay posibleng siya na ang maging title contender para sa atomweight division kapag pwede nang lumaban muli si Lee. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento